ALA-SAIS pa lang ng umaga ay nasa bahay na nina Roxanne si Krystal upang kunin ang sasakyan na ipapahiram nito sa kaniya na gagamitin niya papunta sa isang beach resort sa Quezon Province. Isang kulang itim na Kia Forte ang kotse na ida-drive niya. Maging ang mga magulang ni Roxanne ay sang-ayon sa pagpapahiram ng kotse ng mga ito sa kaniya dahil alam nito ang pinagdadaanan niya ngayon. Pinahiram pa nga siya ni Roxanne ng tatlong libo para pandagdag sa panggastos niya sa kaniyang bakasyon. Tinanggihan niya noong una ngunit sa pamimilit ng kaibigan niya ay tinanggap na lang niya. Baka kasi hindi siya paalisin ni Roxanne hangga’t hindi niya iyon kinukuha.
Kakaunti lang ang gamit na dinala ni Krystal. Dalawang pares ng two-piece swimsuit, apat na shorts, limang t-shirt at mga panloob. Dumaan din siya kanina sa supermarket para bumili ng ilang chichirya at inumin na pwede niyang makain sa biyahe. Malayo-layo pa kasi ang lalakbayin niya lalo na at sa may Calauag, Quezon pa ang punta niya. Ayon sa pagre-research niya ay medyo dulong bahagi na iyon ng naturang probinsiya.
Kasalukuyan na siyang nasa San Pablo City sa Laguna at halos hindi na umuusap ang mga sasakyan dahil sa traffic. Nang buksan niya kanina ang bintana para bumili sa nagbebenta ng chicharon dahil bigla siyang nag-crave sa chicharon nang makakita niyon ay nalaman niya dito na may nangyaring banggaan sa unahan nila kaya mabagal ang usad ng mga sasakyan. Inaayos pa daw iyon upang makausad na sila ng maayos.
Habang nakahinto pa ang sasakyan ay kinuha muna niya ang cellphone na nakalagay sa dashboard. Nakabukas ang Waze niyon upang alam niya kung saan ang tama niyang dadaanan. Bubuksan niya sana ang kaniyang Facebook nang maalala na magde-detox nga pala siya sa lahat ng social media niya.
Ikinibit niya ang balikat. “Last na 'to. Promise. Saka na ulit ako magbubukas after ng bakasyon ko…” Mahina niyang sabi sa sarili at itinuloy na niya ang pag-open ng kaniyang Facebook.
Gaya ng dati ay puro hate comments pa rin ang karamihan na natatanggap niya. Hindi niya alam pero naisipan niya na mag-post ng isang status: OMW to Pulong Dulo Beach Resort in Calauag… #soulsearching
Walang pang isang minuto ay may nag-comment agad: Nagagawa mo pa palang mag-bakasyon sa kabila ng panloloko mo sa amin. Fake!
Sa nabasang comment ay dinelete din niya agad ang status at isa-isa niyang dineactivate ang mga social media accounts niya. Matapos iyon ay ibinalik na ulit niya ang cellphone sa may dashboard at inilagay sa Waze.
Naihilamos niya ang mukha sa sariling palad at hiniling na sana ay matapos na ang galit ng mga tao sa kaniya. Naniniwala siya na kapag tumagal ay mawawala din sa isip ng mga netizen ang tungkol sa ginawa niya.
Naubos na ni Krystal ang chicharon nang umusad na ang sasakyan niya ng maayos. Marahil ay naalis na ang sagabal sa kalsada kaya ganoon. Iyon nga lang, halos isang oras din bago iyon naayos. Ngunit hindi na iyon mahalaga dahil ang importante ay dire-diretso na siyang umuusad nang walang sagabal.
-----ooo-----
LUMABAS ng bahay nila si Jimmy matapos niyang kumain. Yari sa hollowblocks at semento ang dingding ng kanilang bahay at yero ang bubong. Meron iyong tamang laki. Silang dalawa lang ng nanay niya ang nakatira doon. Bata pa lang kasi ay nawala na ang tatay niya. Paggising niya isang umaga ay hindi na niya ito nakita. Ang sabi ng nanay niya, hindi ito umuwi. Akala niya ay isang araw lang na wala ito sa bahay nila ngunit lumipas ang mga araw at buwan ay hindi na talaga ito bumalik pa. Magpahanggang ngayon ay wala silang alam ng nanay niya kung saan na ba ito.
Labis na nalungkot si Jimmy sa misteryosong pagkawala ng kaniyang tatay. Close kasi siya dito. Palagi silang naglalaro at sinasabi nito na sa kaniya nito ipapamana ang kanilang peryahan. Nag-iisang anak lang daw kasi siya nito at wala na itong ibang pagbibigyan niyon kundi siya lamang. Kaya nga junior siya nito, e.
BINABASA MO ANG
CHAINS II: The Kidnapping Of Krystal Cuevas
Mystery / ThrillerUpang makuha ang atensiyon ng mga tao at sumikat online ay nagkunwari si Krystal Cuevas na siya ay nasa panganib at may kumidnap sa kaniya. Ngunit natuklasan ng lahat ang panloloko niyang iyon. Sumikat nga siya pero lahat naman ay galit sa kaniya. N...