LINGGO ng umaga.
Mataas na ang araw pero wari'y natatamad pang bumangon ang dalawang katawang iyon na payapang nakahimlay sa isang kama. Nakayakap ang babae sa hubad na katawan ng lalaki sa kanyang tabi. Nakaunan sa matitipunong bisig nito na kumukulong sa balingkinitang katawan ang ibabang bahagi ay nakadantay sa mga hita ng lalaki.
Naglagos ang liwanag ng araw mula sa bintanang salamin at tumama sa magandang mukhang iyon. Nasilaw ang babae, dumilat. Hinagip ng tingin ang mukha ng lalaking katabi. Pagkuwa'y ngumiti at lumabas ang dalawang biloy na lalong nagpatingkad sa kagandahan ng mukha nito.
Isang magiliw na halik sa pisngi ang idinampi nito sa lalaki. Nagulat, nagmulat ng mga mata ang lalaki. Tumingin sa kaakit-akit na mukhang iyon na mula nang masilayan niya ay di na napalis sa kanyang alaala.
LIMANG taon na ang nakararaan. Sa isang kasalan sila unang nagkatagpo kung saan naging pangunahing abay si Judith.
Masungit ang dating ni Judith. Isnabera. Hindi basta nakikipag-usap sa hindi kilala. Lalo na sa lalaki. Namumukod sa karamihan ang kanyang kagandahan. Naagaw niya ang pansin ng lahat ng bisita na dapat sana ay sa babaing ikinasal nakatuon. Isa na rito si Vergel. Namutla ang lalaki nang mahagip siya ng tingin at itinutok na ang mga mata sa kanya.
Nakilala ni Vergel si Judith dahil sa pinsan nito na si Clarissa na nagkataong matalik na kaibigan ni Judith. Kaya naman hanggang ngayon ay spoiled sa kanya si Clarissa. Kapag may hiniling ito ito sa kanya ay kaagad niyang pinagbibigyan. Dahil si Clarissa ang naging daan kung bakit ngayon ay nasa tabi niya ang perpektong kagandahang ito na alam niyang marami ang naghangad noon.
Hindi biru-biro ang bilang ng mga naging karibal niya kay Judith. May anak ng senador. May baguhang artista. May elitistang nagmula sa eksklusibong paaralan. Puro de-kotse. Tingin niya'y wala itong manliligaw na walang sinasabi. Kung di nga lang ba may hitsura rin siyang maipagmamalaki at nabibilang din sa kilalang pamilya, siya man siguro'y nangiming ligawan ito, tulad ng maraming lalaking alam niyang lihim na nagtangi rito. Ngunit dahil sa abang kalagayan ay tila nawalan na ng karapatang umibig sa isang tulad ni Judith.
Hindi gaanong mayaman ang pamilyang pinanggalingan ni Judith. Subalit sinuman sa mga manliligaw nito ang piliin nito para pakasalan ay nakatitiyak na ito ng magandang kinabukasan. Malaking bagay ang kagandahang iyon ng asawa. Na marahil, hanggang ngayon, ay pinaghahangaran pa rin ng marami.
At kahit na nga ngayong mag-asawa na sila ay nakadarama pa rin ng takot si Vergel. Hindi nakakaligtas sa kanya ang mga tingin ng mga kalalakihan sa kanyang asawa tuwing magkasama sila sa labas. Kaya nga hangga't maaari, gusto niya ay nakakulong sila sa pribadong silid na ito. Dito ay solong-solo niya ang kagandahan ng asawa. Wala siyang pangamba. Walang takot na maaagaw pa ito ng iba.
Sa kuwartong ito ay nayayakap niya ito. Nahahagkan. Naaangkin nang buung-buo. Sadyang mahal na mahal niya si Judith. Mahal na mahal. Walang kayamanang katumbas ito. Para sa kanya, si Judith ang pinakamahalaga niyang posesyon. Walang puwedeng umagaw.
Kung may magtatangkang sumalbahe sa kanyang asawa, tiyak na makakapatay siya. Ganoon kahalaga si Judith sa kanya. Parang isang mamahaling hiyas na tanging siya lamang ang mayroon.
Hindi niya makakalimutan ang hirap na inabot niya bago napasagot si Judith. Tandang-tanda pa niya, bahagya na siyang pinansin nito nang ipakilala siya ng pinsang si Clarissa. Ni hindi nga nito iniabot ang kamay nang tangkain niyang kamayan ito. Agad itong bumaling sa katabi upang iwasan ang iba pa niyang sasabihin. Pero hindi siya sumuko. Sa tulong ni Clarissa, pinilit niyang maabot ang mailap na babaing ito.
Si Clarissa ang nagsilbing tulay. Tagakumusta. Tagabigay ng sulat. Tagaabot ng chocolate and candies at mga bulaklak. Noong una'y tila walang linaw ang kanyang lakad. Pero dahil sa tiyaga at sinseridad, napansin din ni Judith ang kanyang paghihirap.
BINABASA MO ANG
OBSESYON
Mystery / ThrillerThis was one of the first two approved novels I have submitted to Books for Pleasure, Inc., publisher of then popular imprints Valentines Romances and Hiwaga. This book was published in 1992 under Hiwaga. Before becoming a pocketbook novelist, yours...