KWENTONG BOKASYON

57 2 0
                                    

"Ano ang vocation story mo?" 

Hindi ko alam kung bakit, pero isa na siguro yan sa mga tanong na nahihirapan akong sagutin. Hindi tulad ng iba, walang eksaktong pagkakataon o pangyayari sa aking buhay na masasabi kong doon ako tinawag ng Panginoon. Kasi bata pa lamang ako, sabi ng aking mga magulang at sabi na rin ng ilan sa mga nakatatandang nakakikilala sa akin ay kinakikitaan na ako ng  bokasyon sa pagpapari. Tila ba kung ano ang sinabi ng Panginoon kay propeta Jeremias ay sinasabi niya rin sa akin, "Sa sinapupunan pa lamang ay pinili na kita".

Lumaki ako sa isang simpleng kristyanong pamilya. Isang linggo pa lamang, ayon sa aking Ina mula noong araw na ako'y isilang ay dinala na niya ako sa simbahan at mag mula noon linggo-linggo na kaming nag-sisimba. Nakagawa na nga ako ng maikling tula dahil sa mga pinagtagpi-tagping kwentong narinig ko.

Tatlong taong gulang nang nagkamuwang ako sa mga bagay sa mundo.
Hindi tulad ng mga karaniwang bata, "misa-misahan" ang larong nakahiligan ko.
Tuwing sasapit ang linggo, matapos ang misa,
pagka-uwi sa bahay, kukuha raw ako ng maliit na mesa
at ito'y papatungan ng kurtina,
ilalagay roon ang babasaging krusipiho
maghahanap ng tela na magsisilbing abito.
Kukuha ng maliit na baso kasama ng tinapay,
kukunin ang sambuhay na pagmamay-ari ng aking Inay,
nakatayo na nga ang pari-parian
at nagsimula na nga misa sa balkonaheng naging simbahan.

Dahil nga sa nais ng aking mga magulang na mahubog at mapalago ang aking bokasyon, inilipat niya ako mula sa pampublikong paaralan sa isang katolikong paaralan. Masasabi ko ngayon na nahubog nga at napalago ng paaralang iyon ang bokasyon ko. Mula sa mga gawaing espiritwal, sa mga mabubuti't maka-Diyos na guro lalong lalo na ang mga naging guro ko sa "Christian Living Education" hanggang sa mga mabubuti't maasahang kaibigan. Ikatlong baitang (gr.3) nang ako'y nag "First Communion", matapos ay pumasok ako sa pagiging sacristan. Dumami ang mga nakakakita at nakakakilala sa akin. Dumami ang mga nakakaalam na nais kong mag-pari. Dumami ang mga namangha sa kabaitan at kabanalan na nakikita nila sa batang nakasuot ng puting sotana. Ngunit marami ang hindi nakakakita at nakakaalam sa kung anong persona ang nasa likod ng sotanang ito. Alam ng mga kaibigan ko na ang anghel na nakikita ng mga tao ay tila may ugaling demonyo. Ngunit magpagmahal ang Diyos, nilagay niya ako sa mga kaibigang matitino at malalapit sa kanya, mga kasama kong lingkod sa simbahan na kayang itama ang mga maling ginagawa ko sa maayos na paraan. Naniniwala ako na dapat pinasasalamatan ang mga kaibigang sinosoportahan ka ngunit ipinagpapasalamat naman sa taas ang mga kaibigang itinatama ka. Nag-karoon ako ng tatlong kasintahan, at aaminin ko sa mga pagkakataong iyon sinadya kong kalimutan na magpapari ako. Tila ba tulad ni Pedro na tatlong beses itinatwa ang Panginoon. Hindi ko pinag-sisisihan na nakilala ko sila kasi natuwa at natuto ako sa mga panahong kasama sila. Siempre kinilig na din. Ang pinagsisisihan ko ay kinalimutan ko yung mas nagmamahal sa akin, hindi lang isang beses kundi tatlo. Minsan kasi sobra tayong nahuhumaling sa mga saglit lang magmahal at nakakalimutan natin kung sino yung totoong nagmamahal na laging nandiyan para sa atin.

Grade 12 nag-apply ako sa isang seminary, umabot ako hanggang sa Final interview. Makalipas ang isang buwan, holy week, yung isang kakilala kong nag exam nakatanggap na ng resulta at nakapasa siya. After one-week wala pa din. April 22, Easter Monday, nag text ako sa admission office para sa updates. 11 ng tanghali tinawagan ako ng secretary at sinabi na wala daw yung files ko at kailangan ko daw na magpasa ulit ng mga requirements at pinapapunta ako sa seminary ng Friday, April 26. April 25, Thursday within the octave of easter, nakatanggap ako ng email, ang resulta, NOT QUALIFIED. Hindi ko alam kung bakit pero hindi ako nalungkot. Binasa ko ulit yung "electronic copy of letter", at nalaman ko na para sa ibang tao yung letter. Minsan may mga bagay o tao na inakala nating para sa atin pero hindi naman pala. Nag-email ako para linawin. "Sorry for that. We will check the files." Sabi nila. Tinawagan ko agad yung admission office at tinanong kung kailangan ko pang luluwas sabi niya mas mabuting pumunta ako ng seminary. Nanghiram kami ng sasakyan sa isang kamag-anak. 5:00 a.m. nakarating kami sa Maynila. Sarado pa ang seminary kaya nag antay kami. 7:00 a.m. pinapasok kami ng seminary pero wala pa ang secretary.  9:00  dumating ang secretary, 9:17 pinapasok ako sa Office. Kabadong kabado ako. Tinanong ng rector ang pangalan ko habang hinahanap yung sulat na para sa akin. Tinanong ako kung hindi ko daw ba natanggap yung email. Dun ko na nalaman ang sagot kung pasado ako o hindi. Inaabot sa akin ang letter sabay sabi ng nakangiti, "Salamat,...Ingat kayo." Bago ako lumabas ng Seminary pumasok ako sa chapel, doon ko binuksan yung sulat at ang una kong nakita ay yung salitang "unfortunately" hindi ako nakaramdam ng lungkot, tila ba nawala yung bigat na nararamdaman ko bago ako pumasok para kunin yung letter. Masaya ko pang kinausap ang Diyos at nag sabing "Lord kagaya ng sinasabi ko sa mga prayers ko, let your will be done." Pag plano ni Lord, plano ni Lord. Lumabas ako ng nakangiti sa seminaryo, sinalubong ako ni Mama at kuya ng nakangiti, nung nakita ko ang mga ngiti nila doon lamang ako nakaramdam ng lungkot. Kasi kung meron mang tao na pinaka-suportado at umaasang makakapag-pari ako si Mama na yun. Nahirapan akong sabihin sa kanila kasi baka mawala yung ngiti nila. Pero matatatag ako. Sinabi ko ang lahat habang nakangiti. Nag-text ako sa aking Kura Paroko at sa Vocation Director para sabihin ang resulta. Parehas silang nagsabi "Marami pa diyan." Pag-uwi ng probinsiya tinignan ko yung email dumating lang siya April 26, 2:00 a.m. siguro mabagal lang ang internet. Sabado, nag-desisyon na ako at nag sabing hindi ako para sa pag-papari. Kung ipapaliwanag ko yung nararamdaman ko sa balbal na salita "Chilaks lang" ako. Divine Mercy Sunday, nagkita kami ng kura, inakbayan ako at tinanong kung gusto ko pang mag-pari, napatigil ako wala akong naramdaman na kung ano pero napasabi nalang ako ng "Opo Pads" at sinabi niya na meron pang isang seminaryo na pwedeng pasukan na alam ng Vocation Director, antayin ko lang daw ang text niya. Tunay ngang may awa ang Diyos. Lunes, wala pa din. Mayo na, naisip ko kung meron pa kayang nag-papaexam? Pwede pa kayang hahabol? Enrolment na eh. April 30 kapisatahan ni Papa San Pio V, 7:43 a.m. nag chat sa akin ang Vocation Director "Good morning! Willing ka ba to take other options?" siempre sumagot ako ng opo. Sabi ni St. Pius V "O Lord, increase my sufferings and my patience!" Inaamin ko nawalan ako ng pasensya pero sabi ko nga, "pag plano ni Lord, plano ni Lord." Hinatid ako ng Parish Priest ko sa seminary para sa interview. Sobrang laki ng pasasalamat ko sa tiwala at suporta niya. At ngayon nga nasa seminary na ako. Idagdag ko lang.  June 9, Pentekostes, hinatid ako sa seminary. Pag dating sa kwarto ko may ahas, OO AHAS! isang bagay ang pumasok sa isip ko na susundan ako ng demonyo kahit sa seminary, Pero tinulungan ako ng Rector at pinatay yung ahas, para bang sinasabi na wag kang matakot sa Demonyo nandyan ang Diyos para sayo.

Sabi ko kanina, walang eksaktong panahon o pangyayari na tinawag ako ng Panginoon, kasi napagtanto ko na araw-araw niya akong tinatawag. Para sa akin, araw-araw tayong tinatawag. Bago pa tayo isilang tinatawag na tayo ng Panginoon, Sa sinapupunan pa lang pinili na niya tayo.

Pangwakas, gusto ko lamang sabihin na minsan dumarating sa punto ng buhay natin na para bang wala ng pag-asa pero mag-tiwala ka lang may ibibigay ang Diyos na maganda. Pangalawa magalak tayo sa mga pangyayari sa buhay natin, pangit man o maganda tiyak na may plano ang Diyos. At kapag plano ng Diyos, plano ng Diyos. Pangatlo kapag nawawalan tayo ng pag-asa isipin natin yung mga taong naniniwala at sumusuporta sa atin, kung tingin man natin wala, naririyan ang palagi ang Diyos. Pang-apat, sa mga nag-nanais pumasok sa seminaryo, nung-una inisip ko yung mga bagay na wala ako na tingin ko kailangan sa loob ng seminaryo, talino, talento, pera, mga kagamitan, mga bagay na hindi ko alam gawin, confidence, at marami pang iba, sabi ng iba wag kong isipin yun, pero inisip ko pa din. Pagpasok ko ng seminaryo napagtanto ko ang isang bagay, kung lahat ng bagay ay wala sayo, ano pala ang meron ka? Sarili mo. At yang sarili mo, yan lang naman ang kinakailangan sa pag-pasok mo sa seminaryo. Sa loob ng seminaryo nadun ang mga kapatid mo, mga formator mo at ang Diyos na pupuno sayo. Baso lang naman ang kailangan mo, Seminaryo na ang pupuno sa baso mo.

Disclaimer: Wala po akong sama ng loob sa unang seminaryong nabanggit, at hindi ko po sila nais pasamain. Kaya ko po ito nabanggit kasi its part of my vocation story and for me it's a fun experience where I learned many things.

At Kapag Plano Ng DiyosWhere stories live. Discover now