"Napakaganda," sambit ko habang tinitignan ang matatayog na puno at mayuyuming bulaklak.
Nakatayo ako ngayon sa gitna ng isang paraiso. Lugar na kailanman ay hindi ko inakalang mapupuntahan ko.
Hindi ito pangkaraniwan, puno ng nagkikislapang diyamante at iba't ibang kulay ng mga halaman.
Sadyang napakapayapa at tanging huni lamang ng mga ibon at agos ng mala-kristal na batis ang iyong maririnig.
Sa aking pagkamangha, nakarinig ako ng napakagandang musika. Nakahahalina ang tunog nito.
Namalayan ko na lamang ang aking sarili na humahakbang patungo sa kinaroroonan nito.
Napapikit ako nang dumampi ang sariwang hangin na tila yumayakap sa akin.
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata, may mas igaganda pa pala ang tanawing ito.
Sa aking harapan, nakita ko ang pinakamatipunong lalaking nasilayan ko sa tanang buhay ko.
Nakaupo siya sa isang malaking bato, at tumutugtog ng plawta. Vest at shorts lamang ang kaniyang kasuotan. Kaya naman litaw na litaw ang perpektong hubog ng kaniyang katawan.
Nag-angat siya ng tingin sa akin. Nagtama ang mata ko at mata niyang mapupungay na kulay tsokolate. Bumaba ang tingin ko sa kaniyang matangos na ilong at mula sa kaniyang mapupulang labi, sumilay ang isang ngiting nagpatunaw sa akin.
Sa ilang segundong pagtitig ko sa kaniya, ako ay nabighani.
Tumayo siya mula sa kaniyang kinauupuan at lumapit sa akin. Kumalabog ang aking puso, napahinto siya at napakunot ang noo. Nagulat ako sa bigla niyang pagsigaw ng "Gumising ka na!"
Napabalikwas ako sa lakas ng kalabog ng pinto at sigaw ng kasambahay.
"Astrid, gumising ka na! Maghanda ka dahil may pupuntahan daw kayo." Sigaw niya.
"Opo, babangon na po." Sagot ko.
Sampung tao na ang nakalipas simula noong inambush ang aming sinasakyan. Namatay ang aking mga magulang dahil sa insidenteng iyon. Kalaban sa pulitika ng aking ama ang may kagagawan niyon.
Masuwerteng nabuhay ako at nahuli naman ang may sala sa trahedyang nangyari sa amin.
Mula noon, napilitan ang aking tiyahin na kupkupin ako. Nakapangasawa siya ng mayaman kaya naman maganda ang kaniyang buhay.
Kailanman ay hindi niya ako itinuring na kapamilya. Mas naramdaman ko ang pagtanggap mula sa kaniyang asawa, si Tito Robert.
Kung hindi dahil kay tito, malamang ay napalayas na ako rito. Minsan ay naiisip kong baka si Tito Robert nga ang totoo kong kapamilya.
Pagkatapos kong maligo at magbihis, bumaba na ako sa hagdanan. Pagkadating ko sa hapag, ang matinis na boses ni tiya ang sumalubong sa akin.
"Bakit ba napakatagal mo, Astrid?! Kung ganiyan ka kabagal ay talagang iiwanan ka na namin." Singhal niya.
"Pasensiya na po, tita." Pinigilan ko ang sarkastikong tono at pag-ikot ng aking mata.
"Hayaan mo na, Margarette." Si tito.
"Pagod pa iyan mula sa trabaho." Dugtong pa niya.
Pagkatapos ay bumaling siya sa akin, "Bakit naman kasi nagtatrabaho ka pa? Kaya ko namang ibigay ang lahat ng pangangailangan mo."
Nagtatrabaho ako sa isang fast food restaurant. Pang-gabi ang aking shift, kaya naman pagod ako at kulang sa tulog kinaumagahan. Ayaw kong maging pabigat kay Tito Robert kaya ko namang magtrabaho, kaya dapat lang na humanap ako ng pagkakakitaan lalo na at malapit na akong mag-labing walo.
BINABASA MO ANG
A World Apart
FantasyBata pa lamang ay nakaranas na ng isang matinding trahedya si Astrid, na naging dahilan ng pagiging ulila niya. Kinupkop siya ng pamilya ng kaniyang tiyahin ngunit hindi niya kailanman naramdaman ang pagmamahal at pagtanggap nito. Dahil sa isang...