1

24 3 21
                                    

    Bukas ang alis namin kaya naman kahit hindi na kami pumasok ngayong araw ay pwede. Nandito ngayon si Tatay para sumama sa paghahatid bukas sa airport. Meron namang provided na sasakyan ang school at maaaring sumama ang parents para maghatid.

    "Kumpleto na ba ang gamit mo? Mga damit na panlamig? Hindi ba malamig doon? Kailan ang uwi ninyo? Kasundo mo ba ang mga kasama mo?" Sunod-sunod na tanong niya.

    "Tay, hindi pa nga ho ako nakakaalis ay nagtatanong na kayo kailan ang uwi? Mga anim na buwan ho kami roon. At opo, kumpleto na po ang mga gamit ko" natatawa kong sagot

    "Eh iyong mga kasama mo? Kasundo mo ba? Baka awayin ka? Mayayaman ang mga iyon, Anna"

    "Kasama ho si Ria. Sampu yata kami at hindi ko pa kilala 'yung iba"

    "Paano ang pagkain ninyo? Tirahan?" Paulit-ulit na tanong na niya yan simula pa noong unang beses na nalaman niya ang tungkol dito. Paulit-ulit ko rin namang pinaliwanag dahil alam kong nag-aalala lang siya kaya ganyan.

    "Mamayang gabi ay sa labas na tayo kumain. Tutal ay aalis ka naman na bukas at huling bonding na natin ito na magkakasama. Anim na buwan kang mawawala at siguradong mamimiss ka ng mga kapatid mo"

    Kaninang umaga ay umiyak si Mike noong makitang nag iimpake na ako. Ang akala niya ay ngayon ang alis ko kaya ayaw niya sanang pumasok kung hindi ko lang pinilit. Ako pa ang naghatid sa kaniya sa paaralan niya para lang mapanatag sya.

    "Opo. Tay..." nag-iwas ako ng tingin dahil nahihiya akong sabihin ang nais ko. Ilang gabi ko na ring iniisip ito.

    "Bakit? May kulang pa sa gamit mo?" Lumapit siya sa maleta at matamang tinignan iyon. Umiling ako at ngumiti.

    "Hindi ho ba nasa Korea si Mama?" Natahimik siya at natulala ng ilang saglit bago lumapit sa akin. Umuga ang kama kung saan ako nakaupo nang tumabi siya sa akin.

    "Oo. Hahanapin mo siya?"

    "Gusto ko ho sana.. kung ayos lang sa inyo"

    "Ayos lang anak" aniya sa garalgal na boses. Tinignan ko siya at nakitang nakangiti siya sa akin "matagal na panahon na noong naghiwalay kami ng Mama mo. At alam ko naman na hahanapin nyo siya paglaki nyo kaya matagal ko ng hinanda ang sarili ko. At isa pa, karapatan ninyo iyon, anak. Syempre Nanay nyo siya kaya natural lang na gusto nyo siyang makasama"

    Yinakap ko siya at pinasalamatan. Sinabi niya na naka move on na raw siya at nagsabing may bagong nililigawan siya. Hindi ko alam kung biro o hindi pero ayos lang kung totoo. Gusto kong masaya si Tatay at kung ang pagkakaroon ng bagong kasintahan ang makakapagpasaya sa kanya, ayos lang.

    "Ate, pahiram ng sandals mo. Nasira iyong akin" ani Jany. Kusa na niyang kinuha ang sandals at isinuot kahit hindi pa naririnig ang pagpayag ko.

    Nag-aayos na kami para makaalis na at makapunta sa plaza para doon kumain ng hapunan. Iyon kasi ang gusto ni Tatay. Pagkatapos ay pupunta kami sa isang night market at doon mamamasyal bago umuwi.

    Hindi mahiwalay si Mike sa akin at panay nakasunod kahit saan ako magtungo. Aniya ay mamimiss daw nya ako kaya sinusulit na niya. Si Jany naman ay panay ang kuha ng mga selfies para may remembrance raw sya at baka makalimutan niya ang itsura ko.

    "Magagalit ako kapag kinalumutan mo ako. Isa pa, anim na buwan lang ako roon. Imposibleng makalimutan mo ang itsura ng magandang ate mo" biro ko

    "Ang kapal mo. Mas maganda kaya ako. Lalamang ka lang niyan dahil pupunta ka sa malamig na lugar at siguradong puputi ka roon" angil niya

    "Ay ate nilait ka po oh. Wag mo po bigyan ng pasalubong" sulsol naman ni Mike kaya't nagsimulang mag away ang dalawa.

Love, LMHTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon