52 Kape

20 0 0
                                    

Sandali na lang makukuha ko na ang timpla
Huwag kang maiinip, kaunting halo pa
Batid kong kapwa pagod na ang ating mga diwa,
Kaya maupo ka muna sa hinandang silya

Nais mo na rin marahil na umidlip sa tahimik na gabing ito
Kaya nga't isa-isahin natin ang problema, simulan na ang kuwento
Ano ang sanhi ng iyong pagkapagod,
Suko na ba talaga o ikaw lamang ay nalilito?
Hindi sana maging sing pait ang iyong sagot ng kapeng iniinom
Hindi man nito mapapawi ang kaba'y gigisingin naman nito ang tunay na tensyon
Ano ang nagbago? Bakit kinapaguran ang relasyon?

Nalalasahan mo ba ang tamis na sumusungaw sa aking timpla
Hindi lang ba ang pait ang iyong napupuna?
Wala pa sa kalahati ang naiinom bakit umaayaw ka na?
Buo pa ang asukal sa kailaliman ng tasa, hindi mo lang nahalo ng tama
Hindi naman puro pait at pakla, may tamis rin sa lasa
O sawa ka na talaga?

Hinahunin mo ang iyong loob, huwag kang manumbat
Batid kong may mali ako, kanina ko pa tinanggap
Unti-unti ng nagiging malinaw, salamat sa pagpapaliwanag
Mga mata sa antok mo'y bumibigat
Aki'y lumalabo sa mga luhang nais pumatak
Mukhang hindi mo na nga kayang manatiling mulat timplahan man kita ng kape magdamag
Kailangan mo na yata ng mahabang pahinga, marapat na sigurong gumayak
Hindi na ako ang iyong tahanan, sa patutunguha'y makarating ka sanang ligtas
Huwag mo ng isipin ang iyong naiwan, itulog mo na lang ang lahat

100 TULA: Sa Panauhin ni KupidoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon