“Hoy ‘Neng! Gising na d’yan! Nasa Maynila na tayo oy! Tulog nang tulog, tsk tsk!”
Agad akong napabalikwas nang marinig ang matining na boses ng kundoktor sa sinasakyang kong bus. Luminga-linga ako sa paligid at nakita kong nagsisibabaan na ang mga pasahero tanda na nasa terminal na kami. Natulog kasi ako buong byahe. Hindi naman ako excited makapunta rito sa Maynila. Ayoko ngang pumunta rito dahil kuntento na ko sa buhay namin sa Laguna. Payak pero masaya. Kaso, kaka-graduate ko pa lang sa high school ay kinukuha na ko ng Lola ko na nagtatrabahong kasambahay dito. Nirekomenda ako ng Tatay ko sa kanya para magtrabaho raw muna. Uunahin daw kasi muna si Ate Jenelet na makyatapos sa kolehiyo bago ako. Kaya mas mainam daw na kay Lola muna ako, kumikita pa.
Sinoot ko ang kaninang yakap-yakap kong backpack at isang malaking bag. Inayos ko muna ang buhok kong may mga takas na hibla, nagulo dahil sa pagkakatulog ko. “Salamat, Manong!” sigaw ko sa konduktor bago bumaba ng bus. Agad akong tinamaan ng sinag ng araw pagkaapak ko palang sa semento. Halos nakapikit na ako sa pagkasilaw. Naglakad ako para lumilim. Luminga ako sa paligid at tiningnan ang oras, pasado alas-otso na. Hindi ko nilapag ang gamit dahil kabilin-bilinan ni Mama na huwag ihihiwalay ang mga gamit sa akin at marami raw snatcher sa Maynila.
Dinukot ko ang kapirasong papel sa likod na bulsa ng pantalon kong maong. Ang pinakapaborito kong pantalon sa lahat ng damit ko. Blue skinny jeans na stretchable. Pamasko sa akin ni Mama at Papa. Binasa kong mulit ang address na binigay ni Lola. Wala akong ideya kung paano ako makakapunta rito. Hanggang pagsakay ng bus pa-maynila ang turan sa akin ni Papa. Magtanong na lang daw ako pagdating ko rito.
“Sino kaya mukhang may alam..” pinasadahan ko ng tingin ang mga tao sa paligid ko. May mga naghihintay sa waiting shed, naglalakad, nakyatambay na nagbabasa ng dyaryo at nagse-cellphone. Nahagip ko ang isang security guard.
Lumapit ako. “Manong! Pwedeng magtanong?”
Pinasadahan niya ako ng tingin bago nagsalita. “Ano ba ‘yon?”
“Baka alam niyo kung paano pumunta sa address na ‘to?” pinakita ko sa kanya ang kapirasong papel at pinabasa.
Kunot-noo niya iyong binasa at ilang segundo pa ay medyo umaliwaslas ang mukha signal na alam niya siguro ang daan papunta.
“Ah, mga dalawang sakay na lang ‘yan dito, Neng..” Tumingin siya sa akin at inumuwestra niya ang kanyang kamay at may itinurong direksiyon. Sinundan ng paningin ko ang tinuturo niya. “Nakikita mo ‘yong pilahan ng Jeep na ‘yon? Pumunta ka ro’n at hanapin mo ‘yung may signage na Malvar. Sumakay ka roon tapos sabihin mo sa driver ibaba ka sa Malvar Street. Pwede mo na iyong lakarin magmula roon, kaya nasa malaking subdivision ‘yang address na ‘yan, mansyon ‘yan e. Kung may budget ka mag-tricycle ka, doon ka na mismo ibaba niyan.”
Tumango-tango pa ko sa kanya. Tinandaan kong maigi yung sinabi niya. “Sige-sige po, Manong. Maraming salamat!”
Tumango naman siya sa akin at mulit akong pinasadahan ng tingin. “Mag-aapply ka bang katulong doon? Mukhang dayo ka a,”
Alangan akong ngumisi. Halyatain ba? “E o-opo..” nagsimula na kong maglakad. Pero narinig ko pa rin yung hulitng sinabi ng security guard na iyon.
“Aba, masuwerteng bata. Makakapasok sa mga De Silva..”
Hindi ko alam kung anong klaseng turan iyon kaya binalewala ko na lang.
Nagpatuloy ako sa pagtawid sa kabila. Hinanap ko ang jeep na papuntang Malvar sumakay ako at nagpababa sa roon. Dahil sa hindi ko kabisado ang daan ay sumakay na rin ako ng tricycle. Mababawi ko naman ang ginastos ko sa pamasahe kapag nagtrabaho na ko. Nakakatuwa lang dahil pagkapasok namin sa subdivision ay nalula ako sa naggagandahang malalaking mga bahay dito. Kulang ang sabihing Mansyon iyon. “Grabe, ang Mamahal siguro ng materyales sa mga bahay dito. Yamanin mga tao rine!” nakaawang pa ang labi ko sa pagkamangha.