Prologue

18 1 0
                                    

10 years ago...

"Lolo!" masayang sabi ko at patakbong lumapit kay lolo.

"Ka gandang bata naman ng apo ko." sabi ni lolo at niyakap ako ng mahigpit.

Sobrang miss ko na ang lolo ko. Hindi kasi kami nakakapunta dahil malayo ang bahay nila. Sa Cebu siya nakatira kasama si lola at kami naman ay sa Cavite.

"Kamusta ang biyahe nyo?" tanong ni lola habang naghahanda ng pagkain.

"Okay naman po 'nay. Tuwang tuwa nga po si Dremian. First time niya kasi sumakay ng eroplano." sabi ni mama habang inaayos ang mga gamit namin.

"Opo! Ang liit ng mga bahay tapos po malapit kami sa ulap. Ang saya!" kwento ko at nagsitawanan naman sila.

Nandito kaming lahat sa sala. Katabi ko si lolo at tinitignan namin ang mga lumang photo album nila. Ang mga magulang ko naman at si lola ay nag-uusap.

"Wow, lolo ang payat mo pa dito oh" turo ko sa picture niyang nakatayo at may hawak na libro.

Natawa naman siya, "Kolehiyo pa ako nyan apo, sa Manila pa ako nag-aaral."

Tumango naman ako at binuklat ang susunod na pahina. Puro picture ni lolo na nag-aaral siya pero may isang litrato ang nakapukaw ng aking pansin.

"Ano po ito 'lo?" tanong ko at itinuro ang litrato.

Napangiti naman siya at kinuha ang litrato mula sa photo album.

"Eto ang kaisa isang librong nagawa ko, apo."

Namangha ako sa sinabi ni lolo. Hindi ko alam na manunulat pala siya.

"Wow, tungkol po saan yan 'lo? Pwede ko po bang basahin?" interesado kong tanong.

Natawa naman si lolo, "Sa edad mo ngayon Dremian ay hindi mo pa ito maiintindihan."

Napanguso naman ako at nalungkot. Sayang naman.

"Pero pag malaki ka na, tiyak na maiintindihan at magugustuhan mo na 'yon."

Napangiti ako, "Talaga po?" may bahid ng saya na tanong ko.

"Oo naman, apo." sabi ni lolo at ngumiti sa akin.

Lumipas ang ilang araw at masasabi ko na sobrang saya dito sa lugar nila lolo. Sobrang lawak kasi ng lupain nila. Araw-araw ay napunta ako sa bukirin para maglaro. Nagpapakain din kami ng mga alagang hayop tulad ng manok at baboy. Marami na rin akong nagiging kaibigan dito.

Nakakalungkot dahil nagbakasyon lang kami dito at ilang araw nalang ay uuwi narin. Tiyak na mamimiss ko na naman ang lugar na 'to at syempre si lolo rin.

Nandito ako ngayon sa sala at tinitignan ang photo album ni lolo. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala sa isip ko ang litrato ng libro na yon. Nandito pa kaya 'yon? Tungkol saan kaya 'yung librong 'yon?

Napabuntong hininga na lang ako. Hays, gusto ko tuloy malaman.

Dumating ang gabi at di ko na namalayan na ito na pala ang huling araw namin dito at kinabukasan din ay uuwi na kami.

Nasa hapag kainan kami at maraming masasarap na pagkain pero nakabusangot pa rin ang mukha ko.

"Dremian anak, may problema ba? Kanina mo pa hindi ginagalaw ang pagkain mo." sabi ni papa.

Lahat sila ay alalang nakatingin sakin.

"Anong problema, apo?" sabi ni lolo na katabi ko. Napatingin ako sa kanya. Mamimiss ko si lolo.

Huminga muna ako ng malalim bago nagsalita, "Wala naman po. Nalulungkot lang po ako dahil uuwi na kami bukas. Mamimiss ko po ito."

"Makakabisita pa naman kayo dito sa susunod na taon, apo." sabi ni lola at ngumiti sa 'kin.

Napatingin ako kay lolo at tumango siya, "Tama ang lola mo, apo." sabi niya at ngumiti.

Gumaan na rin ang pakiramdam ko dahil sa sinabi ni lola at lolo. Nagpatuloy kami sa pagkain hanggang sa oras na ng pagtulog.

Papunta ako sa kwarto namin ngunit nahagip ng mata ko si lolo na sa terrace at nakaupo. Palagi siyang nandyan pero ngayon lang ako nacurious at lumapit.

Napansin naman ni lolo ang paglapit ko, "Oh Dremian, matutulog na kayo diba? Maaga pa gising nyo bukas."

Naupo ako sa upuan na katabi ni lolo, "Opo, mamaya ay aakyat na rin po ako." I smiled. Tumango naman si lolo at muling tumingin sa bukirin niya.

Isang mahabang katahimikan ang nangyari bago muling nagsalita si lolo.

"Alam mo, apo. Darating ang panahon na malalaman mo kung bakit ka narito sa mundong ito. Siguro ngayon hindi mo pa alam o hindi ka pa sigurado, pero may mga bagay na nakatadhana sa isang tao, at 'yon ang magsisilbing tulay upang madiskubre mo ang layunin mo dito sa mundo." mahabang sabi ni lolo habang nakatingin pa 'rin sa malayo.

Nagtataka akong nakatingin sa kanya.

"Ano pong ibig nyong sabihin 'lo?"

Tumingin siya sa 'kin at natawa, "Pagpasensyahan mo na ang lolo ah, kung ano-ano ang sinasabi ko."

Naguguluhan pa 'rin ako. May kinuha naman si lolo sa katabi niyang table at inabot sa 'kin.

Isang libro.

Kinuha ko ito at kahawig nito ang libro sa photo album ni lolo. Nanlaki ang mata ko nang malaman na ito talaga yung libro sa litrato!

"Yan ang isa sa pinaka mahalagang bagay na meron ako. Ibibigay ko iyan sa 'yo, apo. Dahil mahalaga ka rin sa 'kin."

Nagulat ako sa sinabi ni lolo, "Pero 'lo, sa inyo po ito diba?"

"Sa iyo na yan magmula ngayon." tugon niya.

Di ko alam kung anong sasabihin ko. Nakatingin lang ako sa libro. Lumang luma na ito ngunit nasa maayos na kondisyon pa rin.

"Gusto ko na yan ang maging tulay upang mahanap mo ang dahilan kung bakit ka nandito sa mundo."

Napatingin ako kay lolo at nakangiti siya sa 'kin.

Simula nung gabing 'yon, hindi mawala sa isip ko ang sinabi ni lolo.

Pinagkaingatan ko rin ang librong ibinigay niya sa 'kin.

Habang lumilipas ang panahon, saka ko naiintindihan ang mga katagang 'yon ni lolo.

Doon ko nalaman ang sagot sa mga 'yon.

Gusto kong maging katulad ni lolo.

Gusto kong maging isang manunulat.





Through The Pages (on-going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon