Chapter 25 - [Flashback]

486 20 12
                                    


"Ella, anak, ano'ng nangyari dito?" humahangos na tanong ni Manang Elsa. Kasunod nito si Marie at ang mga kasambahay na sina Ate Alma, Ate Becka, at Ate Maribel. "Sino iyong  galit at sumisigaw?"

"Sinigawan po ako ni Sir Trace at pinagbagsakan ng pinto," sagot niya. Hindi pa rin siya makapaniwala na nagawa iyon ng binata. Sa mag-iisang tao niya na nagtatrabaho ay ito ang unang beses na nakita niyang galit at nakasigaw ang lalaki.

"Okay ka lang ba? Sinaktan ka ba?" Nag-aalalang tanong ng best friend niyang si Marie. Lumapit pa ito at niyapos siya.

"Hindi." Tugon niya.

"Bakit ka sinigawan? Anong ginawa mo?" Nag-aalalang tanong ni Ate Alma.

"Wala po. Wala po akong ginawa. Promise." Buo ang loob niyang sagot sabay taas pa ng kanang kamay habang diretsong nakatingin sa mga mata ng mga ito. Gusto niya iparating na wala siyang maling ginagawa.

"Sa tagal ko dito, first time ko lang narinig na sumigaw si Sir Trace." Sabi naman ni Ate Maribel na agad naman sinang-ayunan ni Ate Becka at Ate Alma.

"Hay, naku naman, bata ka! Ilang beses ko nang sinabi sa iyo na huwag na huwag mong gagalitin si Sir Trace, diba? Hindi ka dapat  gumagawa ng kahit anong bagay na makakapagpainit ng ulo niya..." Patuloy  na panenermon ng kaniyang Ninang. Pero mababakas din sa mukha nito ang pag-aalala sa kaniya. "Mag-sorry ka na lang, 'nak."

Dahil sa huling sinabi nito ay tila nakanti ang kaniyang pride. Alam niyang wala siyang ginawang mali dito at mas lalong wala siyang ginawang mali sa kaniyang trabaho. "Hindi po ako magso-sorry. Malinis ang konsensya ko. Alam ko na wala akong mali."

"Pero anak baka makarating pa ito kina---"

Mabilis siyang sumabat sa sinasabi ng kaniyang Ninang, "Wala po akong pakialam kahit pa makarating ito kina Senyora Cassarina o kahit pa sa Presidente ng Pilipinas. Wala po akong ginagawang masama kaya lalaban ako." Pagmamatigas na pangangangatwiran niya.

Dali-dali siyang bumalik sa harap ng silid ni Trace at doon sumigaw. "Hoy, wala akong ginagawang mali! Alam mong wala akong kasalanan!" sigaw niya, saka binayo nang sunod-sunod ang nakasaradong pinto.

"Susmaryosep, Ella!" Awat pa ni Manang Elsa ng lapitan siya at pigilan.

"Ella, ano ba, tigilan mo 'yan!" Suway naman ni Marie habang pilit siyang hinihila palayo. "Lalo lang magagalit si Sir Trace!"

Ngunit hindi siya nakinig sa mga ito. Kinalampag niya ang pinto hanggang sa pagbuksan uli siya ni Trace. Hindi siya papayag na pagmukhain siyang masama ng walang kwentang lalake, lalo na sa harap ng mga kapwa niya kasambahay. Bahala na nga kung matanggalan siya ng trabaho basta maipaglaban lang niya ang kaniyang sarili.

At sa loob-loob niya ay tiyak na hindi naman rin siya aalisan agad ng trabaho nina Senyora Cassarina at Don Conrad. Siguradong pagdating ng mga ito mamaya ay aalamin muna ng mga ito ang buong pangyayari bago magbigay ng karampatang desisyon.

"Hoy, lumabas ka diyan!" Patuloy niyang kalampag sa pinto ng silid ng lalake.

"Didn't I tell you to get lost and---" nakasigaw nitong bungad sa kaniya ng buksan ang pinto.

Agad siyang sumabat, "Hoy, huwag mo akong masigaw-sigawan!" Mas mataas pa ang boses niya kaysa rito. "At wala kang karapatang pagalitan ako! Lalo na ang pagbagsakan ako ng pinto!"

Naramdaman niyang may humawak sa kanyang braso. "Ella, tama na 'yan. Sir Trace, pagpasensyahan niyo na lang po ang kaibigan ko." Ani Marie sa binata habang inaawat siya.

One That Got Away (Playboy Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon