Hit and Run

138 4 0
                                    

Isang lalaking wasak ang ulo at duguan ang katawan ang bumasag sa salamin ng bintana nila. Tumatakas mula sa mga sugat nito ang masaganang dugo. Kulay itim na ito. Ang mga mata nito ay kulay puti at may matatalim na mga pangil. Ang basag-basag na utak nito ay nahuhulog sa sahig bawat hakbang nito papalapit sa kaniya.

Mabilis na isinara ni Hiro ang pintuan matapos makita ang kahindik-hindik na mukha ng lalaki. Namamawis ang kaniyang palad dahil sa takot. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Iniisip niya kung aakyat ba siya para hanapin ang kaniyang mga anak o lalabas para makahingi ng tulong.

Napaatras siya ng biglang kumalabog ang pintuan. Kinakalampag ito ng lalaki sa kabila. Naririnig niya ang nakakasindak na ungol nito at nasundan ng sigaw ng kaniyang asawa. Tumigil ang pagkalampag ngunit pinalitan ito ng pagmamakaawa at iyak.

"Hiro! Tulong! Tulungan mo 'ko!"

Hindi alam Hiro kung anong pumasok sa isipan niya ng nagawa niyang buksan ang pintuan at silipin kung anong nangyayari sa kaniyang may-bahay. Nagimbal siya ng makitang nakakubabaw sa kaniyang asawa ang lalaki.

Nakabaon ang ulo nito sa leeg ng kaniyang asawa. Dumaloy ang masaganang dugo sa sahig mula sa leeg ni Vienna. Parang itong gripo na walang tigil sa pagdaloy. Hindi nakagalaw si Hiro dahil sa takot. Tila nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan. Gusto niyang tulungan ang kaniyang asawa pero dinaig siya ng takot.

Tila gigil na gigil ang lalaki. Itinaas nito ang ulo at tumingin sa kaniya. Nalaglag mula sa bibig nito ang pulang likido at mga piraso ng laman at balat ni Vienna sa leeg. Hindi pa nakuntento ang lalaki, hinawakan nito ang bunganga ni Vienna at sapilitang ibinuka. Buong pwersa ang ginamit nito hanggang sa mabinat ng husto ang bunganga ng kawawang babae.

Narinig ni Hiro ang tunog ng pagkabali ng buto sa panga ng kaniyang asawa.

Nangisay si Vienna na parang animo'y napaparalisa. Tumatalsik-talsik pa ang dugo sa leeg nito.

Iniwan ito ng lalaki at sinubukang atakehin siya pero mabilis niyang sinara uli ang pintuan. Ngunit hindi siya nagtagumpay. Naipasok ng lalaki ang kamay nito sa gilid ng pintuan kaya hindi ito masara ni Hiro.

Malakas na ibinulya ng lalaki ang pintuan kaya natumba siya. Sinubukan niyang gumapang palayo ngunit nadakip ng lalaki ang kanan niyang paa. Sinipa niya ito ngunit yumuko na ang lalaki at kinagat ang paa niya.

Napasigaw sa sakit si Hiro. Nakita niyang ang kaniyang asawa sa 'di kalayuan, pabaliktad itong tumayo. Nagsitunugan ang mga buto nito sa katawan. Dilat na dilat ang mga mata nitong naging kulay puti na. Umayos ito ng tayo kaya bumuka ang napabali nitong panga. Dumaloy ang dugo at laway sa bibig nito.

Nakatingin ito sa kaniya.

Napaiyak si Hiro dahil sa nangyari sa kaniyang asawa, buntis pa naman ito ng walong buwan. Hindi na niya sinubukang manlaban pa sa lalaking kumakagat sa kaniyang paa. Ano pang silbi ng panlalaban niya?

Dahan-dahang lumapit si Vienna sa kaniya. Ang ulo nito ay hindi mapakali sa pag-lingalinga. Tila inaamoy nito ang paligid. Nang nasa pintuan na ang kaniyang asawa ay napatigil ito at humawak sa gilid ng pintuan.

Napahawak ito sa puson na tila nasasaktan.

Bumulwak ang tubig mula sa sinapupunan nito. Sumunod ang dugo at hindi kalaunan ay nalaglag ang isang sanggol. Lumagapak ito sa sahig kasama ang inunan nito.

Sinubukang paalisin ni Hiro ang nakadamba sa kaniya. Hinawakan niya ang isang upuan sa kaniyang uluhan at malakas na inihambalos iyon sa lalaki. Lalong nayupi ang ulo nito pero hindi man lang natinag.

Lalong bumagsik ang lalaki. Ibinaon nito ang ulo sa tiyan ni Hiro. Nanghina siya ng bumulwak ang dugo mula sa kaniyang sikmura. Napaangat ang tingin niya kay Vienna na nakaluhod na ngayon sa sahig at kinakain ang wala nang buhay nilang anak.

Ang kawawa niyang anak ay nilalantakan na ng ina nito. Tila sarap na sarap si Vienna sa pagnguya ng laman loob ng bata. Kahit hindi nito maayos ang bunganga ay buo nitong pinapasok ang mumunting laman.

Napaluha si Hiro at tinanggap na ang kaniyang katapusan. Umubo siya ng dugo. Ramdam niya ang sakit at ang paghalukay ng lalaki sa kaniyang mga lamang loob.

Nalaglag mula sa bulsa ng polo nito ang isang I.D. at nakita niya ang normal na mukha nito. Nanlaki ang mata ni Hiro ng may napagtanto. Ang lalaking nagpipyesta sa kaniyang laman loob ay ang parehong lalaki na hinitit and run niya noong nakaraang linggo.


----

©Vel_Ane

GIMBAL AT SINDAK (Horror Story Collection)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon