Forever by Chichi_Louise

204 16 15
                                    

[ COACH ] Ken
[ SONG | ARTIST ] Underneath The Tree | Kelly Clarkson
[ WATTPAD WORD COUNT ] 1,219 words

NAKAKAPANINDIG balahibo ang bawat paghaplos ng malamig na hangin sa balat ni Nicholas. Kasalukuyan siyang nakaupo sa paborito niyang upuan na nasa tabi ng bintana, at nakadungaw sa labas para pagmasdan ang mga kaganapan sa araw bago mag-Pasko.

Mga batang namamasko na palaging nasasampal ng, “Patawad!”, mga magkasintahang halos gapangan na ng antique na langgam sa sobrang katamisan, at isang buong pamilyang halos ma-lock jaw na sa kanilang masayang pagkwekwentuhan at pagtatawanan. Ito ang mga nakita niya sa labas ng kaniyang bintana.

Napabuntong hininga siya't napasandal sa kaniyang upuan. Hindi niya maiwasang 'di mainggit sa mga ito. Gusto niyang bumalik sa pagkabata at maging bata na lamang habambuhay, gusto niyang magkaroon muli ng pamilya para may kasama siya sa bawat Pasko at sa bawat araw na dadaan sa kaniyang buhay, at gusto niyang magkaroon ng kasintahang, magmamahal sa kaniya hanggang kamatayan.

Pero wala namang forever, ang sabat ng kaniyang isipan dahilan para mapabuntong hininga siyang muli. Iyon ang madalas niyang naririnig at nababasa. Na walang bagay ang panghabambuhay, pero gusto niyang patunayang mali ito. Gusto niyang mapapatunayan na mali ang kasabihang 'yon, pero paano? Kung heto't malapit na siyang magka-rayuma? Kung matagal na siyang iniwan ng butihin niyang mga magulang?

Napatingin siya sa sarili niya. Parang salbabida sa laki ang tiyan niya, at pwede nang itirintas sa haba ang blonde niyang balbas. Hindi niya kasi ito maahit dahil malabo na ang kaniyang mata, at takot siyang masugatan. Isa pa, palagi siyang nasa loob ng bahay kaya naman paano siya makakakita ng kasintahan?

“Namamasko po!” Nagulat siya sa pagsigaw ng mga bata sa labas ng kaniyang bintana. Bahagya siyang napailing at napangisi. Ni hindi man lang kasi kumanta ang mga bata, bigla na lamang itong nanghingi ng pamasko.

Napatingin siya sa mga ito, tatlo sila at puro lalaki. Mukha rin silang magkakapatid. Dahil sa likas siyang mapagbigay, hindi na siya nagdalawang isip pa. Kinuha niya ang isang plastik ng kendi na nasa mesang katabi niya at iniabot ito sa mga bata.

“Thank you, thank you, ang bait mo Mang Nicholas, thank you.” Ayon naman pala, nasa huli pala ang kanta. Kinawayan niya ang mga bata at umalis na ang mga ito. Napangiti na lamang siya, nakakagaan kasi ng pakiramdam na nakapagbigay na naman siya at nakapagpasaya.

Simula noong iniwan siya ng kaniyang magulang, namuhay siyang mapayapa at marangya kahit pa labing-limang taong gulang pa lamang siya noon. Bukod kasi sa mga iniwan ng kaniyang magulang, naging matyaga't madiskarte rin siya sa buhay kaya naman hindi siya pinagkaitan at pinabayaan ng Diyos.

Tinuruan siya ng kaniyang magulang ng mabuting asal, kaya naman dahil sa sobra-sobrang biyayang natatanggap niya at wala naman siyang ibang pagbibigyan nito ay taos puso niya itong ipinamamahagi sa mga nangangailangan.

Napatingin siya sa isang kumpol ng mga regalo na nasa ibaba ng Christmas tree. Sabi ng iba, nagbibigay daw ang mga tao ng regalo sa mga taong espesyal sa kanila. Pero para sa kaniya, nagbibigay siya ng regalo para maging espesyal ang Pasko ng iba. Sa panahong iyon kasi wala naman siyang maituturing na taong espesyal para sa kaniya.

Tumayo siya mula sa pagkakaupo para lumabas ng bahay. 'Pag bukas niya ng pinto ay mas lalo siyang napangiti nang makita ang kaniyang pinakamamahal na alaga, ang kaniyang usa, si Rudolf. Palabas na siya nang sumabit ang balakang niya sa magkabilang poste ng pituan dahilan para mapa-aray siya't mapabalik sa loob. Mukhang napasobra ang pagkain niya ng agahan kaya naman hirap na naman siyang makalabas sa pintuan.

Napukaw niya ang atensyon ng alaga niyang usa, kaya naman kaagad itong napatakbo papalapit sa kanya. Gamit ang malalaki nitong sungay ay binakbak niti ang ilang bahagi ng poste. At sa pangalawang pagkakataon tinangka niyang lumabas, ay hindi na siya muling sumabit sa mga poste.

Niyakap niya ang alaga. “Maraming salamat, Rudolf,” sabi niya't pagkatapos ay diniladilaan pa siya nito. Umabot sa leeg niya ang pagdila ng alaga, kaya naman nakiliti siya't napatawa ng, “Hohoho!” Dahil sa malaki siyang tao, malaki ang boses niya at gano'n na rin ang tawa niya.

Tumigil na sila sa pakikipaglaro sa isa't isa, napagod na kasi siya. Sa loob ng wala pang dalawang minuto ay labas na ang dila niya't hinihingal na. “Excited ka na ba sa lakad natin mamaya?” tanong niya sa alaga at tumango naman ito bilang pagsagot. Nakakatuwang para bang naiintindihan talaga siya nito.

“Hay, Rudolf. Excited ka pa rin kahit taon-taon na natin itong ginagawa? Alam mo, nakakainggit din sila 'no? Naibibigay sa kanila ang gusto nila tuwing pasko, pero ako? 'Yung tanging hiling ko noon hanggang ngayon ay hindi ko pa rin natatanggap,” medyo madramang sabi niya sa alaga.

Hindi umimik si Rudolf. Tumahimik ito pero hindi niya pinansin. Inisip niyang nakikiramay lang ang alaga sa kaniyang kalungkutan kaya naman nangibabaw ang katahimikan sa pagitan nila. Ilang sandali pa ang lumipas, tinalikuran siya nito at naglakad palayo. Tinawag niya ito pero hindi ito lumingon, nagtataka man ay hinayaan na lamang niya ito at pumasok na lamang sa loob ng bahay.

SUMAPIT na ang gabi. Bukas na ang mga Christmas lights sa mga tahanan at halos ang lahat ay naghahanda na para sa Noche Buena. Nilagay na ni Nicholas ang mga regalo niya sa kaniyang karwahe. Sumakay na siya rito at hinintay na magimulang maglakad si Rudolf, pero hindi ito kumibo.

Bumaba siya para lapitan ang alaga. “Rudolf? Aalis na tayo. Bakit ayaw mong maglakad? May masakit ba sa 'yo?” Umiwas ito ng tingin na para bang nagtatampo sa kaniya. Bigla tuloy siyang napaisip kung ano bang nangyari kanina para magkaganoon ang alaga.

“Mahal kong Rudolf,” malandi - este malambing na tawag niya sa alaga. “Masyado na ba akong mabigat kaya ayaw mo na akong isakay? Hindi mo na ba ako mahal?” Bigla itong napalingon sa kaniya at mabilis na umiling. Napatawa naman siya nang mahina, nakakatuwa talaga ang katalinuhan ni Rudolf.

“Sabi na nga ba e! Mahal mo ako't 'di mo ako matitiis.” Tumango ang kaniyang alaga at bigla niyang napagtanto ang isang bagay. Napasapo siya sa kaniyang mukha nang dahil sa hiya. Bakit nga ba hindi niya kaagad napagtanto ang bagay na iyon? Bakit hindi niya kaagad naisip na matagal nang nasa kaniya ang pinakaaasam sa pasko?

Si Rudolf ang kaniyang forever. Ito ang naging kasama niya mula noon hanggang ngayon at hanggang sa mga susunod pang mga taon. Masaya siya sa tuwing kasama ito, at wala na siyang ibang hihilingin pa bukod sa makasama ito tuwing Pasko. Walang bagay ang makakapalit dito sa puso niya. Bakit pa nga ba niya kailangang maghanap pa ng iba, kung nand'yan naman ito sa tabi niya?

Niyakap niya ng mahigpit ang alaga. Yakap na tila ba ayaw na niya itong pakawalan, na para bang ayaw na niya itong mawala sa tabi niya. Makalipas ang ilang segundo, napaubo ito nang bumitiw siya sa pagkakayakap. Napahigpit 'ata ang kaniyang pagkakayakap at muntik pa niyang masakal ang alaga.

Tumawa muna siya bago humingi ng pasensya, pagkatapos ay sumakay na siya sa kaniyang karwahe at nagsimula na ring maglakad si Rudolf. Nakuha na niya ang kaniyang pinakaaasam na regalo, kaya naman oras naman para bigyan ang iba. Masaya siya dahil hindi siya nabigo sa kaniyang mithiin, ang mapatunayang mayroon pa ring bagay na panghabambuhay.

Patunay na rito ang pagmamahalan nila ni Rudolf. Pero ang pinaka-puno't dulo nito ay ang pagmamahal ng Panginoon. Ang pagmamahal Niya sa lahat ng nilalang sa mundo ay walang kapantay at panghabambuhay. Totoo ang forever. Nagkatotoo ito mula nang isilang Siya noong araw ng Pasko.

Liriko 2: AuditionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon