[ COACH ] Hope
[ SONG | ARTIST ] Winter Wonderland | Pentatonix
[ WATTPAD WORD COUNT ] 1,418 words
Mag-isang nakaupo ang dalagitang si Mary sa likod ng simbahan. Dito siya madalas pumunta tuwing gabi dahil kitang-kita niya ang malawak na kalangitan. Nakatingala siya habang sinasamyo ang malamig na hangin na dumadampi sa kanyang mukha. Malamig na ang simoy ng hangin, simbolo na malapit na naman ang Pasko.
"Gabi na Mary, bakit 'di ka pa natutulog?" Tanong ni Madre Cresista na tumabi sa kanya sa upuang yari sa kawayan.
"Hinahanap po 'yung pinakamaliwanag na bituin, 'nay. Sabi po kasi nila kapag nakita mo 'yun humiling ka at ang iyong hiling ay matutupad," aniya na lumungkot ang ekspresyon ng mukha.
Hinaplos ng madre ang buhok ng dalagita. "Anak, gusto mo ba talaga siyang makita?"
"Sa loob po ng labing-apat na taon, umaasa ako na balang araw babalikan niya ako. Ang pagbabalik niya ang tangi kong pinakaasam-asam na regalong matatanggap tuwing Pasko," ani Mary na nakatingala pa rin sa kalangitan ngunit may nagbabadyang luha sa kanyang mga mata.
Nasasaktan din ang madre tuwing nakikitang malungkot ang dalagita.
Hindi niya maiwasang maalala ang nakaraan at kung paano napunta sa kanya si Mary. Magkaibigang matalik sina madre Cresista at ang ina ni Mary na si Anna noong kabataan nila. Naghiwalay ang dalawa ng landas nang pinasok ni Cresista ang pagmamadre at ang kaibigan niya ay napilitang kumayod para sa inang maysakit dahil walang ibang maaasahan kundi ito lang. Matagal silang walang komunikasyon, nagulat na lang siya ng isang araw pinuntahan siya ni Anna sa kumbento na may dalang sanggol. Nagmamakaawa na kunin ang sanggol kaysa iwanan kung kani-kanino dahil hindi niya kayang buhayin ito. Hanggang sa 'di kalaunan, nalaman niya na ang asawa ng gobernadora sa kanilang bayan ang ama ng sanggol.
Bumuntong-hininga ang madre, kung siya lamang ang masusunod mas nanaisin pa niyang manatili si Mary sa kanila. Napamahal na kanya ang dalagita at itinuring na parang tunay na anak. Pero para sa kaligayahan ng alaga na matagal na inaaasam ay hindi niya ipagkakait na ibigay 'yun, kahit alam niya kung anong sitwasyong kinasasadlakan ng kaibigan ngayon.
Kinabukasan, laking tuwa ni Mary nang ibigay sa kanya ni madre Cresista ang address ng kanyang ina. Kaya pagkatapos na pagkatapos ng klase niya ay agad pinuntahan ito dalagita.
Hindi siya nahirapan sa paghahanap sa tirahan ng kanyang ina sa kabilang bayan pero laking dagok sa kanya nang makita ang itsura nito. Magulong-magulo ang buhok na animo'y wala ng oras para magsuklay. Mabilis ang pagbobomba sa pozo negro dahil sa tambak na labahin. May kargang sanggol sa kanyang likod gamit ang kumot at may isa pang bata na naglalaro ng bula ng sabon na nantiya niya'y nasa apat na taong gulang.
Nag-alangan tuloy siyang lumapit ngunit nanaig ang pananabik niya sa kanyang ina kaya mula sa kinatatayuan ay dahan-dahan niyang nilapitan ito.
"N-nay, n-nay," aniya sa garalgal na tono. Nag-unahan nang pumatak ang luha sa kanyang mga mata.
Halatang nagulat ang kanyang ina na tinapunan lang siya nang tingin saka itinuloy ang ginagawa. Hindi ito ang inaasahan niyang mangyayari.
"Nagkamali ka yata ng pinuntahan, ineng?"
Nilapitan niya ito at hinawakan ang braso. "Nay, a-ako po 'to si Mary. Ang iniwan niyo kay Madre Cresista, hindi niyo po ba ako natatandaan?"
"Ineng, inuulit ko," anito na tinanggal ang kamay ni Mary. "Nagkamali yata ng pinuntahan. Umalis ka na, nakakaistorbo ka sa trabaho ko." Pagtataboy nito sa kanya. Hindi na pinansin ng dalagita ang mga bula na isinasaboy sa kanya ng bata.