[ COACH ] Fall
[ SONG | ARTIST ] Ringing The Bells For Jimmy | Johnny Cash
[ WATTPAD WORD COUNT ] 560 words
Pihado mong binuksan ang pinto sa gilid ng simbahan. Nagdulot ito ng matining na ingay ngunit kampante ka pa ring nanghimasok sa loob. Hindi ka natatakot sapagkat alam mong walang bantay ang lumang gusali sa ganitong oras ng gabi. Sa iyong palagay pa nga, malamang ay masayang ipinagdiriwang ng guwardiya ang Bisperas ng Pasko kasama ang kanyang pamilya.
Nang makapasok ka sa tahanan ng Diyos, hinarap mo muna ang malaking poon ni Hesus Kristo sa gitna. Doon ka napaluhod habang ang mata'y nakapikit. Taimtim kang napadasal at buong puso mong binigay ang iyong kalooban.
"Oh mahal na Panginoon, bigyan mo po si Kuya Jim ng lakas- maraming lakas. Kung puwede lang po akong humiling, gusto kong gumaling siya sa sakit niya. Mahal ko po si Kuya kagaya ng pagmamahal ko sa inyo. Gabayan ninyo po siya at huwag ninyo siyang pababayaan. Pakiusap po, Panginoon. Amen."
Pagkatapos ay marahan kang tumayo mula sa pagkaluhod, at sa hindi inaasahang pangyayari ay nakarinig ka naman ng kaluskos kung saan. Pero hindi mo iyon binigyan ng sapat na pansin at nagpatuloy ka na lang sa dapat mong gawin, ang akyatin ang kinaroroonan ng kampana ng simbahan.
Tahimik mong tinahak ang paikot-ikot na hagdang pataas hanggang sa iyong nakita ang napakalaking hugis-tasang kampana na yari sa kakaibang metal. At sa iyong pagkamangha, napadungaw ka rin sa tanawan ng palapag. Doon mo nakita kung gaano kalawak ang buong bayan sa tuktok ng iyong kinapupuwestuhan. Kay gandang pagmasdan lalo na dahil sa nagniningning na mga bituin sa kalawakan. At ang napakalamig na simoy ng hangin na tila'y nakakaginhawa sa iyong pangdama.
"Sana nandito ka rin, Kuya Jim. Sana marinig mo itong tunog ng kampana."
Nilapitan mo ang kampana at sinuri kung paano ito napapatunog. Maliban sa pahabang metal na nakapaloob sa kampana, nakita mo rin ang dumurugtong na lubid rito.
Dahan-dahan mong hinigit ang lubid at napansin mo ang pagtama ng pahabang metal sa katawan ng kampana. Doon dumagundong ang isang napakalakas na tunog na halos mapatakip ka ng magkabilang tainga.
Halos nanatili ang alingawngaw sa iyong pandinig hanggang sa nakarinig ka ng isang pagtawag sa hindi inaakalang boses, ang isa sa padre ng simbahan.
"Oh Diyos ko! Patawarin nawa! Anong ginagawa ng isang paslit na kagaya mo rito ng ganitong oras?"
Napa-iling ka na lang sa kabang hindi alam ang isasagot dahil alam mong sa una'y pangahas ka lang na tumungo dito sa tuktok ng simbahan. At wala ka nang nagawa kundi ang tumigil sa iyong kinatatayuan at maghintay sa aksyong gagawin ng padre.
"Sumagot ka, ano ang dahilan ng pagpunta mo rito, iha?" Mahinahon niyang tanong sa'yo.
Kalmado ka niyang nilapitan at batid mong nais ka lang niyang maintindihan. Kaya ngayo'y sinubukan mong maging tapat sa kung anong rason ang isasagot mo.
"Kasi po... kasi po si Kuya Jim, posible daw na hindi na siya magtatagal dahil sa sakit niya... hiling niya sanang marinig ang tunog ng kampana ngayong gabi."
"Pero, iha, hindi tama ang ginawa mo," wika ng padre. "At alam mo sanang hindi rin tama ang tunog ng kampana na ginawa mo. Tunog iyon ng pagpapanaghoy sa namatay."
"P-patawad po," maluha-luha mong naisagot.
"Nakita na kita simula nang pumasok rito. Narinig ko rin ang dasal mo."
Paghikbi na lang ang tanging naririnig niya mula sa'yo. Lumapit siya at bigla niyang hinawakan ang isa mong kamay.
"Pero halika, ituturo ko sa iyo ang tamang pagkalembang ng kampana," nakangiting banggit ng padre. "Himig ng milagro ang ipaparinig natin sa kapatid mong si Jim."