[ COACH ] Hope
[ SONG | ARTIST ] Winter Wonderland | Pentatonix
[ WATTPAD WORD COUNT ] 1,357 wordsMalamig na ang simoy ng hangin. Humahaplos iyon sa balat ng labing-limang taong gulang na si Isay. Hindi maitatanggi na nalalapit na ang Pasko. Marami na namang bata ang nasasabik na makatanggap ng regalo galing sa kani-kanilang ninong at ninang. Subalit ang batang si Isay ay wala noon pero umaasa pa rin siya kahit paano.
Patuloy siya sa paglalakad sa may kadilimang kalsada. Bahagya ng nananakit ang mga paa niya. Pudpod na rin kasi ang tsinelas niya na napulot niya lang sa basurahan noong isang araw. Pati na rin ang amoy niya ay hindi na kaaya-aya kaya hindi nakakapagtakang nilalayuan siya ng mga tao sa tuwing lalapit siya sa mga ito. Sobrang dungis na rin ng T-shirt at shorts niya.
Nakatingala siya sa kalangitan at nakatingin sa maliwanag na bituin. Sinusundan niya kasi iyon habang tahimik na nananalangin na sana ay maging masaya ang Pasko niya kahit mag-isa lamang siya. Baka sakaling dalhin siya ng bituin na iyon sa hiling niya.
Matagal nang wala ang magulang ni Isay. Madalas kasi silang matulog sa gilid ng kalsada dahil wala silang permanenteng tahanan. Isang araw ay nagising na lamang siya na wala na ang ina sa tabi niya. Kung nasaan ito ay hindi niya mawari. Ang hula niya ay iniwan talaga siya nito sapagkat ampon lang naman siya. Pabigat lang siya rito. At mula noon ay mag-isa na siyang gumagawa ng paraan para mapunan ang kumukulong tiyan.
Sa paglalakad niya ay natanaw niya ang ilang bata sa tapat ng isang bahay. Masigla ang mga itong umaawit. May hawak ang mga itong pinagsama-samang tansan na nakakabit sa kawad upang magsilbing tunog sa pangangaroling. Pinagmasdan niya ang mga ito at pagkatapos ay nakita niyang lumabas ang may-ari ng bahay at may iniabot sa mga batang umawit. Halos magtatalon ang mga ito sa natanggap.
‘Ano kaya ang binigay n’ong babae sa kanila? Pera kaya iyon?’ aniya sa isip.
Nalampasan na siya ng mga bata. Hindi niya maiwasang makaramdam ng inggit sa nakita. Gusto niya rin maging ganoon kasaya. Gusto niya magkaroon ng mga taong makakasama ngayong pasko. Ngunit saan ba siya hahanap n’on, e, wala na naman siyang pamilya? Napabuntong-hininga siya. Ilang sandali pa ay nakaramdam na siya ng gutom. Kaninang umaga nga pala ang huli niyang kain. Tumitingin-tingin siya sa paligid, nagbabaka-sakaling may makikitang kahit anong puwedeng kainin ngunit nabigo siya.
Malungkot siyang nagpatuloy sa paglalakad. Napalingon siya sa tahanan na pinanggalingan kanina ng ilang bata. Kung siya kaya ang kumanta roon, may matatanggap kaya siya? Muling nagparamdam ang kaniyang tiyan. Nagtungo siya sa harap ng bahay at nagsimulang kumanta.
“Ang Pasko ay sumapit. Tayo ay mangagsiawit. Ng magagandang himig...” pag-awit niya. Madalas niya rin kasi marinig ang kantang iyon. Katamtaman lang ang lakas ng boses niya. Sapat na siguro iyon upang marinig siya ng may bahay.
Matapos ang ilang minuto ay lumabas na ang babae kanina. Hindi niya mabasa ang ekspresyon ng mukha nito. Tumingin ito sa kaniya at waring nairita sa kaniya. Nilapitan siya nito at buong puso niyang tinanggap ang iniabot nito.
Sa wakas.
“Salamat po, Ate. Maligayang Pasko po.”
Nang makalayo sa bahay ay tiningnan niya ang palad niya. Limam-piso ang naroon. Agad sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. Sinubukan pa niyang mangaroling sa ibang bahay ngunit wala nang nag-abot ng tulong sa kaniya.
“Ate, pabili po nitong biskwit. Limam-piso po,” sabi niya sa babae sa pinuntahang tindahan. Iniabot nito sa kaniya ang itinurong biskwit at agad niya iyong kinain. Sa wakas, nakakain din siya. Tumingala siya sa kalangitan at nagpasalamat sa Kanya.