The Sound Of Rain

21 2 1
                                    

DISCLAIMER: This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events, and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.



PROLOGUE

       "Patt, Mahal, ayos ka lang ba?" tanong ni George sa kasintahan.

       Lumingon naman ito sa kanya at tumango. "Iniisip ko lang kung ano ang posibleng maging reaksyon nina Tito Gio at lalo na ang sasabihin ni Tita Divina."

       Huminga ng malalim si George at tiningnan ng mata sa mata ang hindi mapakaling kasintahan. "Alam kong matutuwa sila, maniwala ka. Huwag kang mag-alala, Mahal. Kung anuman ang kahahantungan nito, pinapangako kong hinding-hindi kita papabayaan. Walang iwanan. Hanggang sa dulo. Mahal na mahal kita, tandaan mo 'yan."

       Nag-iwan ng ngiti sa mga labi ni Patti ang mga sinabi ni George. Ngayon ay mas gumaan ang pakiramdam ni Patti. Hinawakan ni George ang kaliwang palad ni Patti gamit ang kanang kamay habang ang kaliwa ay ginagamit nito upang magmaneho.

       Ilang minuto pa ang lumipas, narating na nila ang bahay ng mga magulang ni George. May kaya sa buhay ang pamilya ni George kumpara kay Patti. Simple lang ang estado ng araw-araw na pamumuhay ni Patti. Ulila at tanging ang sarili lamang ang kumakayod para matustusan ang mga pansariling pangangailangan. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa isang kapihan malapit sa tinitirahang apartment. Si George naman ay piniling magtrabaho sa isang kumpanyang malapit din sa pinapasukan ni Patti. Hindi niya gustong magtrabaho sa sarili nilang kumpanya dahil hindi naman ito ang hilig at pinagtuunan niya ng pansin sa loob ng apat na taong pag-aaral sa kolehiyo. Pinagbigyan naman ng kaniyang ama ang kaniyang desisyon samantalang ang ina ay tutol dito.

       "Sandali," sambit ni Patti, bumalik na naman ang kaniyang pagkabahala.

       "Magiging maayos 'to," sabi ni George at hinalikan ang noo ng kasintahan.

       Tumango at ngumiti na lamang si Patti bilang tugon. Batid ni Patti na kahit nariyan si George, hindi pa rin mawawala ang kaba na kaniyang nadarama.

       Pinagbuksan sila ng tarangkahan ng isa sa mga kasambahay nina George na si Yaya Nita. Halata sa mukha ng kasambahay ang pagkabigla nang makita ang matagal na niyang alaga. Mas lalo pa itong nabigla nang makita ang babaeng kasama ni George.

       "Yaya Nita, mano ho."

       "Magandang hapon po, Yaya Nita. Mano ho."

       "Kaawan kayo ng Diyos. Halina kayo't magmeriyenda," anyaya ni Yaya Nita. Sumunod ang dalawa papasok sa loob ng bahay. Sakto namang naroon sa sala ang mga magulang ni George na kumakain ng meriyenda.

       "Ma'am, Sir, narito po si Sir George," matapos ipaalam ni Yaya Nita ito ay nagmano kaagad si George sa ama at ina nito. Sumunod din si Patti. Ganoon din ang pagkabigla ng mga magulang ni George nang makita muli ang anak. Ngunit hindi pa ito, napatulala na lamang ang ina ni George nang makita ang itsura ni Patti. Kaagad namang niyakap ng ama ang kaniyang anak.

       "Oh siya, umupo muna kayo't kumain," anyaya ng amang si Gio.

       Umupo ang magkasintahan kaharap ng mag-asawa. Ilang minuto pang nakalipas ngunit hanggang ngayon ay seryoso pa rin ang mukha ng ina ni George. Maya-maya'y tumango naman ang kanyang ama bilang senyas upang magkuwento ang anak.

       "Ma, Pa, pasensya na po at ngayon lang ako umuwi. Alam ko pong alam niyo na kung bakit pero gusto kong ako mismo ang magsabi sa inyo. Manganganak na ho si Patt. Magkaka-apo na ho kayo."

The Sound Of RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon