“A-AKO po si Krystal Cuevas at gusto kong sabihin sa inyo na kailangan ko ng tulong. Parang awa niyo na, may kumidnap sa akin. N-nandito ako ngayon sa Quezon Province… S-sa… sa… Cal… Calauag, Quezon! Nasa isang saradong peryahan ako. Parang awa niyo na, tulungan niyo ako! Hindi ko na kaya ang ginagawa nila sa akin dito! Gusto ko nang umuwi. Tulungan niyo ako!”
Napailing si Roxanne sa video na in-upload ni Krystal sa Facebook nito.
Just now. Iyon ang nakalagay sa kung kailan iyon in-upload.
“Ano na naman ba ito, BFF?” Mahina niyang sabi matapos humigop sa mainit na kapeng iniinom niya sa isang coffee shop. Pauwi na sana siya ng bahay mula sa trabaho nang biglang umulan kaya naisipan niyang tumambay muna doon para magpatila ng ulan.
Tumagal lang ng halos twenty seconds ang bagong video ni Krystal sa Facebook. Madilim ang background kaya hindi niya masabi kung saang parte ng bahay nito iyon kinunan. May sugat ito sa labi pero kilala niya si Krystal na mahusay sa pagme-make-up. Kaya naisip niya na make-up lang iyon. Umiiyak ito sa video at may takot sa mukha pero isa lang ang sigurado ni Roxanne… Hindi iyon totoo. Mukhang inuulit lang ng kaibigan niya ang una nitong ginawa para sumikat.
Bumuga siya ng hangin. “Maba-bash ka na naman niyan, e…” Mas lalo niya tuloy pinagsisisihan kung bakit pa niya sinabi kay Krystal ang ideyang iyon.
Isang higop pa sa kape ang ginawa ni Roxanne bago inumpisahan na mag-type ng message sa Messenger ni Krystal…
-----ooo-----
WALA pang isang minuto simula ng ma-upload ni Krystal ang video sa kaniyang Facebook kung saan humihingi siya ng tulong ay marami na agad siyang reactions at comments na natanggap. Sobrang natataranta siya at magulo ang utak habang ginagawa ang video kanina kaya kung ano na lang ang lumabas sa bibig niya ay iyon na lang.
Dagsa ang comments at lahat ay pinagtatawanan siya. Walang gustong maniwala na kailangan niya talaga ng tulong.
SCAM! Hindi mo na kami mauuto, girl!
As if may maniniwala pa sa gimik nitong babaeng ito. Tanga nga lang ang maniniwala sa iyo, Krystal Cuevas!
Seriously? Wala na bang bago? Na-kidnap na naman siya? LOL
Ilan lamang iyang sa napakaraming comments na natanggap ni Krystal kaya mabilis siyang nag-comment sa sariling post: Nagsasabi ako ng totoo! May kumidnap sa akin. Tulungan ninyo ako. Sana ay maniwala na kayo sa akin this time. Nandito ako sa Calauag, Quezon.
May nag-reply agad sa comment niyang iyon: Kung na-kidnap ka, bakit nakakapag-comment ka pa? Baliw!
Magre-reply pa sana siya sa reply sa comment niya nang biglang bumukas ang pinto pababa sa basement. Nanlaki ang mata niya sa takot nang makitang mabilis na bumababa si Jimmy!
Pagtingin niya sa cellphone ay isang message mula kay Roxanne ang natanggap niya. Sa Messenger ito nag-message: BFF, kapag kailangan mo ng kausap, call ka lang, ha. Coffee tayo. Libre ko! See you soon…
Napailing si Krystal. Pati ba naman sarili niyang kaibigan ay hindi siya pinapaniwalaan?
“Krystaaal!!!” Malakas na tawag ni Jimmy. Humahangos ito palapit sa kaniya.
Napausog siya paatras habang takot na nakatingin sa papalapit na lalaki. Alam niyang kukunin nito ang cellphone at buburahin ang video na in-upload niya. Hindi siya makakapayag na mangyari iyon. Bagaman at marami ang hindi naniniwala sa kaniya ay umaasa siyang kahit isa ay may makakapansin na nagsasabi na siya ng totoo sa pagkakataong ito. Ang in-upload na video na lamang ang pag-asa niya para makaalis dito!
BINABASA MO ANG
CHAINS II: The Kidnapping Of Krystal Cuevas
Mistério / SuspenseUpang makuha ang atensiyon ng mga tao at sumikat online ay nagkunwari si Krystal Cuevas na siya ay nasa panganib at may kumidnap sa kaniya. Ngunit natuklasan ng lahat ang panloloko niyang iyon. Sumikat nga siya pero lahat naman ay galit sa kaniya. N...