June 12, 2012
Isang notification ang sumalubong sa akin nang makapasok ako sa kwarto. Agad akong pumunta sa study table na nasa tapat lamang ng aking kama para doon kunin ang nakapatong na cellphone.
Bago ako tuluyang bumalik sa aking higaan ay binuksan ko ang humidifier na nakalugar sa gilid ng lamesang pinagkuhaan ko ng cellphone ko. Naglabas ito ng matamis at nakahuhumaling na amoy ng Lavender na mabilisang bumalot sa apat na sulok ng silid.
Napapikit ang aking mga bilugang mata nang magsimulang kumalat ang halimuyak nito at tila pinapakalma ang buong sistema ko na para bang dinadala ako nito sa isang malaking hardin na pinalilibutan ng mga lilang bulaklak. Nakaka-relax. Panandalian kong nilanghap ang bango nito ng may ngiti sa labi.
Nang makabalik ako sa kama ay binalot ko ang sa comforter habang nasa gitna nang malamig kong kwarto. Saka binuksan ang phone na hawak-hawak ko para tignan ang notification.
Rain Conste added you to the group 1-323.
Ano 'to?
Tinignan ko isa-isa ang mga kasali rito pero wala akong kakilala. Saka ko lang nalaman na group pala ito para sa section namin nang basahin ko ang ilang post na nandoon. Sandaling kumalabog ang puso ko nang maisip ang nalalapit na pasukan at ang mga kasali sa group na ito ay siyang magiging kasama ko simula sa susunod na araw.
Wala akong kakilala rito. Sino ang magiging kasama ko sa unang araw ng klase? Sinong kasabay ko sa lunch? May makakausap kaya ako? May makikipag-usap kaya sa akin? May magiging kaibigan kaya ako? Kaya ko ba 'to!?
Tumitigil sa pagtibok ang puso ko sa bawat tanong na aking naiisip saka ito hindi mapapalagay na para bang nasa karera kami. Kasabay noon ang pagpintig ng mga ugat sa aking ulo. Marahan kong hinilot ang sentido ko para kahit papaano'y maibsan ang sakit na nagmumula doon.
Biglaan atang nanakit ang ulo ko? Inabot ko ang lalagyan ng salamin na nakapatong sa side table ko para kunin ang pamunas doon. Nagbabakasakaling dumi sa salamin ang dahilan nang pagkirot ng ulo ko at hindi ang pagkabalisa sa mangyayari sa susunod na mga araw.
Nang matiyak na malinis na ang salamin ko ay muli ko iyong sinuot, isinauli ang ginamit kong pamunas sa kinalalagyan nito kanina at saka binalik ang atensiyon sa group na kaninang tinitignan ko.
Hindi ako sanay mag-isa. Hindi ako, kailanman, naging mag-isa.
Sa loob ng apat na taon ko sa high school, lagi kong kasama ang mga kaibigan ko sa simula pa lang ng araw hanggang sa matapos ito. Kasa-kasama ko sila kahit saan ako magpunta, kahit sa CR lang. Kasa-kasama ko sila sa recess, sa tanghalian at sa pagtatapos naman ng araw ay sabay-sabay kaming umuuwi hatid ng service namin.
Walang mapaglagyan ang tuwa ko sa bawat masasayang araw na dulot ng aking mga matalik na kaibigan. Kaya naman araw-araw rin akong kumportable dahil alam kong may mga kaibigan akong laging nandiyan sa tabi ko. Paano na ako ngayong wala na sila para maging kasama ko? Isang malaking bahala na.
Sinubukan kong makipagkaibigan sa mga kasali sa group. Sinimulan ko sa pag-popost ng "Good afternoon, 1-323!" May kasama pang smiley. Nag-aabang kung sino ang papansin sa post ko. Alam ko, lahat naman kami rito sa group na 'to ay baguhan. Walang magkakakilala pero kahit na. Dumodoble pa rin ang tibok ng puso ko.
Nakahiga lang ako sa kama nang pumili ako ng dalawang tao sa group para i-chat. 'Yong dalawang pinakamaingay. Isang lalaki at isang babae, syempre.
Ann: Hi, blockmate!
Muli nanaman akong binulabog ng puso ko nang mag-type ako pero mabilis din iyong nawala dahil sa agarang pag-rereply ni Rachelle.
Rachelle: Hello!!
BINABASA MO ANG
Ang Simula ng Kwento Nating Dalawa
Teen FictionKailan ba kita unang nakita? Kailan ba kita unang nakilala? Kailan ba kita unang nakausap? Saan nga ba tayo nagsimula? Ah! Naalala ko na. Sa dulo. Sa dulo tayo nagsimula. "I cried almost every night after the day you broke up with me and tonight...