Pinagmasdan ni Isidora ang nakangiting mukha ni Elijah sa kanyang tabi. Kumikinang ang mga mata nito sa saya na para bang ito ang pinakasalan ni Josefina. Ang kulay kahel na liwanag mula sa papalubog na araw ay mas lalong nagpatampok sa kagandahang taglay ng kanyang kababata.
"Sige, subukan niyo. Hala, dali. Batuhin niyo kami at hindi ako magdadalawang-isip na gumanti."
Maangas na pahayag ng bata pa noong si Elijah. Nakatupi sa kanyang magkabilaang braso ang manggas ng puting kamiseta de chinong suot. Ang bulsa ng kanyang itim na salawal ay namumutok sa pinitas na bayabas, na ang iba'y bumagsak at gumulong na sa damuhan. Nakayapak si Elijah at tagaktak ang pawis sa kanyang noo at dulo ng ilong. Bagay na madalas tawanan ni Isidora sa kanyang kababata.
Nakakuyom ang mga kamao ng katabi ni Isidora at papalit-palit ang bigat sa mga paa na ang isa ay nasa unahan. Mala-martial artist ang batang babae at ginaya pa ang iniidolo na si Bruce Lee sa pagkakamot nito ng ilong at pag-iling ng ulo. Sumunod sa paggalaw ang unat at itim nitong buhok na hindi pa umabot sa balikat. Gayundin ang bangs nito na umalon panandalian at muling tumigil sa ibabaw ng magaganda nitong kilay.
Ngunit paano nga ba napadpad ang dalawang bulinggit na ito sa sitwasyong kinasasadlakan ngayon?
Mag-isa kasing nagbabasa si Isidora sa ilalim ng punong mangga malapit sa kinatitirikan ng bahay ni Mang Pilo, ang lolo ni Elijah. Hindi niya mahagilap si Josefina at si Elijah naman ay umalis saglit para kumuha ng makakain. Sa kanilang tatlo, si Elijah ang palaging gutom at mahilig kumain lalo ng prutas.
Bumalik ito na nagkakamot ng batok at nag-ayang manguha ng bayabas sa kabukiran na may kalayuan din. Nang hindi pumayag si Isidora, ngumuso ang batang si Elijah na akala mo ay pinagsakluban ng langit at lupa. Dahil sa nakita, nakonsensya ang walang emosyong si Isidora at hinila si Elijah para mamitas. Madalas na walang pakielam si Isidora sa kanyang kapaligiran ngunit may kakaibang epekto sa kanya ang apo ni Mang Pilo. At sa hindi malamang dahilan, gusto niya itong nakikita palagi kahit pa hindi siya masamahan ni Josefina minsan.
Nawili ang mas matangkad na batang babae sa pag-akyat at pag-aani samantalang ang weirdong si Isidora ay ipinagpatuloy ang pagbabasa habang komportableng nakaupo sa isang may kalakihang bato malapit sa bayabasan.
"Aray!" Napapalahaw sa sakit si Isidora nang may tumamang kung ano sa kanyang noo. Isa iyong bubot na bayabas kaya naman agad na tumayo siya at hinagilap ng mga mata si Elijah. Nakalambitin ito sa isang sanga gamit ang mga binti habang kumakain ng bayabas na nakapatiwarik.
Dali-dali niyang nilapitan ang kaibigan at walang paalam na sinapak ang bandang tiyan nito. Napaubo si Elijah at bumagsak ang katawan mula sa buti na lamang ay may kababaang sanga. Sa tabi niya ang umpok ng mga prutas na kanyang pinagpagurang anihin.
Napainat sa sakit si Elijah, napapikit at nalukot ng ilang sandali ang maganda nitong mukha. Ilang segundo siya sa posisyong iyon bago nagmulat at masamang tinapunan ng tingin si Isidora.
Ngunit nagitla siya dahil sa mas matalim na matang nakatunghay sa kanya.
"D-Doray, a-ano bang k-kasalanan ko s-sayo?" Nahihintatakutang usisa ni Elijah.
Sinipa ni Isidora ang tagiliran ni Elijah kaya agad na umupo ang huli para itaas ang mga kamay bilang panangga sa susunod pang ganti ni Isidora. Sanay na si Elijah sa weirdong kaibigan kaya hindi na lamang niya ito pinapatulan.
Bago pa man dumapo ang libro sa ulo ni Elijah, nakarinig sila ng ingay na nagmumula sa talahiban. Mahina lamang iyon at mukhang sumabay ang mga boses sa pag-ihip ng hangin.
BINABASA MO ANG
The Art of Letting Go (A Short Story)
Художественная прозаThere are two faces of a story. Ang isang bahagi ay maaaring sapat na upang ilahad ang isang kwento ng pag-ibig. Subalit hindi nito kayang ipaliwanag nang lubusan ang tunay na mga pangyayari.