Marissa's P.O.V.
Simula pa kagabi ay hindi ko kinausap si ate. Hindi n'ya rin ako kinausap. Alam kong galit s'ya at nakaramdam ako ng konsensya. Ate ko pa rin s'ya at dapat hindi ko s'ya sinisigawan. Pero sana naman alam n'ya rin na hindi sa lahat ng pagkakataon ay nadadaan n'ya ako sa mga tawa at pabirong sagot n'ya.
"Una na ako sa'yo Marissa." Sabi ni ate.
Tinanguan ko naman s'ya. Hindi kami humihingi ng tawad sa isa't isa kapag nagkaalitan. Pero kapag nagkaimikan na kami, ibig sabihin niyon ay bati na kami.
Naunang lumabas si ate ng bahay at sinara n'ya ang pinto. Nagpatuloy naman ako sa agahan ko hanggang sa matapos na ako. Maagang pumasok sina mama at papa kaya naiwan na ako dito. Pagkatapos kong suruin ang bahay ay lumabas na ako at ni-lock ang pinto.
Nagsimula na akong maglakad sa daan. Hindi na ako nag-abalang lumingon sa likod ko. Wala akong pakialam kung nandoon si Sean. Magkahalong galit at sakit pa rin ang nararamdaman ko ngayon. At ito lang ang masasabi ko, hindi ko 'yun kaagad malilimutan. Ang lahat ng sinabi n'ya.
Napairap ako nang nakita ko ang makakasalubong ko ngayon.
"Tahong kayo d'yan!" Sigaw ng tindero ng tahong.
Oh edi p*tangina.
Hindi n'ya ako kailangang salubungin ngayon. Wala ako sa maayos na sitwasyon.
Tinanguan ako ng tindero. Kaunting ngiti lang ang tugon ko sa kanya bago n'ya ako tuluyang nilagpasan. Napabuntong hininga ako dahil naalala ko ang araw na inasar ako ni Sean.
Vitamin sea n'ya ang mukha n'ya. Probiotics kasi 'yun. If you know what I mean.
Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa makarating na ako sa train station. Nakasimangot ako hanggang sa nakababa na ako sa tren at naglakad papunta sa school. Hindi ako maagang pumasok ngayon kaya aasahan ko na marami na ang tao ngayon sa room. Pagkarating ko sa room ay hindi nga ako nagkamali. Marami na ang estudyante. Nandito na rin si Sean pero hindi s'ya nakaupo sa katabi ng upuan ko. Lumipat s'ya ng mauupuan.
Sumikip ang dibdib ko sa ginawa n'ya. S'ya pa ngayon ang galit. S'ya pa ngayon ang lumipat.
Pumunta ako sa pwesto ko at padabog na umupo. Palihim kong nilingon si Sean na tahimik lang sa sulok.
"Tsk." Sambit ko at isinubsob ang sarili sa arm chair. Hihintayin ko na lang professor namin na dumating.
Habang nakasubsob sa arm chair ay palihim ko pa ring nililingon si Sean. Inaasahan ko ring mapapalingon rin s'ya sa'kin. Pero nabigo ako. Hindi n'ya ako nilingon kahit isang beses man lang. Hindi ko rin nakita ang bakas ng panghihinayang sa mukha n'ya. Napapikit ako at napabuntong hininga.
***
Natapos ang araw ko ngayon na hindi kasama si Sean. Kumain ulit ako sa canteen kanina na mag-isa. Hindi ko alam pero inaasahan kong lalapitan n'ya ako at hihingi s'ya ng tawad sa'kin. Pagkatapos ng lahat ng sinabi n'ya sa'kin kahapon, bakit parang gusto ko na magkabati ulit kami.
Humingi s'ya ng tawad sa'kin at bawiin n'ya ang lahat ng sinabi n'ya. 'Yun lang ay sapat na sa'kin para mapatawad s'ya. Pero hindi n'ya ginawa. Nanatili s'yang malayo at hindi ako pinansin.
Paano n'ya nasikmura ang lahat ng sinabi n'ya sa'kin kahapon?
Napakagat ako sa ibabang labi ko at tumayo. Kinuha ko ang bag ko at lumabas ng silid. Pero bakit ganito? Lumabas ako para umuwi na. Pero bakit hinahanap ng mata ko si Sean?
Kanina pa s'ya nakaalis kaya sigurado akong nakalayo na s'ya. Pero bakit inaasahan ko pa rin na kakausapin n'ya ako? Bakit ganito ang nararamdaman ko?
Tama na 'yan Marissa. Umuwi ka na lang, please?
Huminga ako ng malalim at nagsimulang humakbang. Pero nakakadalawang hakbang pa lang ako ay biglang umambon. Bibilisan ko na sana ang hakbang ko pero biglang lumakas ang ulan kaya napabalik ako at sumilong.
Binuksan ko ang bag ko at naghanap ng payong. Pero wala akong nakita. Naalala ko bigla, iniwan ko pala ito sa bahay kanina dahil akala ko ay hindi uulan ngayong araw. Wala akong magawa at hinintay na tumila ang ulan.
Umabot ng ilang minuto bago ito tumila. Sinamantala ko ang pagkakataon para makaalis na dito sa school. Mabibilis pero maiingat ang hakbang ko para hindi ako madulas. Mabuti na lang at saktong bumuhos ulit ang ulan ngayong nandito na ako sa train station. Saktong rin pagkababa ko ay nawala ang ulan.
Ang swerte ko naman ngayon sa ulan. Pero hindi sa kaibigan.
Nagsimula akong maglakad pauwi. Hanggang sa nakarating ako ng bahay na hindi nabasa ng ulan. Pumasok ako sa kwarto at itinapon ang bag sa kama. Nagpalit ako ng damit saka kinuha ang cellphone mula sa bag.
Binuksan ko ang cellphone ko at naghanap ng pwedeng makakausap. Gusto ko ng kausap dahil kanina ko pa gustong sumabog.
Binuksan ko ang conversation namin ni Yssa at pinadalhan s'ya ng mensahe.
Ako: Chill tayo.
Kaagad namang nag-reply si Yssa.
Yssa: Sure, saan?
Ayaw ko ng maingay. Ang gusto ko lang ay ang makainom at makahanap ng kausap kahit saglit. At sa tingin ko ay si Yssa ang pwede kong kausapin dahil lagi s'yang handa.
Sinabi ko sa kanya kung saan kami pupunta at pumayag naman s'ya. Lumabas ako ng bahay habang wala pa sina ate, mama at papa. Nag-text ako kay mama na matatagalan ako ng uwi at hindi ako sa bahay kakain. Pagkatapos ay pumunta na ako sa lugar kung saan ko kikitain si Yssa.
Mukhang mahaba-habang gabi ito.
BINABASA MO ANG
Friends With Benefits (R18) [COMPLETED]
RomanceWarning: Mature Content (18+ only.) Friends Series #1 Kaibigan lang ang turing ko sa kanya. Kahit minsan ay hindi nasagi sa isip ko na magkagusto sa kanya. Hanggang sa isang gabi, nangyari ang hindi dapat mangyari. May 17, 2020- June 17, 2020