Alas dose na ng tanghali nang mapagpasyahan kong matulog. Wala naman si Daisy at mama kaya naman 'di na ako nag abala pang magluto ng panibagong ulam.
Nang makarating ako sa kwarto'y sumagi sa isip ko ang kwintas. Halos ilang araw ding walang nangyaring kakaiba sa'kin ngayon at hindi ko alam kung dapat ba akong mabahala o makampante. Ilang araw ko na ring pinag-iisipan kung sino ang lalaking 'yon. Ang lalaking may itim na pakpak.
Ilang sandali ko pang tinitigan ang kwintas nang mapansin kong hindi na maroon ang kulay ng bato niyon. Ilang araw na ring laman ng news ang stop motion na sinasabi ng marami. Marami rin akong articles na nabasa tungkol don na sabi pa ng iba ay kagagawan ng Aliens o UFOs.
Inihilig ko ang ulo ko sa unan at pasandal na humiga dahil sa taas ng unan ko. Ibinalik ko rin sa drawer ang kwintas at natulog.
Takipsilim. Malamig ang atmosperang bumabalot sa kapaligiran at maingay ang mga kuliglig. Kulay kahel ang kalangitan at may panaka-nakang pagkulog. Malakas ang hangin na tumatangay sa bawat piraso ng dahon ng Narra na nasa tuktok ng burol. Tila nakikisayaw ang mga sanga nito sa hangin na nilulukob ang buong bayan.
May kataasan nang kaunti ang mga damo na nakapaligid sa puno na abot hanggang sakong ng sinumang maglalakad dito.
Ilang sandali pa, may mauulinigang mga yapak sa mga munting damo at tuyong dahon na nagkalat sa paligid. Huminto ang pagkulog, nananatiling malakas ang pagbulong ng hangin sa buong bayan habang unti-unti na ring nagliliwanag dilim ang paligid.
Tahimik na naupo at sumandal ang isang lalaki sa puno ng Narra at nakamasid sa buong bayan. Wala na ang itim nitong pakpak. Dekada na ang lumipas mula nang huli nyang makita ang babaeng anghel na ubod ng ganda. Natutunan na rin nyang manamit tulad ng mga tao at mabuhay na parang isang tao.
Araw-araw syang bumabalik sa punong iyon kung saan nya nakita ang babae sa pagbabaka-sakaling muli nya itong makita. Ganoong oras pa rin at kung minsan pa nga'y maghapon ang paghihintay nya roon.
Mabibigat na buntong hininga ang pinakakawalan nya sa bawat minutong nagdaraan at kung paminsan-minsa'y inaawit nya ang kantang minsang inawit ng babae.
Kalmado ang puso nyang naghihintay sa iniibig. Madilim na ang paligid at kakikitaan ng mga alitaptap na malayang nagliliparan ang nasasakupan ng punong iyon.
Hindi muli dumating ang babae.
Akmang sisindihan na niya ang gasera nang may mamataan syang isang anghel na lumilipad at patungo sa kanyang direksyon. Bumaba ito sa puno ng Narra na kaniyang sinasandalan kani-kanina lamang. Nagdiriwang ng husto ang puso nya sa sobrang galak na makita muli ang babae.
Nakakubli sya sa likod ng puno ng Narra at pinagmamasdan ang akin nitong ganda ngunit sa nasasaksihan nya ngayon ay tila ba may lubhang lungkot ang mga mata niyon. Lungkot na nakikita nya sa tuwing dadapo ang mga alitaptap sa kanyang palad at titignan itong mabuti na wari'y pumapawi ng bigat na kanyang nadarama.
Ilang sandali pa niyang pinagmasdan ang babae na tila ba hindi nakakasawa ang taglay nitong liwanag. Maya maya pa'y napansin niyang nag-alisan ang mga munting alitaptap sa palad nito. Nagsiliparan ito sa paligid na wari bang pinapasaya sya ng mga munting nilalang.
Nasa kalagitnaan sya ng pagmamasid sa anghel na matagal nang iniibig nang biglang gumuhit ang ubod nang liwanag na kidlat sa kalangitan. Nagmistula itong isang liwanag na sumisilaw sa kanilang dal'wa. Ilang sandali pa'y namataan nya ang babae na ibinuka ang kaniyang nagliliwanag na mga pakpak.
Aalis na ito at tila tigalgal pa rin ang lalaki. Tulala itong nakamasid sa babaeng iniirog at walang magawa kundi magkubli na lamang sa isang sulok habang tinatanaw itong lumipad paalis kasalubong ang nagliliwanag na mga kidlat sa kalangitan.
BINABASA MO ANG
60 Days Summer Of Rosa (On Going)
De TodoIsa itong piksyon na naglalahad ng araw-araw na buhay ng isang lowkey na Rakista. Ngunit paano kung ang nilalang na gumugulo sa kaniyang panaginip ay isang malaking parte pala ng kaniyang pagkatao? Will the protagonist chase that man who once make...