May maganda kaya na mangyayari ngayong araw? Nakakasawa na kumain, matulog, at maglaro buong araw."Hijo, tara na at kumain ng almusal dine sa baba." Dinig ko ang boses ni nanay mula sa kusina.
"Bababa na po Nay!" Sigaw ko pabalik. Mahirap na, baka akyatin pa ako dito at pagalitan.
Bumangon ako mula sa aking higaan at tumingin sa salamin na nakasabit sa dingding katabi ng pintuan.
Nakikita ko ang isang payat na medyo may katangkaran na lalaki. May mapungay na mata at halatang tinatamad kumilos.
Inayos ko muna ang aking sarili bago bumaba at kumain.
"Nay, ano po ang ulam?" tanong ko kay Nanay na nag-aayos doon banda sa may lababo.
"As usual Hijo, Hotdog at itlog, may sinangag din akong kanin kung gusto mo. Nasa rice cooker ang regular na kanin." Sagot naman ng aking ina.
"Iba ka talaga nay, kaya love kita e." Patawa ko na sinabi sa kaniya. Medyo nasulyapan ko na pabahagya din siyang napangiti.
Umupo na ako at naglagay ng mga pagkain sa plato.
"Kamusta ka naman Hijo, nakapag-adjust ka na ba dito sa village?" Malambing na tanong ni Nanay habang umuupo na sa silya para kumain.
"Paano po ako makakapag-adjust e ni hindi pa naman ako lumalabas ng bahay. Tinatamad ako Nay, wala naman akong kakilala dine e."
"Ala? Kung ikaw ga ay nalabas Hijo. Magpa-araw ka man laang saglit. Ayos pa naman ang bisekleta natin, lumibot ka mamaya."
"Nay naman e, maglalaro nalan-"
"Walang maglalaro, malilintikan ka saakin ngayon kapag nakita kitang umupo sa tapat ng kompyuter mo." Pinutol na agad ni Nanay yung sasabihin ko at nagsermon na. Akala ko pa naman good mood siya ngayon, awit.
"Ay siya sige, ang takot ko nalang ho sa inyo." Hay nako, wala naman akong magagawa kung hindi sumunod. Ayokong galitin si Nanay dear ngayon, baka hindi ako payagan bumili ng bagong laro.
Ganito pala yung pakiramdam kapag unti-unting umaayos ang buhay at sumasangayon sa'yo ang lahat.
Pagkatapos ko kumain, dumiretso na ako sa banyo para maligo at magbihis. Bumaba ulit ako para magpaalam kay Nanay.
Kinuha ko ang bisekleta doon sa garahe.
Aba, ayos na ayos pa ito ah. Maalaga talaga si Tatay sa gamit.
"Nay, alis na ho ako!" sigaw ko habang sumasakay sa bike.
"Layas at maglilinis na ulit ako, huwag ka babalik hanggat' hindi mo pa nalilibot ang buong village ha!" sigaw pabalik ng aking ina.
Hays. Inumpisahan ko na magmaneho at lumiko sa bawat kanto na aking nakita.
Ano ba naman ang meron sa isang village? Pool, Gym, Playground, at Mini grocery store lang naman e.
Huminto na muna ako sa playground at umupo sa swing. Napansin ko lang na walang mga bata na naglalaro at ako lang ang mag-isa dito. Tahimik ang paligid, kulay asul ang langit, at dumadampi sa balat ko ang sinag ng araw.
"Pa, sayang naman at wala ka na dito." Bulong ko sa aking sarili habang dinuduyan ang sarili nang dahan-dahan.
Pinag-masdan ko ang paligid at may napansin ako na isang lugar na medyo mapuno. Mukhang may daan pa yata doon.
Tumayo na ako sa swing at sumakay ulit sa bisekleta. Diniretso ko nalang ang daan. Medyo may mga puno na dito kaya hindi masyadong mainit. Maganda siya at maaliwalas daanan hindi katulad doon sa mga nauna ko na puntahan. Puro kasi mga bahay yung madadaanan mo doon.
Nakita ko na kung hanggang saan lang ang mapuno at doon na ako tumigil.
Nagulat ako saaking nakita.
Isang napakalaking mansion ang bumungad saakin.
TEKA MUNA BAKA TRESPASSING NA AKO LECHE
Mukha na yatang private property na ito? Pero wala naman nakalagay na sign e. Sana nakita ko yun at agad na umatras, diba?
Napakagara naman ng bahay na ito. Baka dito nakatira yung may-ari ng buong village? Grabe, parang wala ako sa Pilipinas e. Makabalik na nga at baka mahabol pa ng aso oh kung ano.Medyo creepy para saakin na makakita ng bahay na nag-iisa sa kadulo-duluhan ng isang village. Sa mga pelikula kasi, laging sa mga ganiyang set-up ang haunted house e.
Inalis ko na ang aking tingin sa mansion at nag-bisekleta na pabalik doon sa playground.
Umupo ako ulit doon sa swing at nagduyan duyan habang maiging nakatingin sa langit.
"Saan ka galing?" Nakarinig ako ng boses mula sa gilid ko. Tumindig ang aking balahibo at~
"AHHHHHHHHH!" Napasigaw ako bigla at tumaob sa duyan.
"AROUCHHH" Tumama yung likod ko sa damuhan. Ang sakit.
Teka... Kanino... Yung... Boses???
Mabilis akong tumingin sa paligid habang nakahiga pa din sa damuhan kasi hindi agad ako makabangon.
Nanlaki ang aking mga mata nang masulyapan ko ang isang babae na nakaupo doon sa isang swing na katabi nung saakin.
"M-m-multooooooooo! Ahhhh Mama!"
Dali-dali na akong bumangon mula sa pagkakalaglag ko at kumaripas ng takbo papunta saaking bisekleta at nag-pedal agad.
Sumalyap pa ako ng isa. Nakaputi siya na blouse, naka-itim na palda at napakahaba ng maitim niyang buhok. Napa-preno nalang ako nung malaman ko na hindi pala siya isang multo kung hindi isang normal na babae lamang.
Inaaninag ko kung yung mukha niya pero hindi ko malaman kung ano ang kaniyang ekspresyon.
"Hoy! Anong multo ka diyan? Gusto mo sakalin kita ha? Sa ganda kong ito mapagkakamalan mo pa akong multo hayop ka!" Sigaw niya habang papalapit saakin.
Napakamot nalang ako sa ulo ko at lumapit na din sa kaniya para salubungin siya.
Ang awkward, ano ang sasabihin ko?