Masayang nagkakasiyahan ang mga mararangyang tao, isang pagdiriwang ang nagaganap ngayon. Ako'y nakamasid lamang mula sa malayo, nahahalina sa mga masasaya nilang mukha. Hahakbang na sana ako paalis ngunit ako'y napaatras nang tumama ako sa matigas na bagay.
"Aray!" daing ko at napahawak sa noo. Napa-angat ang tingin ko't nakita ang mapupungay niyang mata, ang matangos na ilong at mapupulang labi.
"Ipagpaumanhin mo Binibini, hindi ko sinasadya." natataranta niyang saad at halatang kinakabahan dahil sa pawis na namumuo sa kaniyang noo. Napangiti naman ako sa kaniya at sinabing ito'y ayos lamang.
Simula na pala ito ng aming hindi inaasahang pag-iibigan. Isang bawal na pag-ibig ng isang mayaman at isang dukha.
"Mahal na mahal kita, Paula." saad niya habang malalim kaming nagtititigan sa isa't isa. "Patuloy kitang mamahalin kahit sa ibang buhay pa tayo'y muling pagtagpuin." dagdag niya habang mahigpit ang hawak sa aking kamay.
Nagawa naming itago ang bawal na pag-ibig na ito, ngunit sabi nga nila, "walang lihim ang hindi maibubunyag." Nang malaman ng kaniyang ama ang aming lihim na relasyon ay ipinaglayo kaming dalawa, ipinagkasundo siya sa isang binibini na marangya ang pamilya.
"Itigil ang kasal!" buong tapang kong nilabag ang kanilang mga banta at pilit na inililigtas ang aming pagmamahalan.
"Lapastangan!" sigaw ng kanyang ama. "sácala de aquí!" utos nito sa kaniyang mga gwardia gamit ang sarili nilang wika.
Ako'y nagulat nang hawakan nila ako sa balikat at pilit na ipinaglalayo kaming dalawa. Ngunit, buong lakas ko silang tinutulak habang nakatingin sa kaniyang mga malulungkot na mata. Pambihirang pag-ibig, dahil dito'y nagawa kong makatakas sa mga kamay na pumipigil sa akin.
Tinakbo ko ang pagitan namin habang nakatayo lamang siya sa harap ng altar. Sunod-sunod na pumatak ang kaniyang mga luha habang nagpupumiglas sa iba pang gwardia.
"Maltar!" Biglang sumigaw ang kaniyang ama gamit ang sarili nilang wika at aking nasilayan ang pagkagulat sa kaniyang mga mata. Hindi ko namalayan kung papaano tayo nagkalapit sa isa't isa at naramdaman ko na lamang na ako'y kaniyang niyakap ng mahigpit.
Sobrang kagalakan ang aking naramdaman sa pagkakataong iyon, ngunit natapos ang kasiyahan ng makarinig ako ng putok ng baril. Gulat akong napatingin sa kaniya habang isang magandang ngiti naman ang kaniyang sinukli, unti-unti kong naramdaman ang pagbagsak naming dalawa sa sahig.
"Mahal ko!" sigaw ko habang niyayakap siya ng mahigpit. "Huwag mo akong iiwan!" pagsusumamo ko. Nagkagulo ang lahat, itinulak ako ng kaniyang ina, ngunit ako'y hindi nagpatinag at nilapitan ko pa rin siya.
"M-mahal n-na m-mahal k-kita." sambit niya na ikinahagulgol ko. Bakit mo binuwis ang buhay mo? Unti-unti mong ipinikit ang mapupungay mong mata.
"HUWAG!"
Napabangon ako sa aking higaan. Isang panaginip, isang bangungot lang pala. Napahawak naman ako saking mukha.
T-teka— b-bakit ako. . . umiiyak?
"Pauline, mag iingat ka anak ha? Uwi ka agad mamaya." sambit ni Nanay bago ako umalis papuntang paaralan. Hindi naman ako nakasagot sapagkat hindi pa rin mawala sa isipan ko ang bangungot na napanaginipan ko kagabi, ni hindi ko nga mapagtuunan ng pansin ang dinaraanan ko ngayon. Mukhang nakikisabay ang panahon dahil makulimlim na ang kalangitan, ako'y biglang napatigil nang tumama ako sa isang matigas na bagay.
"Aray!" daing ko at napahawak sa aking noo. Panira naman ng moment, nagdradrama pa ako eh. Agad akong napatingala sa kung ano man ang tumama sa akin— o ang natamaan ko.
Ako'y napatigil. Mapupungay na mga mata, matangos na ilong at mapupulang labi. . . agad nagsibagsakan ang aking mga luha at kumirot ang puso ko.
"Luh! Sorry miss. 'Di ko sinasadya. Ba't ka umiiyak? Sorry talaga." aligaga at paulit-ulit niyang banggit ng salitang 'sorry' habang namumuo ang pawis sa kaniyang noo.
Pinunasan ko na lamang ang luha ko at tumingin sa kanya. Ngumiti ako at sinabing, "Okay lang. Hindi naman ako nasaktan." saka ay tinalikuran siya.
Bago pa man ako magsimulang humakbang, bigla siyang nagsalita.
"Paula, matagal kitang hinintay mahal ko." agad niyang sambit.
Sunod-sunod na tumulo ang luha ko at agad na tumingin sa kaniya. Dahan-dahan akong lumapit at sinakop ang espasyong namamagitan sa aming dalawa.
Hinawakan niya ang mukha ko habang malungkot na nakatitig sa mga mata ko. Ako'y napahagulgol, wala akong pakialam kung tumutulo na ang sipon ko, agad naman niyang pinunasan ito.
"Ikaw nga, mahal kong Arturo. . ." saad ko at niyakap siya ng napakahigpit kasabay ng pag-aliwalas ng kalangitan.
(W/N: This is inspired by the historical writer, Binibining Mia)