Noong tinanong mo kung anong oras ako pumapasok, ipinagsawalang-bahala ko.
Noong naabutan kitang nakaabang sa pinto ng bahay niyo, ipinagsawalang-bahala ko.
Noong halos araw-araw tayong sabay pumapasok, ipinagsawalang-bahala ko.
Noong binubuhat mo nang kusa at walang pag-aalinlangan ang mga libro ko, ipinagsawalang-bahala ko.
Noong nilibre mo ako ng pamasahe, ipinagsawalang-bahala ko.
Noong palagi tayong sabay mananghalian tuwing may pasok, ipinagsawalang-bahala ko.
Noong kinanta mo ang iyong piyesa para sa isang patimpalak sa harapan ko at nakaramdam ako ng kakaiba, ipinagsawalang-bahala ko.
Noong nadulas ang kaibigan natin at tinanong ang nararamdaman mo para sa akin, ipinagsawalang-bahala ko.
Noong kaarawan ko at ako ang nais mong katabi, ipinagsawalang-bahala ko.
Noong nagalit ka sa kaaway ko noon at tinanong kung gusto ko bang gantihan mo siya para sa akin, ipinagsawalang-bahala ko.
Noong batid ko ang tunay mong nararamdaman para sa akin, ipinagsawalang-bahala ko.
Kaibigan kita.
At noon, hanggang doon lang ang maibibigay ko.
Ngunit sadyang mapaglaro talaga ang tadhana.
Kung alam ko lang sana na hahanap-hanapin kita...
Kung alam ko lang sana na maitatanong ko sa sarili ko kung alam pakiramdaman na nasa loob ng mga bisig mo...
Kung alam ko lang sana na magseselos ako tuwing may kasama kang iba...
Kung alam ko lang sana na tila kulang pa para sa akin ang mga panahon kasama kita...
Kung alam ko lang sana na ang tingin ko sa iyo'y mag-iiba...
Kung alam ko lang sana, sana hindi na ako nagpakabaliw sa kaniya.
Sa kaniya na kaibigan nating dalawa.
Sabi nila, pwede pa. Mayroon pa akong pag-asa sa'yo.
Ngunit tila taliwas ang mga sinabi nila sa mga ikinikilos mo.
Huwag kang mag-alala. Naiintindihan ko naman. Hindi mo kasalanang nahulog ako sa iba habang nahuhulog ka sa akin.
Kaya hindi mo rin kasalanan kung mahulog ka sa iba habang ako'y nasa dulo na ng bangin.
Kung alam ko lang sana...
Sana noon, ikaw na lang.