“Tila yata ikaw ang bunsong anak ng mga de San Antonio, Ginoo.”bungad ni Rasilita at nanigas si Juan sa malaking boses ng binibining kailan lang ay nakausap niya. Hindi ito ang Corazon na nagsalita sa kanilang tahanan.
“Batid kong hindi siya ang nagsalita kanina sa aming tahanan. Hindi siya ang nakausap ng aking ina at ng aking nakatatandang kapatid. Kung gayun, ito ang kapatid ni Corazon na siyang nakausap ko noon.”napabuntong hininga si Juan. Nais pa naman sana niyang makausap ang may bilugang mga mata na Corazon kagaya na lamang ng pagkagulat nito noong mabangga niya sa huling kaarawan.
Napangiti siya sa naalala sabay inilagay ang dalawang kamay sa kanyang likuran.
“Subalit, tila yata hindi na naman ikaw ang nag-iisang anak ng mga dela Concepcion, Binibini.” kaagad nagtagpo ang mga kilay ni Rasilita. Hindi na naman lingid sa kanyang kaalaman na may nalalaman ang ginoong ito sa palitan nila ni Corazon. Alam din ba nitong tatlo sila sa katawang ito?
“Ipagpaumanhin mo ang hindi kaaya-ayang pagtanggap ni ina at ng nakatatanda kong kapatid sa isang bisitang marangya, Binibini.”napangiti ito sa pagkakasabi ng marangya.
Ikinikrus ni Rasilita ang mga kamay. Taas babang tinanong ang Ginoo.
“Aking nauunawaan ang inyong pamilya Ginoo. Ngunit hindi ako nagpunta rito upang ipahiya lamang ang aking sarili. Narito ako upang tanungin ka tungkol sa burdang nasa kanang bahagi ng dibdib mo.”hindi natigil ang bibig ni Rasilita ng makita ang burdang katulad na katulad sa burdang nasa mga bulsa niya ngayon.
Nawala ang mga ngiti sa mga labi ni Juan.“Ika’y hindi na nagpaligoy ligoy sa iyong pakay. Hindi mo man lang ba muna tatanungin ang aking pangalan? Akala ko’y iyon ang iyong sadya sa pagpunta mo sa aming tahanan.” agad naman huminga ng malakas si Rasilita na tila yata nagbibiro ang Ginoo at hindi niya nagustuhan.
“Ang iyong pangalan ay hindi na mahalaga. Wala akong karapatang makilala ang isang de San Antonio.”
“Subalit may karapatan akong makilala ka na isang dela Concepcion. Hindi mo ba nanaising magpakilala sa pinakaunang pagkakataon? Hindi bilang si Corazon kundi bilang ikaw mismo?”nalaglag ang panga ni Rasilita sa mga binigkas ng lalaking kaharap.
Ngayon ay nakita niya ang mga matang iyon na gustong gustong makilala ang tunay na pagkatao niya. Ang kanyang puso ay kanina pa gustong sumabog. Kakaibang init ang naramdaman niya sa kanyang mga pisngi gayon na din sa kanyang mga tengang nakatago sa kanyang nakadunghay na buhok.
Katahimikan ang sumunod na nagsalita. Pagaspas lamang ng mga tubo ang nag-usap habang nagkatitigan sila sa limang metrong layo.
“Ako’y magpakikilala muna upang hindi ka mahiya Binibini. Juan Francisco de San Antonio ang aking pangalan na siyang kilala bilang bunsong anak ng pamilyang de San Antonio dito sa ating bayan. At sa katunayan niyan ay ikaw pa lamang ang nakakaalam ng aking tunay na katauhan.”napakagat labi si Rasilita sa mga narinig.
Kaya ba hindi nasagot ng kanilang ama ang mga tanong ni Corazon tungkol dito sapagkat walang nakakikilala o nakakita man lang sa bunsong anak ng mga de San Antonio? Kung gayun ay magkasingtulad lang din pala sila nito. Kung magpapakilala siya bilang si Rasilita ay siyang unang pagkakataon din niyang magpakilala sa isang estranghero.
“Bakit nagpapakilala ang isang de San Antonio sa isang dela Concepcion? Ano ang iyong layunin sa akin? Ano ang iyong sadya noong nagpunta ka sa aming kaarawan? Ano ang iyong ugnayan kay Marites?”sunod sunod na lumabas sa bibig ni Rasilita.
Napangiti si Juan. Ang akala niya ay kaisa-isang tanong lamang ang itatanong ng Binibini gaya ng sabi nito kanina subalit hindi pala. Saksakan ito ng tanong.
“Hindi ko batid na iyan na pala ang panibagong istelo sa pagpapakilala, Binibini. Nais kitang makilala sa tunay mong pangalan kung iyo lamang mararapatin.” titig na titig ito sa kinakausap na kanina pa kinakabahan.
“Ang kabog ng iyong puso ay naririnig ng mga tubo at kanilang ipinarating ito sa akin. Iyong masisigurong aking ililihim ang aking malalaman gaya ng iyong paglilihim na ako ang bunsong…”natigil si Juan sa pagsasalita ng matawa si Rasilita at nagsalita.
“Ikaw ba’y nakasisigurong aking ililihim ang aking mga nalalaman? Ang isang dela Concepcion ay tutulungang magtago ang isang de San Antonio? Kahibangan!”sabay tawa niya.
Humakbang papalapit si Juan. Kinuhang muli ang salakot sa ulo at inilagay sa kalesa. Mas nilapitan ang nakatuwid na naninigas na Binibini.
“Kilala ako ni Marites bilang Francisco na bunsong anak ng mga de San Antonio kung kaya’t huwag mo siyang pagdududahan dahil ang kanyang layunin ay puro. Ang burdang iyong nakita ang simbolo ng isang lihim na samahan kaya huwag mong ilagay ang iyong ilong upang amoyin kung ano ang nagaganap sa samahang aking binanggit.” umatras si Juan at napatingin sa paligid na para bang may nagmamasid sa kanila.
Gumalaw galaw din ang mga mata ni Rasilita. Ngayon niya lamang naramdaman na may nanonood nga sa kanila.
“Ikinagagalak kitang makilala Binibining Corazon, iyon ang pinapasabi ng bunsong anak ng de San Antonio. Kung iyong mararapatin ay babalik na ako sa mansion.”malakas iyon at ibinigay ni Juan ang kanyang paggalang sa Binibini.
Dahan dahan itong naglakad at nang makalagpas kay Rasilita ay napatigil.
“Mag-ingat ka Binibini. Ang mga taong iniisip mong mabuti ay nagpapanggap lamang. Ang mga taong masama ay ganoon rin. Tanging sarili mo lamang ang iyong mapagkakatiwalaan. Ganoon rin ang aking gagawin kung kaya’t kailanman ay wag mong iisiping bumalik sa aming mansion.” dalawang hakbang palang ang nagagawa ni Juan ng magsalita si Rasilita.
“Ako si Rasilita dela Concepcion, ang ikalawang kapatid ni Corazon.” pabulong na wika ni Rasilita at nagtungo na sa kalesa.
Hindi na niya tinanaw pa ang papalayong bagong kakilala. Ang mga sinabi nito ay pilit niyang itinatak sa sarili. Ano ang kanyang ibig sabihin? Ang mga mabuti ay nagpapanggap lamang gayundin ang mga masasama? Subalit sino ang kanyang tinutukoy?
Napailing-iling si Rasilita. Hindi ito maaalala ni Corazon kaya napabuntong hininga siya. Hindi magugustuhan ng kanyang kapatid na nagpakilala siya bilang siya mismo. Mabuti na lang na hindi niya malaman ang mga nangyari sa kanila ng bagong kakilalang si Juan.
Napapikit si Rasilita, tinawag si Corazon at nang mamulat ay bilugan na ang mga mata nito. Napabuntong hininga agad si Corazon. Kalmado na ang kanyang katawan at napatingin sa hinihingal na kutsero.
“Ako ay naiinip na sa aking paghihintay. Saan ka ba nagsusuot Mang Catalino?” walang galang subalit hingal na hingal ang kanyang kutsero.
“Tumulong po ako Binibini upang makuha ang bangkay ng isang nakabistidang puti sa ilalim ng tulay ng Pasyon na sinasabing si Binibining Laura, ang anak ni Ginoong Alfredo!”nanlaki ang bilugang mga mata ni Corazon. Ang kaibigang si Laura ay patay na?!
BINABASA MO ANG
CoRaZon
Fiksi SejarahDadalhin tayo ng kwentong ito sa panahon ng mga Kastila sa mga iilang taon bago maisakatuparan ang Maura Law na ibig baguhin ang mga karapatan ng mga Principalia kung saan makikilala ang isang tinuringang baliw na si Corazon sa bayan ng San Antonio...