Naging mabagal ang mga araw at malungkot. Naging maayos kami, oo, pero iba pa rin ang pakiramdam. Naroon pa rin ang kilig pero may nag-iba.
Naging maayos ang mga sumunod na buwan, patuloy akong hinihintay ni Cristof sa labas ng room ko kapag MWF dahil iyon ang schedule ng ObliCon namin at kapag TTH naman ay sabay lang ang uwian namin kaya walang problema.
Nag-scroll ako ng facebook isang araw matapos ang klase. Kasama ko si Anj ngayon. Si Gen at Jan ay nasa library para hanapin ang isang libro na kailangan namin para sa reporting namin sa susunod na linggo.
Hanggang sa may makita akong picture ni Cristof kasama ang grupo nila Jessica, isa sa mga laging kasama ni Cristof ngayon. Isang grupo sila na halos babae ang mga kasama. Hindi ko alam kung hindi ba maramdaman ni Cristof na ayoko ng desisyon niya.
Ang picture na iyon ay kinuha noong magpaalam si Cristof sa akin na may christmas party raw sila kasama ang mga kaibigan niya. Kamakailan lamang iyon pinost.
Ilang minuto na ang lumipas pero daldal lang nang daldal si Anj sa gilid ko. "Huy," siko sa'kin ni Anj nang mapansing hindi nakatuon ang atensiyon ko sa kaniya. "Okay ka lang?"
Nasa may St. Maurs kami dahil medyo maaga pa para sa klase namin. Tumango lang ako sa tanong na iyon ni Anj. "Feeling ko alam ko kung bakit ka badtrip eh," sabi niya at ako naman ay sinarado ko na ang phone na gamit ko.
"Huh? Badtrip ba ako? Bakit?" natatawang tanong ko.
"May nakita kang picture ni Cristof 'no? Na malapit kay Jessica?"
"Mas malala pa doon," patungkol ko doon sa picture na kasama silang lahat. Mukhang masaya si Cristof ngayon at walang iniindang kahit anong pangamba habang ako hindi makatulog sa gabi, iniisip kung anong mangyayari sa pag-aaral ko at sa relasyon namin.
"Bigla lang ako nainis para sayo noong nakita ko 'yun. Sorry," sabi niya. "Mayroon pa!! 'Yung sobrang nakadikit si Lianne. 'Yung medyo sa tiyan ni Cristof. Nainis talaga ako para sa'yo eh! Kasi ang unfair ni Cristof. Hindi sa kinakampihan kita or what. Pareho kayong nakakausap ko. Pero ang unfair talaga niya this time," mahabang sabi ni Anj habang ako nakikinig lang sa kaniya.
Puno nang pagtataka ang mukha habang patuloy na nakikinig sa lahat ng sinasabi niya, "Nagseselos siya kay Jan, sa amin ni Gen, kasi palagi mo kaming nakakasama. Pero in the first place, wala naman siyang nakita picture na katulad ng ganyan na sobrang lapit or sobrang dikit mo sa lalaki. Hindi naman kasi fair eh! Okay, sorry. Naiinis lang talaga ako para sa'yo eh. Sorry. Sorry. Ang unfair lang talaga," tuloy-tuloy na sabi ni Anj habang ako ay puno ng pagtataka pa rin para sa lahat ng mga sinasabi niya.
"Huh? Anong picture ba sinasabi mo?"
"Huh? 'Yung nandoon sa album ni Jessica. Doon ko nakita," pero tila tinitimbang pa niya ang reaksyon ko. "Oh my ghad, hindi mo nakita?" tanong niya sabay iling ko. "Medyo OA lang pala 'yung pagkakasabi ko. Hindi naman pala sobrang dikit," dagdag niya pero alam kong pinapagaan lang niya ang loob ko.
"Patingin nga," saka ko hinila 'yung phone ni Anj sa mga kamay niya.
Nakita ko ang picture ni Cristof doon. Lima sila at siya lang ang lalaki. Tulad iyon nang nakita ko kanina pero iba na ang pwesto nila. Iyong katabi niya sa left ay si Jessica na may hawak ng mic. Mukhang nagkakaraoke sila. Sa gitna ng picture ay may isang table na kinalalagyan ng alak at mga pulutan.
At sa may bandang likod? Si Cristof katabi ang babaeng si Lianne. Tila nakasandal sa may dibdib ni Cristof si Lianne, ang kaliwang siko niya ay tila nakapatong sa mga binti ni Cristof kahit na hindi iyon kita dahil nakaharang na ang lamesa.
Dalawa ang picture na pinakita sa akin ni Anj. Ang sumunod ay tila pareho lang sa nauna. Ang pinagkaiba lang ay mas malapit sila sa pangalawang litrato. Nilapit ni Cristof ang mukha niya sa mukha ni Lianne kahit na pareho pa rin silang nakatingin sa camera.
"Punta tayo sa bahay nila Jan ah!" sabay tawa ko ng malakas at walang tigil. "Inom din tayo tapos sama natin sila Rafael, si Julian, si Rico, si Pao. Kahit sino, sama natin. Tapos picture rin tayo?" mahabang sabi ko saka tumawa kahit na nagbabadya ng tumulo ang mga luha sa mga mata ko.
Tumayo si Anj sa kaniyang kinauupuan at lumapit sa'kin saka ako niyakap. "Seryoso ka ba diyan?" tanong niya. "Pasa mo sa'kin 'yung galit mo para 'di na lang kayo mag-away. Kanina noong nakita ko 'yung picture, napapost agad ako sa twitter eh. Ang unfair lang kasi," sabi niya habang inaalo ang likod ko para patahanin ang mahinang pag-iyak ko.
Natawa ako sa sinabi ni Anj. Alam kong kahit ganiyan na madaldal siya ay ipaglalaban ka niya, ipagtatanggol ka niya sa kahit na sino. Kahit anong mangyari. "Anong pinost mo?" natatawang tanong ko.
Umalis siya sa pagkakayakap sa'kin saka tumabi sa kinauupuan ko. Pinakita niya nga sa akin kung anong pinost niya. "Speaking of, papunta na siya dito. Gusto mo umalis muna ako?" tanong niya.
Tumango ako, "Sige, mag-uusap muna kami," sabi ko.
"Pupunta muna akong lib. Doon muna kami, okay. Puntahan mo kami kapag tapos na kayong mag-usap," sabi niya habang inaayos ang mga gamit niya.
"Hi, Anj!" rinig kong bati ni Cristof kay Anj pero nakita kong masama ang tingin ni Anj kay Cristof.
"Ayusin mo 'yan," sabi niya kay Crsitof at nagpatuloy-tuloy sa paglalakad papuntang library.
"Anong nangyari doon?" tanong niya sa akin pero hindi ko na rin siya pinansin. Umupo siya sa harapan ko pero hindi ko pa rin siya pinapansin. Binuksan ko ang phone ko saka hinanap ang litrato na pinakita ni Anj kanina. "Ikaw, ano namang nangyari sayo?" diretsong tanong niya.
"Nagbabastusan ba tayong dalawa dito?" panimula ko sa kaniya.
"Ha? Bakit? Anong ginawa ko?" tanong niya pero hindi ako sumagot. Nakatingin lang ako ng diretso sa mga mata niya pero mukhang alam niya na kung anong gusto kong sabihin. Nakita ko kung paano napalunok si Cristof. "Ah, si Lianne," bugtong-hiningang sagot niya saka inalis sa akin ang paningin.
BINABASA MO ANG
Ang Simula ng Kwento Nating Dalawa
Novela JuvenilKailan ba kita unang nakita? Kailan ba kita unang nakilala? Kailan ba kita unang nakausap? Saan nga ba tayo nagsimula? Ah! Naalala ko na. Sa dulo. Sa dulo tayo nagsimula. "I cried almost every night after the day you broke up with me and tonight...