Chapter 22

3.1K 160 4
                                    

Katutulog lamang ng mga bata. Naisip ni Glen na bumaba para kumain. Parang may kulog na sa kanyang tiyan dahil sa gutom. Kungsabagay, oras na rin naman ng miryenda at kunti lang ang kinain niya sa agahan. Nawalan siya ng gana dahil hindi ulit tumawag kaninang umaga si Vladimir. Dalawang magkasunod na umaga nang laging ganoon.

Naintindihan naman niyang masyadong abala ang asawa kapag naroon ito sa La Salvacion. Ngunit nasanay kasi siyang ginigising nito ng matatamis nitong mga banat. Parang ginawa na nga niyang alarm clock ang tawag nito.

Papasok na siya ng kusina nang mapansin niya si Elmer na may itinulak na brick sa isang bahagi ng dingding sa likod ng malaking bilog na haliging konektado sa grand staircase. Umawang ang bibig niya nang gumalaw ang bahagi ng dingding at nahati saka lumitaw ang isang maliit na pinto. Saan papunta ang pintuang iyon? Sa basement? May basement itong villa?

Binuksan ni Elmer ang pintuan at pumasok doon ang binata. Noon lamang din niya napansin na may dala itong manila envelope. Masyado siyang na-curious na pati pagkalam ng kanyang sikmura ay nag-pause. Sinundan niya si Elmer. Candle-type ang mga maliliit na bombilyang nasa gilid at tinatanglawan ang hagdanang semento na binabaybay niya pababa.

Narating niya ang paanan ng hagdanan at bumungad sa kanya ang maluwang na bulwagang binabalot ng nakakikilabot na katahimikan. Bagamat maliwanag, nagtayuan ang mga balahibo niya. Saan nagpunta si Elmer? Niyakap niya ang sarili at mabagal na naglakad patungo sa napansin niyang tila mga puntod na walang lapida.

Nanigas ang mga paa niya nang matiyak na mga puntod nga iyon pero walang mga pangalan. May mga nakalibing sa ilalim ng villa? Sino ang mga taong iyon? Pito ang nabilang niya. Hindi. Walo pala. Napaurong siya at umuga ang mga tuhod. Ano ba itong napasukan niya? Nasaan ba iyong si Elmer?

Aalis na sana siya nang mahagip ng kanyang tingin ang mga manila envelope na nasa ibabaw ng isa sa mga puntod. Naintriga siya sa laman ng mga iyon. Para bang may bumubulong sa kanyang silipin niya. Matulin siyang lumapit sa puntod at hinablot ang mga envelope.

Ang ibang laman niyon ay naglaglagan sa sahig dahil hindi pantay ang pagkakabitbit niya. Mga larawan at kumalat sa kanyang paanan. Tigagal siyang nakatunghay sa mga iyon. Documents and accounts of murders?

Si Vladimir ang nasa mga litrato. May hawak na baril ang asawa niya na isinubo nito sa bunganga ng isang lalaking makikita ang labis na takot sa mga mata. Sa ibang picture ay balot ng dugo ang kalahati ng mukha ni Vladimir at may bitbit itong ulo ng tao  habang tinatapakan ng isang paa nito ang bangkay na maaring nagmamay-ari ng ulong hawak nito. Ano iyon? Kinatay ba nito iyon? Ngunit mas kalunos-lunos pa ang nasa ibang larawan at hindi na niya kinayang tingnan pa.

Tila napapasong lumayo siya sa mga iyon habang nanginginig ang buong katawan. Pinagpapawisan siya ng malamig at kinakapos ng hininga. Pakiramdam niya ay biglang nagsara ang kanyang lalamunan. Saklot ang dibdib, bumagsak siyang nakaluhod sa sahig. Pinilit niyang gumapang pabalik sa hagdanan. Ngunit tila bundok ang inakyat niya.

Imposibleng ganoon kalupit si Vladimir. Tao pa ba ang asawa niya? Humigop siya ng hangin kasabay ng mga patak ng luha. Ngayon lang siya nakadama ng ganitong takot. Pakiramdam niya ay sasabog ang kanyang dibdib. Hindi niya alam kung paano siya nakabalik sa silid nilang mag-asawa na maayos pa rin ang paghinga at hindi bumibigay.

Someone human can't afford to have done that kind of merciless killing. But someone evil can't hold her lovingly like the way that Vladimir does either. Naguguluhan siya. Sumubsob siya sa kama. Hindi mapakawalan ang hagulgol at hindi malaman kung paano hamigin ang sarili at pahupain ang nanginginig na katawan.

Hindi niya mahawakan ng maayos ang cellphone na inabot mula sa bedside table. Hinanap niya ang numero ng kanyang ina at tinawagan ito.

"Glen, anak?"

NS 03: THE COVENANT ✅ (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon