January For August - Chapter 7

1.6K 92 4
                                    


"ACTUALLY, galing ako sa pamilya ng mga negosyante. Ako nga lang ang medyo naiba ng kurso—engineering. Siguro, dahil nakakasawa nang marinig na palaging negosyo ang topic sa bahay. But you know the irony of it? Sa business din pala ang bagsak ko," kuwento ni August kay January. Sinabayan pa nito ng mahinang pagtawa ang sinabi.

Naglalakad sila sa tabing-dagat nang mga sandaling iyon. Hindi matandaan ni January kung paanong napunta sila roon. Maingay sa mismong hall na pinaggaganapan ng reunion party, halos magsigawan na sila para lang magkarinigan. Kaya paunti-unti silang lumayo sa ingay. Hanggang sa umabot sila sa tabing-dagat.

Payapa ang alon ng dagat. Kahit pamilyar kay January ang bahagi ng Sierra Carmela na malapit sa dagat ay ngayon pa lang niya nakita ang bahaging kinaroroonan nila. Mas maganda doon kaysa sa ibang bahagi. Hindi niya alam kung dahil naalagaan iyon ni Alejo o dahil suwerte lang na natapat sa property nito ang magandang bahagi ng baybayin.

"Right after college, sinuwerte akong makapasa sa board exam," pagkukuwento ni August. "Maganda pala 'yong medyo mataas ang score sa exam, trabaho ang lalapit sa iyo. Naging connected ako sa isang malaking construction firm. Dalawang taon din ako roon. Maganda ang trabaho. Malaki ang suweldo." Ngumisi ito.

"Bakit dalawang taon ka lang doon?" tanong niya.

"Mapulitika. Maraming intriga. May mga hawak kasi kaming government projects. Kung purong trabaho lang, maganda sana. Kaso maraming nakikialam. Saka, alam mo na, iyong talamak na graft and corruption. Ako mismo, nakikita ko kung paanong pinapalitan ng substandard materials ang mga gamit. Hindi kaya ng sikmura ko ang ganoon."

"Talaga?"

Tumango ang lalaki. "Actually, kung mahina ang values mo sa buhay, matutukso ka. Ang laki ng perang involved sa lagayan, nakakalula. 'Sabi nga ng mga kasamahan ko, makisama na lang ako, mabibiyayaan din ako. Kaya lang medyo idealistic ako. So, inisip ko, since hindi ko kaya ang ganoon, aalis na lang ako."

"Napunta ka na kay Alejo?"

"Hindi. I joined a real estate company. Hindi lang pagde-develop ng subdivisions at pagtatayo ng mga bahay ang naging focus. Nakita ko rin 'yong business side. Sabi ko sa sarili ko, kapag nagkaroon ng pagkakataon, magtatayo ako ng sarili ko. That was when I met Alejo. May sarili na siyang firm at naghahanap ng permanent engineer. Nag-usap kami. 'Sabi ko gusto kong maging partner. Nagkasundo naman kami kaya, 'eto, kahit na Manila boy ako dapat, nandito ako." Huminto ito sa paghakbang at pumihit paharap sa kanya. "Upo muna tayo. Baka pagod ka na sa kakatayo."

Tumango si January. Inalalayan siya ni August sa pag-upo sa buhanginan. Iginala niya ang tingin sa paligid. Masarap sa balat ang hanging parang inihahatid sa kanila ng banayad na alon. Kahit naririnig pa nila ang ingay mula sa party ay hindi na iyon masakit sa tainga. Lalo tuloy niyang nararamdaman ang romantic ambiance.

Napangiti siya sa huling naisip. Romantic? Mukhang nadadala na siya ng panunukso sa kanya ni Joanna Marie. At hindi rin siya masisisi. Solo nila ni August ang tabing-dagat. Maging ang malamlam na liwanag ng buwan sa langit ay parang may hatid na kilig.

"Maganda rito sa Sierra Carmela," sabi ni August. "Akala ko nga dati, hindi ako makakatagal dito. Pero 'eto, ako pa ang kusang bumabalik ngayon kahit kung tutuusin ay hindi ko naman kailangang um-attend sa reunion ninyo."

"Hindi ka naiinip dito? Medyo atrasado pa ang bayang ito. Ni wala man lang Jollibee."

"Okay lang. Meron naman sa San Esteban. City na ang San Esteban kaya unti-unti nang nadadala roon ang ibang business sa Manila. Magkatabi lang naman ang Sierra Carmela at San Esteban. Kung sinasabi mo mang atrasado ang Sierra, hindi siguro 'yon masyadong napapansin ng mga tagarito, palibhasa kung sakaling wala rito ang anumang gusto nila, nandiyan lang naman sa tabi ang San Esteban."

Class Picture Series 4 - January For AugustTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon