Minsan pakiramdam ko, nasa henerasyon ako na krimen na ang maging single. At kung minsan pa, parang ang bigat ng krimeng nagawa mo kapag isa kang NBSB- No Boyfriend Since Birth. Ewan ko ba. Tuwing may nagtatanong, karamihan ayaw maniwala na hindi ko pa naranasang makipagrelasyon. Pero anong magagawa ko? Yun naman ang totoo.
Normal sa ating mga tao ang hindi makuntento sa kahit na anong meron tayo. At upang mapunan ang kakulangan na meron sa buhay natin, naghahanap tayo ng kung anu-ano, pumupunta kung saan-saan at nakikipagkilala sa kung sinu-sno. Aminin man natin o hindi, isa sa nakikita nating maaaring pumuno sa kakulangang meron tayo ay ang paghahanap ng karelasyon. Marami sa atin ang nag-iisip na sa pamamagitan ng isa pang tao, mabubuo ang anumang kulang sa iyong pagkatao.
Hindi ako magkakaila. Naramdaman ko na rin ang ganito.
Noong bata pa ako, ang pangarap ko ay maging isang madre. Tingin ko kasi, tahimik ang buhay ng mga madre at malayo sa kasalanan. Takot akong mapunta sa impyerno, kaya naisip kong kapag naging madre ako ay mamumuhay akong banal at sa langit lang ako mapupunta. Nasa elementarya pa lang ako nang mga panahon na 'to. Pero nang mag-high school ako, nakalimutan ko na ang pangarap na maging madre. Marami kaming magkakapatid, panganay ako at mahirap ang buhay. Kung magmamadre ako, hindi ako mgakakapera. Ito ang nasa isip ko.
Kaya naman nang mag-high school ako, ang pangarap ko na ay yumaman. Magkaroon ng maraming pera at makaalis sa kumunoy ng kahirapan. Dahil masipag ang aking mga magulang at masikap akong mag-aral, nakaabot ako ng kolehiyo, dala-dala ang pangarap kong yumaman sa sandaling makapagtapos ako.
Yayaman ako, alam ko.
Mula Bulacan ay tiniis kong mapalayo at mag-aral sa isang unibersidad dito sa Baguio. Kahit mag-isa ko na dito, hindi ako nahirapan sa mga gawaing bahay dahil pinalaki ako ni Mama na responsable sa bahay. Madali lang ang mga gawaing bahay, pero ang mahirap dalhin yung bigat sa kalooban kapag naho-homesick ako. May mga pagkakataon na gusto ko na lang sumuko, umuwi na sa amin. Pero hindi pwede, kailangan kong yumaman.
Nagpatuloy ako. Nasa pangalawang taon ko na sa kolehiyo nang makaramdam ako ng pagod. Parang araw-araw na lang pare-pareho lang yung mga ginagawa ko. Gigising, papasok, mag-aaral, makikipagtawan, uuwi, matutulog. Kinabukasan, ganun na naman. Ganito lagi. Naisip ko, pag naka-graduate na ko, magtatrabaho na ko, magkakapera, tapos siguro magkakapamilya, tapos, mamamatay... ganun lang? Parang... may mali. Ewan ko ba. Pero nahuhuli ko ang sarili kong umiiyak hanggang madaling araw. May kulang.
Masayahin ako- yun ang alam ng mga taong nasa paligid ko. Wala na kong ginawa kundi tumawa. Pero ang totoo, malungkot ako. May kulang sa akin. Hanggang isang araw, naisip ko, baka naman. . . .lovelife? Oo. Baka naman kaya ganito ay dahil hindi pa ako nakasubok makipagrelasyon. Baka naman, kailangan ko lang magka-boyfriend. Isang tao na magpaparamdam sa akin na mahalaga ako, mag-aalaga sa akin, magpapasaya sa akin ng totoo, mamahalin ako. Natatawa ako. Hindi kasi talaga ako interesado sa romantic relationship. Pero nung araw na yun, pakiramdam ko talaga yun ang kulang.
September 29, 2009.
Kagagaling ko lang sa isang klase. Dahil gusto ko talagang matutunan ang salitang Ilocano, kumuha ako ng Ilocano subject. Pauwi na ako. Kasabay ko ang isang kaklase. Madalas ko syang nakikita tuwing umaga sa isang parte ng unibersidad. Marami syang kasama, nakapalibot sila, di ako sigurado kung ano ginagawa nila. Nagdadasal ata. Ewan. Basta weird sila. Isa pang alam ko, ang kaklase kong ito ay may ibinabahagi na white booklet. Hindi ko alam kung bakit, pero habang paakyat kami ng hagdan, tinanong ko sya kung pwede nya ba i-share sa akin yun. Nagulat sya. Hindi ko alam kung bakit sya nagulat. Pero mabilis syang umoo at masaya sya.
Pumunta kami sa kanilang tambayan. Inilabas nya ang booklet at dahan-dahang ipinaliwanag sa akin. Nagulat ako sa unang tanong nya. Saan daw ako mapupunta kapag namatay ako. Sabi ko, hindi ko talaga alam. Naalala ko na dati gusto ko maging madre para sa langit ako mapunta. Pero ngayong hindi naman ako nagmadre, hindi ko na alam. Hindi naman ako ganun kasama pero, hindi ko alam kung sapat na ba ang kabutihang meron ako para mapunta sa langit. Nagpatuloy sya.
Hanggang sa sinabi nya na tayong mga tao, madalas tayo maghanap ng happiness. Eh ang happiness, nakadepende sa mga happenings, sa mga taong nasa paligid mo at kapag wala na sila, wala na rin yung happiness. Tama sya, naisip ko. Sabi nya dapat daw ang hinahanap natin, joy, pure joy, at hindi yun mahahanap sa kung saan lang. Kay GOD lang yun pwede manggaling. Pero naisip ko, paano? Doon nya ikinuwento sa akin ang tungkol kay Jesus Christ.
Naniniwala ako sa Diyos. Madalas ako magsimba. Pero nung araw na yun ko lang naintindihan na iba pala yung alam mong may Diyos at yung tinanggap mo sya sa buhay mo. Parang regalo. Pwedeng alam mo na may binigay sa'yo pero hindi tuluyang magiging sa'yo kung hindi mo tatanggapin. Matagal ko ng alam na mayroong Kristo, pero hindi ko alam na wala pa pala akong relasyon sa Kanya. Hindi mahalaga ang relihiyon. Ang mahalaga ay ang ating relasyon sa Diyos.
Nang mga oras na yun, binuksan ko ang aking puso. Nanalangin ako, "Lord Jesus, I need you. I admit that I am a sinner and do not deserve eternal life. But I believe, You died and gave Your life for me. I now place my trust in You for my salvation and accept the free gift of eternal life. I invite You to be my Savior and Lord and to make me the kind of person You want me to be. Amenr"
Pagkatapos ng panalangin na yun, dun ko napagtanto. Kailangan ko nga ng lovelife . . . lovelife sa Panginoon. Simula nung araw na yun, naging mas maganda na ang tingin ko sa buhay. Yung sayang ipinapakita ko sa mga tao, hindi na pagpapanggap kundi totoong saya na. Hindi ko naman pala kailangang maging madre para mapunta sa langit. Ang kailangan ko lang si Jesus Christ.
Hanggang ngayon, patuloy akong nabubuhay para sa layuning natagpuan ko. Ang mamuhay para sa Panginoon at patuloy pang ibahagi sa iba ang pagmamahal nya.