I

87 2 0
                                    

Ginising ako ng dagundong nang pagdaong ng bapor, na mula pa sa kung saang panig ng daigdig. Umaga na naman sa daungang Kanluran, sa dako kung saan ang sentro ng kalakalan.

Dahan-dahan kong minulat ang aking mga matang sinisilaw ni Samayari. Saglitang sinuri ko ang silid na hindi ko mawari—na malahari sa kubli. Sa gitna ng kaliwang bahagi ng silid na katapat ng pinto papasok, may dungawang may walong pantay na sulok, na sumasagisag sa walong dyos at dyosang nakipagpunyagi sa karimlan noong kapanahunan ng mga kadyosan.

Nakahilata akong nilalasap ang kamang yari sa Argis na para bagang silid ng mga dyos at dyosa sa langit. Kama na para sa mga pinakamarilag na panauhin, at ng mga bukod tangi at Dakilang Maharlika mula sa Kataas-taasang Hari hanggang sa mga damuhong pinakamalalayong hinlog. Argis na mas matatag pa sa anumang uring likas at bantog sa iba pang lupalop mula Kanlurang Palasyo hanggang sa Silanganang Luntian, na sangkalupaang Maharlika kung tawagin.

Ramdam ko pa rin ang tatlong kumot na yari sa bulak na kailanman ay hindi ka mayayamot at ang kobre-kamang yumayapos at humihipo sa aking buong pagkatao.

Na-kanino na naman akong silid-tulugan?

Sa tabing-mesa ng aking hinihigaan, may lamparang pinagkaingatang ihugis parisukat na may puwang na bilog sa harap at likod nito na sinlaki lamang ng aking ulo. Lamparang may silab ng ulan na makukuha sa ilog ng Kasadpan, ilog na pumapatay sa anumang may buhay at lulusaw ng kung anuman. Ilog na kulay bughaw na bubugaw sa kung sinumang dudungaw na matatagpuan lamang sa simarong gubat ng Kasadpan, sa pinakamalayong silangang dako magmula sa dalampasigan ng Kanlurang Karagatan.

Unti-unti akong tumayo, nag-unat at kinuha ang damit na yari sa pranela, pantalon at sapatos na yari sa balat. Nasilayan ko ang isang binatang anim na talampakan ang taas at ang mukhang magpapaluhod ng mga tala sa alapaap sa pinakamalinaw na salaming nakita ko sa lupa ng sangkatauhan.

"Tigil-tigilan mo nga ang iyong paghanga sa sarili," nakarinig ako ng malalim na boses at nang biglaang pagbukas ng pinto kasabay ng bawat yabag ng kaniyang talampakan sa marmol na sahig, "nakasisiguro akong nangingiyak yaring mga tala sa alapaap at hinding-hindi magkukumahog lumuhod para sa iyo, Huron," at kitang-kita sa kaniyang mga mukha ang liwanag ng kay gandang umaga, mga matang nagpapahiwatig ng walang hanggang kaligayahan, mga ngiting abot sa tainga, at galak sa kanyang pagtawa.

"Batid kong kay ganda ng iyong umaga, mahal na prinsipe Eren," wika ko sabay yuko at inayos ang pagtayo. Labis pang nagliwanag ang buong silid nang hagkan ni Samayari ang kaniyang kulay-abong buhok at ng mga mata nitong kulay-kayumanggi't abong kumikinang sa dalisay.

"Walang kahit na sinong hihigit sa mga ngiti ni Aurora," aniya, "sa karilagan taglay nito, na sa tuwing masisilayan ko siya sa isa na namang umaga. Mga mata niyang nagkukumislap na dadalhin ka sa paraiso ni Lawanara. Bawat buka at paglabas ng hangin sa kanyang bibig ay musika sa aking pandinig na siya namang tunay na kaibig-ibig!"

"Ngunit hindi kayo pinaglayon ng pagkakataon na sa gayon ay kinakailangan ninyong itigil hindi sa lalong madaling panahon bagkus ngayon at ngayon din," mga salitang kailanman ay hindi ko masabi ng harap-harapan sa kaniya. Na hindi nararapat at labag sa mga mata ng mapanghusgang lipunan na siyang nagtatakda sa kung ano ang tama sa maling gawain at siyang dapat naaayon sa kumpas ng buong sangkatauhan. Hindi natin inaasam na magmahal ng tao sa lahat ng panahon at maling pagkakataon. Kailanman ay hindi mali ang umibig sa kung sinumang kinakabig ng dibdib. Isa lang ang siyang nanaisin kong makuha ng taong ito—ang kaligayahang nararapat para sa kaniya hindi dahil na siya ang prinsipe ng kahariang ito kundi dahil sa ipinakita niya sa akin ang kabaitang walang sinumang magbibigay sa mga anak-pawis na tulad ko.

"Sumasaiyo si Naur at ipagkaloob sa iyo nawa ni Lawanara ang buong karunungan ng sanlibutan, mahal na prinsipe," bati ko.

"Siya nawang sumasaiyo rin," pabalik na pagbati niya, "mayroon akong habilin mula sa iyong ama galing Kanluranan," kitang-kita ko sa kaniyang mga ngiti na nagtagumpay ang nagdaang pagsalakay sa Kanluranan at magpapatuloy ang pagsalakay para sakupin ang kabisera nito. Lubos na ikinagagalak ng prinsipe ang pagkakataong ito para mapatunayan niya ang kaniyang sarili sa larangan ng digmaan sa edad na labing-pito. Masyadong bata para sumabak sa digmaang hindi naman nararapat. Digmaang kikitil sa kamusmusan ng buhay para sa mga haring kanilang pinagsisilbihan at para sa kaluwalhatian.

Ang Daigdig sa Kahulihulihang HanggananTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon