Hudyat sa Muling Pag-akyat

5 0 0
                                    

Minsan ka na bang natigilan at napa-isip na "ang ganda ng mundo". Oo, ang gulo - ang daming kasamaan, at ang daming hindi makatarungan. Pero kung lalabas ka sa inyong tahanan sa isang gabing tahimik at pag tumitig ka sa buwan, kahit saglit makakaramdam ka ng payapa.

Ako yung tipo ng taong mapagpahalaga sa kalikasan, dahil sa natatangi nitong ganda at dahil sa kapangyarihan nitong magpalaya. Kaya ngayong gabi, sasali ako sa isang aktibidad na hindi lamang susubok saking lakas, kundi hahamak din sa aking pag-ibig sa kalikasan.

"Malapit na raw siya dumaan". Banggit ko sa aking mga kaibigang sina JP at Jerald. Titigil sa kanto namin sina Grace para i-sakay kami at tumuloy sa aming pupuntahan. Mamumundok kami sa Mt. Palagian.

"Ok sige, handa na naman ang mga gamit natin", ani JP.

Nang makarating kami sa kanto, naisipan kong kumuha ng litrato naming tatlo. Matagal din kami hindi nagka-sama sama mula nung graduation. Naisip naming mag-hiking para magkasama-sama kami ulit, sama-samang mahirapan. Ganun.

"Masyadong madilim yata", batid ni Jerald, iisa lang kasi ang posteng buhay na malapit sa kinatatayuan namin. Dis-oras na rin ng gabi dahil kailangang maaga kami makarating.

"Oh eto na sila," sabi ko at nag-mustra sa kanilang pumasok na sa van, ayon na rin sa pa-anyaya ni Grace.

"Tumaba ka ata, Ken", bati sakin ni Grace, magkakaklase kaming lahat sa kolehiyo. 

"Hehe", tipid lang talaga ako sumagot, dahil hindi ko rin alam kung puri sya or kutya.

Matapos ang kaunting kumustahan, ay nagdesisyon na kaming magpahinga. Wala pang ilang minuto ay tulog na agad si JP. Habang unti-unting napupuno ng hindi kilalang tao ang sasakyan nain, ako ay nag-iisip isip kung kakayanin ko ba ang akyat na ito. 

Pangalwang akyat ko pa lang to ng bundok, at hindi naman talaga ako nag-eensayo ng katawan. Sa tingin ko, sa unang akyat ko, tibay ng loob lang ang gumana sakin, at ang kawalan ng opsyon na mahandusay sa pagod sa bundok, dahil hindi ako makaka-uwi. Ginagawa ko lang talaga to, dahil gusto ko ang pakiramdam na malapit ako sa kalikasan- na natatanaw at naaabot ko ang mga ulap, na nakikipagsapalaran ako sa mga puno at mga bato, na tila ba inaanyayahan ako ng bundok na tuklasin ang ganda at salimuot nito.

Makaraan ang ilang oras ay dumating na kami sa destinasyon namin. Nagsibabaan na kami ng sasakyan agad-agad dahil nakikita namin ang ibang grupo na nagsisimula na. Matapos kaming mag-almusal ay tinipon kami ng mga guide para sa briefing - mga bagay na hindi dapat gawin, at ang mga lugar na makikita namin.

"Eto na, mababanat na naman mga buto ko nito", banggit ni Jerald.

"Sanay ka na naman sa ganito dahil halos bundok sa lugar niyo", sagot ni JP.

Nagsimula na kaming pumanhik sa paanan ng bundok at masasabi ko na lubhang matatarik ang simulang daanan. Nagbanat banat naman ako ng binti kahit papaano nung nakaraang araw kaya hinihiling ko na lang bukas ay makapasok pa ako sa trabaho. Limang oras daw ang itatagal namin sa bundok, tatlo paakyat at dalawa pababa. Nasa isip ko na yun ang pinaka-ideyal dahil paniguradong marami pang paghinto ang mangyayari para kumuha ng litrato.

"Pahinga po muna tayo ng saglit, eto po yung unang station", sabi ng tour guide namin. 

Inilapag ko ang aking bag na napagtanto kong pagkakamali ang pagdadala ng malaki dahil mabilis ako nahapo. Hinahabol ko ang aking hininga, at dali daling kumuha ng tubig.

"Hay, mahina pa talaga ang katawan ko", sambit ko sa aking isip. Kailangan ko magpalakas kung gagawin ko itong hilig.

Maraming grupo ang sumunod sa amin at isa-isa na rin silang nagpapahinga. Ginamit ko naman ang oras na iyon para kumuha ng mga litrato. Lumayo muna ako sa mga tao. Mahilig ako kumuha ng litrato ng kung-ano ano, mga puno, halaman, at mga tipon-tipon ng tao. Hindi ako sanay makisalamuha sa iba pero gustong gusto ko makakita ng masasayang usapan.

"Kuya, pwede pong pakuha ng picture samin", tinapik ako ng bahagya ng isang dalaga. Naka-suot sya bandana na palatandaang isa siyang tour guide. At kitang kita na mistulang malalapit na siya sa kanyang grupo. Pagkakuha ko ng litrato ay agad syang nagpasalamat.

"Kuya, face towel mo ba to?", agad kong kinuha ang maruming panyo sa kamay niya. Naputikan na ito, sapagkat ilang beses na tong nalalaglag sa kamay ko sa hirap ko sa pag-akyat. Samantalang ang dalaga sa harap ko ay walang bakas ng dumi or hirap, yung mga ngiti nya ang nagsasabing sanay na sanay na sya. Na para bang sa pag-akyat siya sumasaya.

"Salamat din", binali ko ang titig ko sapagkat hindi ako sanay makipag-usap sa ibang tao.



Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 04, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Day Hike at Mt. PalagianTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon