"Kap!"
Napabuga siya nang marinig ang pamilyar na boses. Napailing-iling na lang siya sa mga pumasok sa opisina.
"Pogi, na-miss mo ba 'ko? Nandito ako kasi binibisita kita!"
"Nandito ka na naman kasi nahuli ka ulit," walang buhay na sabi niya sa naka-posas na si Erin.
"Kap, nahuli 'to nu'ng isang bodyguard ni Mr. Chua. Dinudukutan ni Erin ang amo niya sa labas ng simbahan kanina," pag-imporma ng isang kasamahan niyang Pulis sa kaniya.
Napapakamot na ngumiti si Erin sa kaniya. "Kaya lang naman ako nagpahuli kasi na-miss na kita," nakangising sabad pa ni Erin.
Hindi na siya nakasagot dahil pumasok na rin si Mr. Chua sa loob. At gaya ng inaasahan niya ay nawala ang ngisi ni Erin sa mukha at biglang nag-badya ng luha ang sulok ng mga mata nito. Kumikibot pa ang mga labi na humarap ito kay Mr. Chua.
"Alam ko pong mali ang ginawa ko, sir. Pero dahil wala pong tumatanggap sa akin para sa matinong trabaho, napipilitan akong mandukot. May mga maliliit pa po akong kapatid. Ako lang ang inaasahan nila," nagpapa-awang sabi nito.
Napabuga siya ng hangin. Mukhang alam niya na ang susunod na mangyayari.
"Hindi ako magsasampa ng kaso. Just don't do it again," sagot ni Mr. Chua rito.
Bahagya pang nagbagsakan ang mga luha ni Erin. "Marami pong salamat, Sir. Hindi na po ako nagtataka na ikaw ang nanalong konsehal sa bayan na 'to. Napakabuti mo po."
Nakangiting tumango-tango pa si Mr. Chua bago sinenyasan ang bodyguard nito na kailangan na nitong umalis. Pagkalabas na pagkalabas ng mga ito ay humarap sa kanila si Erin. Malaki ang ngiti at ang kaawa-awa nitong mukha kanina ay napalitan ng pagyayabang.
"Tanggalin n'yo na ang posas, pogi. Masakit na ang kamay ko," sabi nito sa kaniya.
Sinenyasan niya ang kasama na tanggalin na ang posas nito dahil wala na rin namang kasong isasampa rito.
"Date tayo, pogi. Libre ko," dagdag pa nito.
"Hindi ako makikipag-date sa magnanakaw," diretsong sabi niya rito.
"Bakit? Eh, mga magnanakaw lang din naman sa bayan ang ninanakawan ko?" nakasimangot pang sagot nito.
"Makakahanap ka rin ng katapat mo, Erin. You're living a dangerous life," seryosong sabi niya rito.
Nagkibit-balikat lang ito. "See you later, pogi. 'Wag mo 'ko masyadong ma-miss." Kinindatan pa siya nito bago umalis.
Napailing na lang siya. Parang wala na talagang planong magbago ni Erin.
-----
BINABASA MO ANG
Stolen (on-going)
Romansa#2 (Spin-off of Deadly Romance and Dangerous Romance. Story of Carson Miles Constantino.) Carson Miles Constantino is an honorable Police Officer just like his Dad. Erin Ybañez, raketera sa umaga. Mandurukot sa gabi. It is his job to catch the thief...