Chapter 51

41 17 7
                                    

Ipinakuwento nila sa akin kung paano kami nagbreak ni Cristof. Ikinuwento ko lang sa kanila na isang araw bigla na lang ako tinext ni Cristof. Hindi naman biglaan, nag-away pa kami bago niya ako itext ng ganoon.

"Baka may kasalanan din talaga ako," dagdag ko sa mahabang kwento ko, "hindi naman susuko 'yung tao kung wala naman akong ginagawa eh. Ang ayoko lang sa ginawa niya, iniwan niya ako ng hindi niya man lang tinatanong kung anong masasabi ko. Dalawa kami sa relasyon pero siya lang ang nagdesisyon noong dulo. Relasyon bang matatawag iyon?"

Madami silang binigay na advice sa akin, kung ano-anong payo na pangkaibigan. Unang araw ko na makasama at makausap ang mga taong ito pero iba na ang pakikitungo nila sa akin. Higit pa sa inaasahan ko.

"Sorry ha, dapat masaya tayo ngayon. Naging malungkot tuloy 'yung usapan. Pasensya na. Pangit ata ng pasok ko sa grupo niyo. Pangit na balita agad," pilit ang tawang sabi ko.

"Okay lang 'yun. Parte ka na nang pamilya kaya walang problema kung magsabi ka sa amin ng mga ganiyang bagay," sabi ni Julian.

"Gusto mo?" tanong ni Rafael kay Julian.

"Anong gusto ko?"

"Gusto mong gumulong pauwi?" natatawang tanong ni Rafael kay Julian dahilan para sabay-sabay kaming maghagalpakan sa tawa.

"RKO kita gusto mo?" tanong ni Julian pabalik kay Rafael.

"Saan nanggaling 'yun!?" natatawang sabi ni Gen kay Rafael.

"Wala lang. Tinanong ko lang kung gusto niyang gumulong pauwi," paliwanag ni Rafael.

Nagtuloy-tuloy ang masaya naming pagkukwentuhan. Ang saya nila kasama! Ito siguro ang naramdaman ni Cristof noong una niyang nakasama ang mga ito. Noong una ay akala ko puro masungit at walang imik ang mga tao dito. Pero ngayon, grabe, hindi ko lubos akalain na ganito sila at mainit nila akong matatanggap.

May bago nanaman akong ipagpapasalamat sa Diyos.

Kinabukasan, Monday, ay naisipan kong kailangan ko nang ibigay kay Cristof ang box na ginawa ko pero parang ayoko muna sana siyang makita o makausap man lang. Hindi pa ako handa. Ipapaabot ko na lang kay Jessica. 

Kahit papaano ay nakakausap ko naman ang isang iyon at hindi labag sa loob ko. Mabait naman si Jessica at, sa hindi malamang dahilan, malaki ang tiwala ko sa taong 'yun. Si Lianne lang talaga.

Tinext ko si Jessica bago ako pumasok, pinakiusapan na kung pwede ko siyang makausap, kahit sandali lang. Alam ko ang schedule nila dahil iniayos namin iyon ni Cristof dati kaya alam ko ang tamang oras para makausap siya.

"Jessica," sabi ko. Nakaupo siya sa mga garden ng school namin at nakatalikod sa gawi ko kaya hindi niya ako nakita.

"Ann," sabi niya ng makaharap siya sa akin.

Umupo ako sa harapan niya saka nilabas mula sa bag ko ang box na ginawa ko para kay Cristof. "Pakibigay na lang sa kaniya. 'Di ko alam kung kaya ko na siyang harapin ngayon. Masyado pang masakit. Kaya kung pwede," sabi ko saka iniabot ang box palapit sa kaniya, "ikaw na lang ang magbigay."

"Kumusta ka na?" tanong niya.

"Bumabawi ng tulog?" pilit ang tawang sabi ko, ang mga mata ko ay diretsong nakatingin sa box na ginawa ko. Grabe talaga 'yung ikaw na iniwan, ikaw pa may paregalo.

"Hindi rin siya okay," rinig kong sabi ni Jessica na nakapagpatingin sa akin sa gawi niya.

Ilang segundo ang lumipas, iniisip kong mabuti kung ano ang isasagot ko sa sinabi niya. "Okay," sabi ko na lang. "Una na 'ko. May pasok pa kasi ako eh. Thank you, ha? Sobrang naappreciate ko ito." Tumayo na ko saka isinabit ang bag sa likod ko. "Bago ko makalimutan, 'wag na 'wag mo siyang papauwiin nang hindi niya binubuksan lahat ng laman nito," turo ko sa box.

"Ha?"

"Minsan niyang nakuwento sa akin na may binigay ang ex niya sa kaniya noong naghiwalay sila at hanggang ngayon ay hindi niya pa rin iyon binubuksan. Ayokong masayang ang lahat ng 'yan para sa wala. Kaya please, 'wag mo siyang hahayaang umuwi ng hindi binubuksan 'to."

"Magpagaling ka," biglang sabi niya. Nakita niya siguro ang pagtataka sa aking mukha nang muli siyang magsalita, "Pagalingin mo 'yung puso mo. Hihilom din ang sakit. Makakabangon ka rin ulit."

Tumalikod ako kaagad dahil ayoko nang makita niya pa ang mga luha ko. Hindi na ata gagaling ang puso ko. 

Mananatiling naghahanap ng atensiyon sa taong hindi na siya kayang kausapin pa ulit. 

Mananatiling naghahanap ng kalinga sa mga yakap na kahit kailangan hindi na niya mararamdaman muli. 

Mananatiling naghahanap ng sagot sa lahat ng bakit na tanging si Cristof lang ang makakasagot.

Matapos kong kausapin si Jessica ay dumiretso ako sa cr na malapit sa classroom namin saka doon naghilamos. Kasabay ng pag-agos ng tubig sa aking mukha ang mga luhang nag-uunahan sa paglabas.

Nang mahimasmasan ako ay pumasok na ako sa classroom. "Namumula ka nanaman," sabi ni Anj.

"Init eh," pagpapalusot ko.

"Ah... Mainit..." sarkastikong sagot niya.

Lumipas nanaman ang araw na ito na wala akong naintindihan sa mga tinuro. Kailangan ko na nga talagang maghabol sa mga topics. Kaya naman nang matapos ang klase ay napagdesisyunan ko munang pumunta ng library.

"Uuwi na kayo?" tanong ko sa tatlong kasama ko.

"Oo eh, pinapauwi na ako ni Daddy. May pupuntahan kami," si Anj.

"Ako, hahatid ko si Anj," si Jan.

"Aww, sana all," sabat naman ni Gen nang nakatingin sa gawi nila Anj at Jan saka siya humarap sa akin, "Kaso kailangan ko na rin umuwi eh. Walang magbabantay sa pamangkin ko."

"Okay, sige. Sa library lang naman ako," sabi ko. "Sobrang kailangan ko nang humabol."

"Sige, una na kami! Bye!" sabi nila saka lumakad papalabas ng gate ng school. Pumunta na rin ako sa library matapos naming magpaalam sa isa't isa.

Wala masyadong tao sa dulong parte ng library kaya doon ko piniling maupo. Nagpahinga lang ako sandali at kinausap ang sarili. Pilit na inuudyok ang sarili na mag-aral ng mabuti at huwag hahayaang masira ang lahat dahil sa isang lalaki.

Nakaharap ako sa dingding ng library para siguradong walang kahit na anong distraction. Kailangan ko ng matinding focus para sa pag-aaral ko. Nilabas ko na ang libro ko sa Accounting, ang notebook ko at ang ballpen nang maramdaman kong may umupo sa tabi ko.

Si Cristof. 

Ang Simula ng Kwento Nating DalawaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon