“Anong ginagawa mo riyan Amanda?” napatalon sa gulat si Amanda sa tanong ni Cuerva kaya agad na napaayos si Corazon at napangiting tumingin sa pintuan kung saan dahan dahang bumukas.
Gulat na gulat na napatingin si Amanda kay Corazon. Alam niyang nagbabalat-kayo ang babaeng ito.
“Ako’y….” hindi niya masabi ang nasa isipan niya dahil nakatitig si Corazon sa kanya na para bang nagsasabing ano? Ikaw ba ay may narinig o nakita man lamang?
Imbes na magsalita ay napayuko si Amanda at hindi sinagot si Cuerva na ngayo’y napalapit kay Corazon.
“Nais ka raw kausapin ni ama.” titig na titig si Cuerva sa mga mata ni Corazon na para bang nagtataka siya sa pagkakabilog nito.
“Marahil ay may kailangan na naman si Don Ignacio sa atin.” wika ni Rasilita pero nanatiling nakangiti ang mukha ni Corazon habang nakasunod kay Cuerva.
“Wala akong maisip sa kung ano man ang kailangan niya sa atin Raseng.”sagot naman niya sa kapatid na nagtatanong sa kanyang isipan.
“Baka nailabas na niya sa kulungan ang mga kasapi ng ating lihim na samahan.” napahinto si Corazon sa binanggit ni Zonya.
“Kung gayun ay makakausap at makikita na anting muli si Marites?” nakangiting bigkas ni Corazon na siyang ikinalingon ni Cuerva.
“Ako ba ang kinakausap mo Binibining Corazon?” nagtataka ito subalit napailing iling lamang si Corazon. Sa isang sulok napatago ang isang katulong na kanina pa nakikita ang kabaliwan ng nag-iisang anak ng pumayapang dela Concepcion.
Agad pumasok si Cuerva sa silid na palagi nilang pinagtitiponan. Naroon si Miguel at Juan na naghihintay sa kanila.
“Ang mga kasapi ng inyong lihim na samahan ay amin nang napalaya, Binibini.” bungad nang nagmamalaking si Miguel na siyang ikinatutuwa naman ni Don Ignacio.
“Napakadali lang ang pagpasok sa bilangguan nila lalo na’t tinulungan kami ng pinuno ng mga guwardiya na sa aking pagkakaalam ay inyong kutsero noon Binibini.”
“Si Felimon. Alam kong tutulong siya lalo na’t ang kanyang kasalanan sa aming pamilya ay nagkapatong patong na.” napaupo si Corazon kaharap ni Juan.
“Subalit ikinalulungkot kong wala si Marites sa mga napalayang bilanggo.” nakatitig si Juan kay Corazon subalit wala itong nakitang kakaibang reaksiyon sa kanyang pagkakasabi niyon.
“Si Marites ay aking sariling utusan kaya batid kong itinatago siya ngayon ni Don Lucio upang gamitin laban sa akin. Alam ni Marites ang pinakatatago kong lihim.”
“Maging ang lihim ng ating pamilya ama.” dagdag ni Juan kaya naman napaisip si Don Ignacio.
“Marahil ay pinatay na siya ni Don Lucio.” mahinang wika ni Cuerva kaya napatingin ang lahat sa kanya.
“Ating batid na ang iyong tig-iisang pinsan ay nawawala rin kaya paniguradong bangkay na lamang ang ating hinihintay na lumabas.” dagdag niya kaya napatayo si Corazon.
“Hindi mo kilala ang mga dela Concepcion.” madiin ang pagkakasabi ni Corazon kaya natahimik si Cuerva.
“Sa aking palagay ay may lihim na tagong bahay si Don Lucio kung saan niya itinatago ang mga nais niyang mawal sa kanilang landas, gaya na lamang ng pinagtaguan niya ni Laura.” napayuko si Corazon ng maalala si Laura.
“Kung gayon, tanging si Felimon lamang ang makatutulong sa atin.” titig na titig si Juan kay Corazon.
“Sa pamamagitan ni Zonya.” halos magsabay pa sila sa pagkakasabi ng pangalang iyon. Nagtataka man ang ibang kasama nila sa silid subalit wala na itong magawa kundi ang tumango na lamang.
BINABASA MO ANG
CoRaZon
Historical FictionDadalhin tayo ng kwentong ito sa panahon ng mga Kastila sa mga iilang taon bago maisakatuparan ang Maura Law na ibig baguhin ang mga karapatan ng mga Principalia kung saan makikilala ang isang tinuringang baliw na si Corazon sa bayan ng San Antonio...