Sabi nila madali lang. May mga tutorials pa nga eh.
may 5 ways, 7 ways, 10 ways daw para makalimutan ang nakaraang pagkabigo
pero di ito ganun kadali. Dahil isa ito sa mga bagay na mas madaling sabihin kesa gawin. hindi naman mapipigil ng isang tao na wag isipin yung isa pang tao, o gawin yung mga bagay na magpapaalala dun sa isang tao maaring para sa iba hindi ito ganun kahirap. Pero depende pa din yan sa lalim ng sugat na iniwan ng taong yon.
Sa tingin ko depende din ito sa klase ng pagrespeto, pagtingin at pagmamahal mo sa taong nawala sayo. Malamang, mas madali kang nakamove on sa syota mo sa internet, o sa kasecret on mo, o sa mga taong tingin mo lang ay pampalipas oras at laruan. Pero ibahin natin ang usapan pagdating sa mga taong sineryoso at binigyan ng effort ang relasyon. Sa mga taong nagmahal kahit may sakripisyo. Sa mga taong nahuhusgahan na pero hindi pa rin nagpapadaig sa bulong ng mga tao sa paligid, sa mga taong nagmahal ng totoo, nagmahal ng walang kapalit. Ibahin natin sila. Dahil ang salitang move on ay wala sa kanilang bukabularyo.
Ang nasa isip at puso ng mga taong iyon ay sakit, pagkabigo, panghihinayang, pagkatakot na muling mawalan, pagkalito, pagsisisi, at minsan pagpapakamatay. Hindi masamang malungkot, umiyak at magdusa. At ang mga taong hindi pa nakakaramdam ng naramdaman nila ay walang karapatang magsabi ng “magmove on ka nalang”. Hindi natin sila maaaring sisihin kung lahat ay binigay nila, o kung halos wala nang natira para sa kanilang sarili. Dahil unang una, kahit gaano pa katalino ang utak mo, tanga pa rin ang puso kapag nagmamahal na ng totoo.
Kahit gaano ka pa kahenyo sa mga bagay bagay or common sense, bobo ka pa din kapag pagibig na ang pinaguusapan. Tandaan mo “lahat ng tao nagiging bobo pagdating sa pag-ibig” Ang mga nagmamagaling na nagsasabing madali lang kontrolin ang puso ay sila pa pala ang kadalasang hindi marunong umintindi ng pagmamahal. Dahil kapag nandoon ka sa puntong mahal na mahal mo na ang isang tao, lahat na gagawin mo, kahit magmukha kang tanga, magmukha kang nakakahiya at kahit pa mawala ng pinakaiingatan mong pride, wala kang pakealam.
Hindi ako eksperto sa pagibig, pero naramdaman ko na ang tunay na pagmamahal. Tama, naging tanga na ako, nakakahiya at di ko na iniisip ang pride. Kaya alam ko din na hindi madali ang magmove on. Pero wala naman talagang madali sa mundo. At ang bagay na tulad nito ay di na kailangang gawan ng tutorial o steps. Dahil iba iba tayo ng karanasan at mararanasan pa. Kaya iba din ang magiging solusyon sa ating problema. Iba iba ang magiging proseso ng ating pagmove on at pagmove forward.
Sa mga nabigo at patuloy pang naghahanap ng kasagutan, eto lang ang masasabi ko. "Wag kang sumuko". Tao lang din ako kaya hindi ko maaaring idikta ang mga kailangan mong gawin. Pero wag ka magalala dahil may Diyos pa na aalalay sayo para mapunta ka na ulit sa daan patungong kaligayahan. Hindi kailangan madaliin. Pero hindi rin maaaring pabayaan natin na walang pagusad na nangyayari. Isipin mo na lang na marami pang magagandang bagay ang nakalaan para sayo.
Dahil sa bandang huli, ang pagmove on ay nakasalalay din sa ating mga sarili. ALam ko hindi madali ang magmove on.
pero kaya mo yan. Nagawa nga nila eh . Ikaw pa kaya ..