Faith
Kapwa sila hubo't hubad at naglalaro sa apoy ng kapusukan
Mga kabataang nagmamadali at padalos-dalis sa paggawa ng desisyon na dala lamang ng init ng katawan
Paulit-ulit silang naglaro hanggang sa tuluyang may nabuo.
Isang araw, pag-uwi niya sa kanila ay hindi na lamang siya nag-iisa
Bitbit niya'y bata at may tumutulong luha sa kanyang mga mata
Sa probinsya, buong akala ng kanyang magulang ay nag-aaral siya ng mabuti sa Maynila
Kung ang nanay at tatay niya'y inaararo ang palayan
Siya'y inaararo naman ng kanyang kasintahan
Pag-aaral ay napabayaan dahil sa inakalang wagas na pagmamahalan
Ngunit nang siya'y napunlaan at tuluyang nagbunga, para itong punlang may lason, ang nagtanim ay lumayo at tuluyan na siyang pinabayaan
Kaya't ang kawawang binhi sa lupa, ngayo'y aasa sa araw at hihingi ng tulong sa ulan
Sapagkat ang mga ito na lamang ang kanyang matatakbuhan
Naramdaman niya ang mainit na yakap ng kanyang ina
Nakita niya ang pagbuhos ng luha ng kanyang ama
"Anak, anong nangyari? Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong nila
"Patawad." ang nasambit lang niya
Ngiti ang nakita niya sa mukha ng ina at ama
Ngiting nangangahulugang "mahal na mahal kita"
Nilapitan siya ng kanyang ina at kinuha sa kanyang braso ang bata at sinambit ang mga salitang 'di niya inakala
"Tignan mo ang ating apo, mahal. Kamukhang-kamukha ng ating anak."
Masaya ang kanyang tono,na para bang walang mali rito
Napatingin ang kanyang ama sa kanya
"Anong pangalan niya, anak?" naka-ngiting tanong nito
Pinunasan niya ang kanyang mga luha at tumingin sa kanila
"Faith." ang sambit niya.
BINABASA MO ANG
Poems and Other Things
PoetryA collection of poetries (English and Tagalog) and some other things.