One

6 1 1
                                    

Nagising ako sa ingay na nagmumula sa baba. Tiningnan ko ang labas at nakita kong mataas na ang sikat ng araw. Tinanghali ako ng gising, ayaw pa naman ni Tatay ng ganon. Kahit inaantok pa ay pinilit kong bumangon. Dali-dali akong bumaba at nadatnan ko ang aking nakababatang kapatid na nakaluhod sa planggana na may mga munggo. Umiiyak ito at nagmamakaawa kay Tatay.


Nagtago ako sa likod ng kabinet, at naghintay ng tamang tyempo para sabihing itigil na niya ang ginagawa sa nakababata kong kapatid. Palaging ganito si Tatay, hindi ko alam kung bakit iba ang kanyang turing kay Letizia. Magmula nong pumanaw si Nanay naging ganito na si Tatay.


"Tay..." Tawag ko sa kanya. Mula nang mawala si Nanay ako na ang tumayong pangalawang ina ni Letizia. Palagi ko siyang pinagtatanggol kay Tatay.


"Oh Clementine, kumain ka na ba ng almusal?" mula sa galit na itsura at tono ay napalitan ito ng lambing at puno ng pagmamahal.


"Bakit niyo po pinapaluhod si Letizia dyan?"


"Kailangan niyang matuto ng leksyon. Sabi ko sa kanya maaga siyang gumising para magluto ng almusal at pakainin ang mga pato pero ano? Tirik na tirik na ang araw nakahilata pa rin siya sa kama na parang prinsesa?!"


Mahal ko ang Tatay pero parang hindi na ito tama. Kung ituring niya si Letizia ay para itong ibang tao, parang hindi niya anak.


"Tay, pwede mo namang pagsabihan. Hindi naman kailangang saktan siya ng ganyan," sabi ko sa kanya at pinagdasal kong sana itigil na niya ito.


Tiningnan ko ang aking kapatid at nadatnan ko siyang nakatitig sa akin. Ang mga mata niya ay puno ng pagkamuhi at galit. Sa akin? O kay Tatay?


"Kaya tumitigas ang ulo niyan kasi palagi mong pinagbibigyan, anak. Para rin naman sa ikabubuti niya iyan," pagdadahilan ni Tatay.


Hindi nagtagal ay nagpa-alam na si Tatay na pupunta na siya sa minahan. Hindi muna ako sumama para gamutin ang dumudugong tuhod ni Letizia.


"Tumayo ka na Letizia gagamutin ko ang sugat mo," sabi ko at lumapit para tulungan siyang tumayo ngunit tinabig niya ang aking kamay.


"Hindi ako aalis dito, magagalit lang si Tatay."


"Hindi ka niya papagalitan ulit kasi andito na ako atsaka ako na ang bahala sa kanya," lalapitan ko na sana siya pero tinulak niya ako ng malakas dahilan ng pagkatumba ko sa sahig.


"Sabi nang hindi ko kailangan ang tulong mo! Palagi na lang ikaw ang mabait! Ang paborito! Ano ako katulong niyo?!" galit na sigaw niya at lumabas siya ng bahay.


Naiwan akong nakatulala dahil hindi ko inaasahan na sisigawan ako at nagawa akong saktan ni Letizia. Hindi ko muna siya susundan para bigyan siya ng oras na magpalamig, ayaw kong mas magalit siya sa akin. Natulala ako ng ilang saglit ngunit naputol ito ng mahinang katok sa bintana ng bahay.


Napatingin ako dito at nakita ko ang ang mukha ni Salvatore. Ngumiti siya sa akin at kumaway. Lalabas na sana ako kaso naalala kong hindi pa ako nakapaghilamos at mumog!

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 23, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

ClementineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon