19

16 0 0
                                    


May pumipitik-pitik na ilaw sa langit, sinundan ng dumadagundong na kulog. Nagsisimula nang magsama-samang maging itim ng mga ulap, nagbabadya ang malakas na buhos ng ulan. Alas-singko pa lang ng hapon pero parang gabi na dahil sa kulimlim ng kalangitan. Dala-dala ni Precious ang kaba sa dibdib habang naglalakad papunta sa coffee shop. Wala nang atrasan.

Naamoy kaagad ni Pres ang halimuyak ng mga bagong burong kape nang pumasok sya sa tindahan. Naaninag nya kaagad si Juan Carlos, nakaupo sa pwesto kung saan sila unang nagkape, kung saan sila unang nagkakilala. May dalawa nang tasa ng kape sa lamesa, sumasayaw ang mga usok nito sa kalmadong hangin sa loob ng coffee shop.

Ilang sandali pa ang dumaan nang mapansin na sya ni Juan Carlos. Nagkatitigan sila sandali. Napansin ni Precious ang namamaga nitong kanang pisngi. Napalakas nga siguro ang sampal nya noong nakaraang linggo. Kamusta naman kaya ang bayag nito? 

Nang-iimbita ang mga titig ni Carlos, may halong awa effect. Sumunod naman si Precious at lumapit sa kinauupuan ng binata, saka umupo.

Kaharap nya ngayon si Juan. Ramdam nya ang hiya sa mukha nito. Alam nyang hindi nito alam kung ano ang sasabihin, kahit na gustong-gusto sya nito maka-usap, may pasulyap-sulyap sa kanya pero hindi ito makatingin nang diretso.

"Ano?" pagbasag ni Precious sa katahimikan.

"Sorry..." sagot ni Carlos.

"Saan?" wala kang emosyong makikita sa mukha ni Pres.

Napatingin si Carlos kay Pres, tinging nagsasabing alam naman ni Pres kung ano ang ginawa nya, "Sa nagawa ko nung pumunta ka sa bahay."

"Anong ginawa mo?"

Hindi pa rin makatingin nang diretso si Carlos, "A...alam mo naman kung ano..." 

Inilagay ni Precious sa lamesa ang mga kamay at lumapit sya nang bahagya kay Juan para marinig nito kung ano ang ibubulong nya, "Sabihin mo...kung ano ang ginawa mo."

Namumula ang binata, tinatago ang kaba, "Pi...pinag...pinagsamantalahan kita...sorry."

"Ipangako mo sa'king hindi na mauulit 'to." Bumalik na ulit sa pagkakasandal sa upuan ang dalaga.

"Hindi na mauulit..." Doon pa lang nakatingin ulit si Carlos, "Pangako yan Precious. Hindi na mauulit."

Huminga muna nang malalim ang dalaga, sya naman ngayon ang hindi nakatingin kay Carlos, nakapako ang tingin nya sa labas ng bintana ng coffee shop kung saan nya nakikita ang maya-mayang pagkidlat, "Papatawarin naman kita...Carlos." 

Nagulat si Juan, nakahinga ng maluwag, hindi makapaniwala sa narinig, akala nya'y hindi na nya maririnig ang mga salitang ito, unti-unti syang napangiti, "Salamat Precious...salamat!" Hinawakan nya ang kamay ni Pres na naiwang nakalapag sa lamesa, "Precious..." umastang sinsero ang mukha nya, "Mahal kit-..."

"Pinapatawad na kita..." Tinanggal ni Pres ang pagkakahawak ni Carlos sa kamay nya, "...At pinuputol ko na kung ano man...ang naging ugnayan natin." Biglang kumulog ang kalangitan.

"Pres...wag...wag naman ganto," nangingilid ang crocodile tears ni Juan Carlos, "Bigyan mo pa ako kahit isang chance lang. Kahit isa lang."

Matagal na tinitigan ni Precious ang mukha ng kausap, sinusulit ang pagkakataong huli nyang masisilayan nang malapitan ang mukha ng binata. Huling tingin sa mga labi nito, sa mga mata, sa mga pisngi. Huling pagkakataong makakausap nya ang taong sumubok lumapastangan sa pagkababae nya, "Wala nang chance, Carlos. Pasensya."

Tumayo ang dalaga. Sinubukan syang pigilan ni Carlos, ngunit dali-dali syang lumabas ng coffee shop, parang gustong makahinga ng maluwag, lumanghap ng sariwang hangin. Napatingala sya sa langit nang kumidlat ito. Narinig nyang may nagbukas ng pintuan ng coffee shop na nasa likuran nya.

"Precious, mahal kita! hindi mo pa ba nakikita yon?" basa na ang pisngi ni Juan Carlos ng luha. "Hindi pa ba sapat yung mga ginawa ko para...para malaman mong mahal kita? Ha? Kulang pa ba? Hindi mo pa ba ramdam? Ano pa bang pwede kong gawin?"

"Hindi mo dapat sinasabi yan..." hindi nilingon ni Pres ang kausap.

"Ang alen? Na mahal kita?"

"Hindi mo alam kung anong sinasabi mo..."

"Mahal kita! Ito yung nararamdaman ko! Totoo to, Precious!" may pagkagigil na sa mga salita ni Juan.

May nangingilid na ring luha kay Pres sa inis. Ilan pang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila, bago nagdesisyong umalis ang dalaga. Ayaw nya na ng mahaba-habang usapan. Basta, ayaw nya na.

Mukang nabastusan si Juan Carlos sa ginawa ni Precious, sinugod nya ito at hinawakan sa kaliwang balikat, "Kinakausap pa kita!"

Agad namang agresibong tinanggal ni Pres ang mahigpit na pagkakahawak ng binata sa balikat. Kinuwelyuhan nya si Juan, napaiwas ng tingin ito nang akala nya'y tatadyakan nanaman sya ni Precious. Tinulak sya ni Pres papalayo at halos mawalan ito ng balanse sa pagtayo, buti na lang ay nakabuwelo sya ng apak at hindi tuluyang natumba.

"Huwag na huwag mo na ulit sasabihin yan!" bulalas ni Pres.

"Tang ina naman, Precious! Mahal kita! Mahal na mahal kita! Hindi mo pa ba—"

"ISA KA SA MGA DAHILAN KUNG BAKIT NAWALAN NA NG SAYSAY ANG SALITANG 'YAN!" tuluyan nang lumuha ang kalangitan, kasabay rin ng pagpatak ng mga luha ni Precious. "Ang lakas ng loob mong magsabi ng salitang hindi mo man lang naiintindihan!" lumapit nang kakaonti si Precious, sya namang pag-atras ni Juan.

"Totoo to Pres...ito ang nararamdaman ko para sayo...Pres..."

"Isa ka sa mga taong sinayang ang totoong ibig-sabihin ng salitang 'yan. Isa ka sa umabuso. Isa ka sa nagmadali. Isa ka sa dahilan kung bakit ang dali-dali na lang sabihin ng napakabigat na salitang yan. Nawalan na yan ng saysay...dahil sa mga taong kagaya mo. Dahil sa mga inutil na katulad mo."

"Hin...hindi kita maintindihan..." totoo, totoong hindi maintindihan ni Juan Carlos ang pinagsasasabi ni Precious, at siguro ang iba rin sa inyo, sa mga nagbabasa nito.

Naghalo na ang kakaonting ambon at luha sa mukha ni Precious. Dahan-dahan syang naglakad papunta kay Juan Carlos. Unti-unti nyang itinaas ang kanang kamay. Napansin ito ni Carlos at nag-aalala nanaman at baka pagsasasampalin nanaman sya ng dalaga sa gagaguhan nya. Pero hinde, hindi sya tinampal nito. Hinawakan ni Precious ang pisngi ni Juan Carlos, ang pisngi kung saan nya sinampal si Juan noong isang linggo. Tinitigan nya ang binata na walang kurap. Bumukas nang kakaonti ang bibig nya, ilang segundong hinintay ni Juan Carlos ang kung ano mang sasabihin ng dalaga, "Alam mo kung bakit hindi mo maintindihan?"

Kumurap-kurap ang mata ni Carlos. Hindi na sya nakapagsalita sa kaba. Pero nagtatanong ang mga mata nito kung bakit. Kung bakit hindi nya maintindihan.

"Kasi hindi mo alam...kung ano ang totoong halaga ng salitang...Mahal kita,"

Dahan-dahang tinanggal ni Precious ang kamay sa pisngi ng binata, maaaninag pa rin ang pasa. Isang tingin pa ang binigay ni Precious bago umalis, at tuluyang nawala sa hamog na gawa ng ulan. Natunaw na rin nang tuluyan ang puso ni Juan Carlos. Wala na syang sapat na salita para mapanatili sa piling nya ang dalaga. Tinanggap nya ang pagkakamali. Nawala na ang libog sa katawan nito, hinugasan ng rumaragasang ulan sa buo nyang katawan. Totoong luha na ang lumalabas sa mga mata. Luhang dahilan ng pagtakwil sa iyo ng taong gustong-gusto mo. Luhang dahil may kaisa-isahang taong naglakas ng loob na sabihin sa iyo kung ano man ang naging katarantaduhan mo. Pakiramdam nya'y nag-iisa na lang sya. Ngunit hindi pa huli ang lahat para matutunan nya, o ninyo, kung ano nga ba ang totoong halaga ng salitang...Mahal kita.

Mahal kita

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
TALAHAMIKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon