ISA-ISANG inilatag sa lamesa ni Inspector Kaia ang mga litrato ng mga biktima na pinatay ni Lightbulb; ang suspek sa serial murders na nangyayari sa iba't ibang panig ng Abra. Batid sa mata ng Inspector ang pagkaawa sa mga wasak na bunganga at lalamunan ng mga biktima.
Mataas ang tensyon sa pagitan nilang dalawa dahil sa hindi pagsagot ni Lightbulb sa mga tanong ni Kaia, patungkol sa motibo nito sa pagpatay ng dalawampu't tatlong tao sa loob ng tatlong buwan. Kada tanong ay sinasagot lamang ng suspek sa nang-uuyam na pagtawa.
"Bakit mo nagawa ito sa kanila?" mariing tanong ng Inspector. Mariin niyang ikinuyom ang kamao...pinipigil ang ang inis at galit na kumakawala sa kaniyang dibdib. Tinignan ng inspektor si Lightbulb sa mata nito, sinisiyasat ang kaibuturan; hinahalungkat ang katotohanan mula sa lantad na mata ng suspek.
Nagpakawala ng malalakas na pagtawa si Lightbulb. Inilagay niya ang kamay sa ibabaw ng lamesa. Tumambad sa inspektor ang pulsohan nitong may tattoo na bombilya; nagpapatunay na ito nga ang serial murderer na kumitil ng maraming inosenteng buhay. Yumukod siya nang bahagya palapit sa Insperctor. "Alam mo ba kung bakit Lightbulb ang pangalan ko, Inspector?" Patawa-tawa nitong tanong.
"Hin–" Hindi naituloy ng Inspector ang sasabihin dahil biglang nagpatay-sindi ang mga ilaw sa interrogation room. Napatakip ng tainga si Kaia dahil sa malakas at malademonyong halakhak ni Lightbulb. Nakaramdam siya ng matinding kaba at kilabot. Sumagi sa isipan ng inspektor na may kasabuwat si Lightbulb sa mga pulis dahil sa pagpatay-sindi ng ilaw. Marahan niyang binubunot ang maliit na baril na nakasukbit sa kaniyang baywang.
Marahas namang binubuksan ng kasamahan ni Kaia ang seradura ng pinto mula sa labas. Pilit nilang isinalpak lahat ng susi na hawak ng police key keeper ngunit hindi ito akma. Nang maubos na ang susi ay ibinangga na lamang nila ang kanilang katawan sa pintuan para mabuksan ito. "Isa! Dalawa! Tatlo!" sabay-sabay nilang pagbilang kasunod ng pagbangga sa pinto upang mabuksan.
Biglang namatay lahat ng ilaw nang mabuksan nila ang pinto. Sumalubong sa kanila ang isang malakas at matinis na sigaw sa loob ng kuwarto kasunod nito ang mabilis na pagsabog. Natalsikan ang mga pulis ng mga matitigas na mga bagay at malapot na likido.
Lumiwanag muli ang ilaw pagkatapos ng limang minuto dahil nagkaabreya sa generator supply ng building. Ngunit kahindik-hindik na senaryo ang bumulaga sa kanila. Nakita nila si Inspector Kaia na nakahandusay sa sahig, katulad ng mga nangyari sa mga biktima; tapiyas mula bibig hanggang sa leeg na parang sumabog. Inakala nila na bato ang mga tumalsik; ngayon ay napag-alaman nilang mga ngipin at laman na mula sa bunganga at leeg ng inspector.
Kaalinsabay ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Inspector Kaia ay ang maligalig na komusyon sa loob ng gusali. Lahat ng mga pulis ay nagtakbuhan. Pumarito't pumaroon tila ba may hinahanap.
Nakaririnding sirena at wangwang ang namutawi sa Regional Police Investigation Unit. Nagpapahiwatig ito ng Code Red... dahil nakatas si Lightbulb!
ILANG metro mula sa RPIU building ay may nakaparadang Police autovan na ginagamit para sa pag-i-imbestiga ng matataas na krimen sa loob ng lalawigan. Sumakay roon ang isang babaeng nakauniporme ng pulis ngunit natatakpan ang mukha niya ng isang itim na maskara.
"Let's go guys," maotoridad na utos ng babae sa mga kasamahang halata ang pagkainis sa mga mukha. Nang makaupo sa loob ng van ay itinali niya pataas ang kaniyang buhok. Sa kaniyang batok ay makikita ang isang tattoo ng light bulb.
"Masyado ka atang nabwisit, Lightbulb," bungad sa kaniya ni Norh, ang Chief of Police Abra chapter ang taga-hawak ng mga susi sa RPIU. "Simula ngayon hindi ka na inspector. Magiging kalaban ka na ng mga pulis. Lalo na kung malaman nilang hindi si Inspector Kaia ang namatay kung 'di ang nagpapanggap na ikaw," patuloy nito. Siya ang nagtago ng susi sa interrogation room.
Payak na ngiti ang gumihit sa labi ni Lightbulb bago sumagot. "Isa siyang sinungaling. Alam n'yo naman ang motto natin — Liars go to hell, and hell is —"
"— you, Kaia." Malapad ang ngiti ni Ying sa kaniyang tabi. Marahang hinawakan ni Ying ang kaniyang kamay. Iginaya sa mga labi nito at hinagkan ang likod ng palad niya. Lumapad ang ngiti ni Kaia sa ginawa ng nobyo: ang nag-iisang anak ng Gobernardor ng Abra.
"Masyado kayong matamis," singit ni Shah. "Ito, o. May nag-message na naman sa ating dark web. At nakita ko na ang taong nirereklamo niya via 360 Camera serial number 27290913. Tungkol ito sa pakiki-apid. Napakasinungaling talaga." May inis at diin ang pagkakasabi ni Shah: Chief Information Tech and Programmer ng NIS. Siya ay may 180% IQ, pasimuno sa mga hacking ng systems at pagpatay-sindi ng mga ilaw kanina.
"Alam mo namang allergic ako sa sinungaling, Shah. Kailangan pa bang i-memorize 'yan? Saan ba iyan? Planuhin na natin ang pagpatay, para mabaling sa iba ang atensyon ng mga pulis." Nakahawak sa sentidong saad ni Kaia: Chief Inspector of NIS at ang may ari ng Lightbulb Corporation.
Ang Lightbulb Corporation ay manufacturer at nagbebenta ng mga lightbulbs na may 360°wifi camera. Sangay nito ang Lightbulb Killing Club na sikat sa dark web, kung saan p'wedeng magreklamo ng mga taong sinungaling. Ang mga light bulbs na may camera ang ginagamit sa pag-hack at pag-trace ng mga taong nirereklamo ng mga kliyente nila.
"Naniniwala kasi akong malilinis ang mundo kapag walang mga taong sinungaling. Galit ako sa kanila. Galit na galit ako sa mga sinungaling gaya ni Daddy. Kung hindi siya nagsinungaling sa amin ni Mommy, buo pa sana ang pamilya namin," emosyonal na pahayag ni Kaia sa mga kaibigan.
"Huwag kang mag-alala, Kaia," simpatya ni Norh. "Nasa tabi mo lang kami lagi. Lilinisin nating ang mundo gaya ng gusto mo."
"Lie is the root of all evils. If the oppressed cannot tame them, let's kill them." Nakakalokong ngiti ang pinakawalan ni Kaia habang nilalaro sa mga daliri niya ang isang maliit na origami bomb robot. Binuhay ni Norh ang makina ng sasakyan at nagmaneho papunta sa susunod nilang biktima.
Kasabay ng pagtakbo ng autovan ay paikot-ikot na gumagalaw ang isang maliit na origami ng bulaklak na lutos. Nakasabit ito sa rearview mirror. Napaibabawan ito ng maliit na papel kung saan ay may sulat kamay na "Better is the poor that walks in his integrity, than he that is perverse in his lips, and is a fool. - Proverbs 19:1"
Wakas.