Washington, USA.Malalim ang buntong-hininga na pinakawalan ni Raven bago isinukbit ang katamtamang laki ng travelling bag na naglalaman ng mga personal niyang kagamitan. Bumaba siya ng grand staircase. Nang makababa ay muli niyang pinasadahan ng tingin ang bawat sulok ng malaking bahay. There were so many memories. Masasayang alaala niya at ng kanyang mga magulang. Ngayon ay nag-iisa na lamang siya dahil parehong binawian ng buhay ang mga magulang niya na nasangkot sa isang car accident. Ang totoo ay kagagaling pa lamang niya sa memorial park kung saan inihatid nila sa huling hantungan ang labî ng mga ito. Now she was going back to the Philippines. Babalik siya ng Pilipinas para naman harapin ang isang bagong kabanata ng buhay niya.
"Hindi ko pa rin alam kung ano ang nararamdaman ko, Mom, Dad." Kinagat niya ng mariin ang labi niya. "You have loved me all my life...Hindi ko alam kung may karapatan ba akong magalit sa inyo dahil sa ginawa ninyo..." hindi niya napigilang sabihin kasabay ng pag-iinit ng mga mata niya. Naipon ang mga luha sa magkabilang mga mata niya. Hanggang sa tuluyang pumatak iyon.
Kinalma niya ang sarili niya. Lumabas na siya ng bahay. "Tayo na po," sabi niya sa driver na agad namang sumunod at ipinagbukas siya ng pintuan. Ang Tita muna niya ang bahala sa bahay habang wala siya. Wala siyang ideya kung alam ng mga kamag-anak niya ang totoong dahilan ng kagustuhan niyang umuwi ng Pilipinas. In the first place, hindi rin niya alam kung alam ba ng mga ito ang sekreto ng mga magulang niya.
Ilang sandali pa at tinutunton na nila ang main highway papunta sa airport.
R-Raven, hija , H-hindi ko k-kayang d-dalhin sa hukay ang sekretong ito. I'm sorry...P-patawarin mo kami... Y-you...you n-need to know...t-the t-truth... napapikit si Raven nang tila ibulong ng hangin ang mga salitang iyon sa tenga niya. It was her mother's words—last words. Habang hinuhugot nito ang huling hininga nito sa ospital na napagdalhan rito ay paunti-unti naman nitong sinabi sa kanya ang isang malaking kasalanan na ginawa umano nito. And that was the day she discovered that her life was a complete lie.
Muling bumukal ang mga luha niya. Ah, kailan ba mauubos ang mga luha niya?
"Raven, ayos ka lang ba?" anang driver na sinulyapan siya sa rearview mirror.
Pinahid niya ang luha niya bago marahang tumango. "Magiging okay rin ho ako. Huwag n'yo ho akong alalahanin Mang— Diyos ko! Mang Simon, mababangga tayo!" Nanlalaki ang mga matang tili niya ng makita niyang tumutumbok sa kanila ang isang sasakyan na nag-ka-counter flow. Humahagibis iyon. The driver must be a criminal on the loose dahil nahagip pa ng mga mata niya ang isang police helicopter sa ere na nakasubaybay rito.
"Diyos ko!" wika naman ng driver. And it was too late to retract.