One year later
MULING nilamukos ni Raven ang hawak na panyo para pawiin ang pamamawis niyon dahil sa tensiyong nararamdaman. Nasa isang mall siya noon para sa Meet and Greet mall tour ng supermodel na si Alexander Mondragon. Isa siya sa mga nagtitiyagang pumila para makalapit rito at mapapirmahan ang dala niyang magazine. Hindi siya isang diehard fan ng modelo. But just the same fan siya nito. Hindi lamang nito kundi ng sundalong kapatid nito na si Vladimir Mondragon. Mula ng makita niya ang dalawa sa isang magazine ay pumuno na sa dibdib niya ang kagustuhang masubaybayan ang buhay ng magkapatid na Mondragon. Nasa ibang bansa pa siya noon kaya nagkakasya nalang siya sa ka-se-search sa internet. Nang makabalik na siya sa Pilipinas ay patuloy ang pagsubaybay niya rito. Bagama't ito ang kauna-unahang pagkakataon na mamakita niya ng personal ang isa sa dalawa. Hindi niya alam kung bakit pero masyado siyang curious sa magkapatid. May kung ano sa dibdib niya para sa Mondragon brothers na hindi niya mapangalanan.
Habang papalapit ang pila ay lalong lumalakas ang kalabog ng dibdib niya. Then her turn came.
"Hello..."nakangiting bati sa kanya ni Alexander. Pakiramdam niya ay lalong pumiksi ang puso niya roon lalo na ng saglit na matigilan si Alexander at tiningnan siya ng mas matagal. Maganda siya at sanay na rin naman siya sa mga humahangang mga mata ng mga kalalakihan. Ngayong tinitingnan siya ni Alexander, masasabi niyang hindi atraksiyon para sa isang magandang babae ang nakapaskil sa mga mata nito. It was something that she can not name.
Pagkatapos ng ilang sandaling pagtitig ni Alexander sa kanya ay ilang beses naman itong pumikit-pikit na para bang sinisiguro kung hindi ito dinadaya lamang ng mga mata nito.
"Hi," bati niya. Pinilit niyang ngumiti para maitago ang kabang nadarama. Iniabot niya rito ang magazine. "Magpapapirma sana ako sa 'yo."
Tila wala sa sariling tumango si Alexander. "Sure. Your name?"
"Raven. Raven Monteverde."
"Raven..." narinig niyang pag-ulit nito. There, nakita niya uli ang emosyon ng pagkalito na dumaan sa mga mata ng modelo.
Nagsulat na si Alexander pagkuwa'y iniabot din agad sa kanya ang magazine. "Raven, ikinagagalak kong makilala ka." Tumayo si Alexander. He kissed her cheeks. Napapikit siya. Pakiramdam niya ay may mga paru-parong naglipana sa sikmura niya dahil roon. "Raven, sandali lang, ha? Please huwag ka munang umalis. Babalik rin agad ako. I'll be quick."
Bago pa siya nakapagreact ay nakaalis na si Alexander sa upuan nito. Nahinuha niya na pupunta ito sa backstage. Paglabas nito ay ganoon nalang ang pagtahip ng dibdib niya dahil hindi na ito nag-iisa, kasama na nito ang kapatid na si Vladimir. Pakiramdam niya ay natulala na siya habang papalapit ang dalawa. Sumisingit sa isip niya ang tilian ng mga kababaihan sa paligid pero wala roon ang atensiyon niya.
"Kuya Vlad meet Raven. Raven Monteverde. Raven, ito naman ang kuya ko, Vladimir Mondragon," anang modelo. Si Vladimir ay mataman ding nakatingin sa kanya pero hindi katulad ng modelo, hindi madaling basahin kung ano man ang tumatakbo sa isip nito.
"Raven. Ikinagagalak kong makilala ka," anang sundalo bago nakipagkamay sa kanya.
Lumunok siya. Hindi niya malaman kung ngingiti o ano pero tila gusto niyang himatayin. Tila gustong lumabas ng malalamig na pawis niya. The feeling was so peculiar. Tinanggap niya ang palad ni Vladimir. Tulad kanina ay tila nagliparan na naman ang mga paru-paro sa sikmura niya. Nagawa niyang kalmahin ang sarili bago malawak na ngumiti. "Ako man. Fan na fan n'yo akong magkapatid. In fact, gusto ko ngang tumili ngayon. Gosh! You two are larger than life! Puwede rin bang magpa-autograph sa 'yo Captain Mondragon?"
"Sure."