Chapter 13

635 45 3
                                    

Sa kawalan ko nang masasabi ay literal na naging pipi ako sa harapan ni Anna. Hindi ko mawari kung ano pa ang sasabihin ko, o kung ano pang kasinungalingan at pagpapanggap ang gagawin ko.

Sa tuwing maiisip ko kasing sabihin dito ang lahat na hindi naman talaga siya—kami iniwan ng kaniyang ama ay naduduwag ako. Nauuna iyong takot ko na baka iwan niya ako at sumama ito kay Andrew.

Kaya ngayon na mas hinahanap nito si Drew ay mas lalo akong natatakot gaano ko man din kagustong isiwalat ang lahat. Katulad din nang parati kong sinasabi; pasensya na, pero hindi ko pa talaga kaya.

Nangangamba ako na baka sa pagkakataong ito ay ako naman ang maiwanan, ako naman ang bawian ni Andrew at ilayo niya sa akin ang anak ko. Hindi ko iyon kaya, kasi totoong si Anna na ang naging buhay ko.

Kapag nawala siya ay wala na ring saysay pa ang buhay ko. Ayoko— pero... kailangan ko talagang gawin. Sa mga sinabi kanina ni Anna ay nagpasya akong lumabas saglit sa kwarto para matawagan si Andrew.

Baka kaya pa niyang humabol ngayong araw, siguro naman ay nakauwi na ito sa bahay nito at wala nang ginagawa. Tahimik akong napabuntong hininga, kapagkuwan ay inilabas ang cellphone sa bulsa ng pants ko.

Nanginginig pa ang kamay ko nang mahawakan ko iyon na halos tumalon pa iyon sa sahig sa gulat ko nang may biglang sumulpot sa harapan ko. Wala sa sarili nang mapatigalgal ako at madaling nag-angat ng tingin dito.

Siya namang panlalaki ng mga mata ko nang makita ang isang lalaki na mariing nakatingin sa akin, seryoso ang mukha nito na para bang ano mang oras ay mangangain siya ng buhay. Ganoon pa man ay hindi maitatanggi ang pag-aalala sa mga mata nito.

Magulo ang kaniyang buhok, suot pa nito ang white polo at kulay itim na pants kung kaya ay tantya kong hindi pa ito nakakauwi sa bahay niya. Kalaunan nang mapaatras ako at saka pa mahinang tumikhim.

"Brandon..." usal ko sa pangalan nito.

"Anong nangyari?" bigkas niya bago sinipat ng tingin ang kabuuan ng katawan ko na animo'y sinusuri ako.

"Bakit ka nandito? Paano mo nalaman na nandito ako?" Imbes na sumagot ay iyon pa ang unang lumabas sa bibig ko.

Nakakagulat lang din kasi na alam nito kung nasaan ako gayong wala pa naman akong pinagsasabihan. Kahit nga si Jinky na malapit sa akin ay naging tikom ang bibig ko, ngayon ko pa lang tatangkain na sabihin sana kay Andrew.

"Kasama ko kanina si Melvin, nabanggit niya na nakita ka raw niya kanina rito," paliwanag nito, rason para mapatango-tango ako.

"Ah, ganoon ba?" Umawang ang labi ko, nagulat pa ako nang hawakan ni Brandon ang balikat ko upang mas maigi niyang makita ang kabuuan ko. "Ano bang nangyari? May nangyari ba sa 'yo? Iyong leukemia mo..."

Sa narinig ay mahina akong natawa, kapagkuwan ay marahang tinabig ang kamay ni Brandon na nasa balikat ko. Samantala ay maang lang niya akong pinagmamasdan habang nangungunot pa rin ang noo.

"Ano ka ba, nakapagpa-opera na ako noon 'di ba?" wika ko ngunit napaismid lang ito.

"Malay ko ba na pwede palang bumalik ang leukemia mo. Makausap nga si Gabriel."

"Wala pa naman akong naririnig na ganoon, kaya hindi naman siguro." Hindi man sigurado ay sinabi ko na lang iyon para hindi na siya mag-alala pa.

Ganito rin kasi siya palagi, simula nang maoperahan ako ay parati niya akong pinpaalalahanan na kahit magaling na ako ay itinuturing pa rin ako nito na parang babasaging pinggan.

Si Brandon... yes, siya iyong lalaki na nag-offer sa akin noon ng pera sa Cordova, iyong lalaki na kasama kong umalis papuntang States para magpagaling, iyong lalaki na humingi ng tulong sa akin bilang kapalit din ng pagpapagamot ko.

Love At Second Night [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon