Chapter 2

181 21 20
                                    

Chapter 2

The Encounter

"Dali na! Chandelier, anak! Bilisan mo na't maiiwan ka na ng service mo!" ringi kong sigaw ni mama.

Dali-dali ko ding sinuot ang kabibili ko lang na sapatos at sinukbit sa balikat ang aking bag. "Oo na. Ito na, ma." Lumingon pa ako sa huling pagkakataon sa salamin bago lumabas na ng bahay. Umalon-alon pa sa aking likuran ang basa kong buhok.

"Ingat sa first day. Good luck din pala!" narinig kong pahabol pa niya.

"Opo," sabi ko na lang.

Sumakay na ako sa pedicab na siyang magiging transportasyon ko papunta at pauwi sa bago kong paaralan. Kahit pinaandar na ni manong ang pedicab, hindi pa rin mawala ang namumuong kaba sa dibdib ko.

Tipid ko na lang na nginitian ang babaeng nakaupo katapat ng sa akin. Ngumiti din siya pabalik. Pareho kami ng suot na uniform. Puti iyong blouse na may ribbon sa magkabilang balikat tsaka kwelyo namin. Green ang kulay ng ribbon na kasing-kulay at kapareha ng pattern ng aming palda. Hula ko ay mas matanda siya sa akin ng isa o dalawang taon yata. Hindi ako sigurado.

"Bago ka 'di ba? Grade 7?" tanong niya habang nakangiti.

Tumango-tango ako. "Oo. Ikaw?"

"Grade 8 na ako ngayon. Anong section ka pala?"

"Einstein daw."

"Ahh," sabi niya habang tumatango-tango at nakangiti pa rin. Ang saya niya yata. Akala ko ba sobrang hirap sa bago kong skwelahan. Iyon kasi ang sabi-sabi ng mga kapitbahay namin. Kesyo daw mamamatay din daw ako kakaaral. Parang hindi naman. Ang saya saya niya nga, eh.

"Sobrang hirap ba?" tanong ko.

"Saan?"

"Lahat. Sabi nila sobrang hirap daw do'n. Sigurado ka bang okay lang?"

Tumawa siya. "Hindi naman sa ganoon. Mahirap, oo. Pero umabot na ako sa Grade 8 tapos buhay pa naman ako. Kailangan nga lang talagang mag-aral. Tsaka kaya mo 'yan!" sabi niya pa.

Ngumiti na lang ako kahit hindi man lang naibsan ang kabang nararamdaman ko sa aking kaloob-looban. Nakakatakot. Buong isla, ang tingin sa paaralan na iyon, parang first class. Parang Hogwarts sa Harry Potter. Parang Harvard sa maliit namin na isla. Siquijor Provincial Science High School. Ang ganda pakinggan ng pangalan. Kaya din siguro ang OA ng mga kapitbahay namin.

"Ako nga pala si Anya," pagpapakilala niya. "Anong pangalan mo?"

"Chandelier, pero Chan na lang."

"Ang cute ng pangalan mo, ah. I'm gonna swing from the Chandelier!" pagkanta niya pa. Natawa na lang kami pareho. Pakiramdam ko'y magiging close kami nitong si Anya. Pakiramdam ko lang naman.

Mabilis ang naging biyahe namin papunta sa skwelahan. Hindi rin inaasahan ang mahihinang pagpatak ng ulan pero umaambon pa lang naman. Hindi rin naman siguro ako mababasa nito. 'Di ko pa naman nadala ang payong ko.

Sabay kaming pumasok sa gate ni Anya. Ang daming bumabati sa kaniya kaya napapabati din siya pabalik. Hindi ko maiwasang mapamangha dahil pagkatapos ng entrance exams, pangatlong beses ko pa lang makapunta rito. Tapos dito na ako mag-aaral sa loob ng anim na taon.

Biglang huminto si Anya kaya napahinto rin ako.

"Einstein ka, 'di ba?" Tumango ako. "Tara, hatid na kita sa room niyo."

Bigla akong napangiti sa tuwa. Ang bait-bait naman nitong si Anya. "Sure ka? Salamat."

Tinawanan niya lang ako't hinila. Nagpahila na rin lang ako habang naglalakad kami sa hallway. Ang daming estudyanteng nagyayakapan at nagsisigawan. Na-miss siguro nila nang masyado ang isa't isa kahit dalawang buwan lang silang nagkahiwalay. Kahit ako din, miss ko na din mga classmates ko, eh. Sana okay lang sila 'no?

Field of Promises (SPSHS Series #1) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon