"YOU'RE a writer? A romance writer?" tanong ni Roel. Magkaharap na sila noon sa isang fine dining restaurant kung saan may isang grand piano sa isang elevated na parte at may tumutugtog pang pianist. May ilang pares rin doon na kasalukuyang nagsasayaw.
"Oh now, what do you mean by that? I mean 'yang tono mo..." natatawa siyang tugon. Sa loob ng mahigit isang oras ay marami-rami na rin silang nalalaman sa isa't-isa. At sa totoo lang, nag-e-enjoy siyang kausap ang binata. Matalino kasi ito. Bukod doon ay attentive si Roel. May kakaibang paraan ito para maramdaman niya na ang ganda-ganda niya. Maybe it's the way he stared at her with his gorgeous eyes and the way he talks with his sexy voice.
"Oh, no. Huwag mong ipagkamali ang tono ko. I'm just amazed. I mean, ngayon lang kasi ako nakakilala ng isang novelist. And a very pretty one at that. Ano'ng pseudonym mo? Ano'ng publishing house? I'll hunt your books. Babasahin ko," sabi nito, pagkuwa'y tumawag ng waiter at humingi ng ballpen. Hindi niya alam kung para saan iyon.
"Ah, nagsisimula palang naman ako. Bibigyan nalang kita ng kopya. May dedication pa," biro niya. Roel is very much handsome. Sa bawat pagdaan ng sandali ay lalo yatang lumalakas ang presensiya nito, lalong umaapaw ang kakaibang appeal. Sa totoo lang ay nakakadama siya ng pagmamalaki dahil siya ang kasama nito. Hindi kasi lingid sa kanya na maraming mata ng mga kabaro niya ang nag-uukol ng sulyap sa binata. They were admiring him and envying her. Hindi na nakakapagtaka iyon dahil pansinin naman talaga si Roel. His sex appeal was attracting women. At hindi siya immune sa appeal na iyon. Aaminin niya na lalo siyang nahuhulog sa karisma nito.
Bagama't hindi pa rin niya maialis sa isip niya na pamilyar talaga ito sa kanya. Na para bang minsan ay naging bahagi na ito ng buhay niya. Kakatwa ngunit sa tuwing mapapatingin siya sa labi ng binata ay pumupuno sa dibdib niya ang pakiramdam na para bang natikman na niya iyon. O baka naman, bahagi pa rin iyon ng pagpapantasya niya rito?
"Oh, thanks. Uhm, Raven..."bahagyang dumukwang si Roel. Hinawi nito ang ilang hibla ng buhok sa may sintido niya. "Kung hindi mo mamasamain, saan galing ito?" bahagya nitong hinaplos ang maliit na peklat na naroon. Hindi lamang iyon ang peklat na iniwan ng head injury niya. Sa likod ng ulo niya ay mayroon din niyon.
Bahagya siyang nagkibit-balikat. "Car accident. A year ago." Pinili niyang maging matipid sa pagsagot. Hindi na o hindi pa kailangang malaman ni Roel na binigyan siya ng amnesia ng aksidenteng iyon.
"Oh! Sorry about that."
Nakangiting nagkibit-balikat siya. Bumalik naman agad ang waiter at iniabot sa binata ang ballpen. Nagpasalamat ang binata. Kumuha ito ng tissue paper. "Can you give me a minute, please? May importanteng note lang ako na kailangan kong isulat para hindi ko malimutan." Paalam nito.
"Sure. Walang problema. Go ahead," bagamat gusto niyang pagtakhan kung bakit gagamit pa ito ng tissue paper. Puwede naman sigurong maglagay ng note sa cellphone, hindi ba?
"Thanks." Mabilis itong nagsulat. Hindi naman siya nainip, ni hindi nga niya napansin ang paglipas ng sandali.
Using your time wisely, huh Raven? Buska ng isip niya. Paano ba naman ay ni hindi yata siya pumikit sa pagtitig rito. Ang resulta, kahit ihalo pa ito sa mga ka look-alike nito ay madali niyang malalaman kung sino ang totoong Roel. Why not when she'd already memorized every detail and every angle of his captivating face.
Nag-angat ng ulo si Roel. Huling-huli siya nito na nakatitig rito. Hindi na siya magtataka kung obvious na nag-de-day dream siya. Nag-init ang mga pisngi niya. Hindi na siya teen ager na hindi pa alam kung paano i-handle ang mga kilig at fantasies niya. She's a fully grown up woman and she knew now how to play with her emotions. Subalit kay Roel ay hindi niya makontrol ang sarili niya. Tila hinihigop siya nito at hindi niya ito magagawang takasan. But then, sino ba ang may sabi na tatakas siya sa atraksiyong iyon?
Idinaan ni Roel sa ngiti ang pagkakahuli nito sa kanya. Subalit lalo lamang nag-init ang mga pisngi niya sa ngiting iyon. Bahagya kasing nakaangat ang sulok ng labi nito, making it looks more sensual.
Kinuha ni Roel ang wallet nito at iniipit roon ang tissue paper na sinulatan nito. Pagkuway tumayo ito, lumigid sa gawi niya, at naglahad ng palad. "Puwede ka bang maisayaw?"
Natawa na siya. "Sure. Pero ngayon pa lang magso-sorry na ako dahil parehong kaliwa ang mga paa ko."
"Oh, we're a perfect pair. Kung parehong kaliwa ang mga paa mo, parehong kanan naman sa akin."