ESTUDYANTE BLUES

55 0 0
                                    

E S T U D Y A N T E  B L U E S

by: MR

            Ang kantang pinasikat ni Ka Freddie Aguilar ang soundtrack ng buhay ko. Sigurado akong itatanong mo kung bakit. AKO ANG NASISISI. AKO ANG LAGING MAY KASALANAN.

            Hindi ko lubos maisip kung bakit  puro na lang ang mga pagkukulang at kapalpakan ko ang nakikita sa akin ang mga tao sa paligid. Halos lahat na lang isinisisi sa akin Lahat na lang kasalanan ko. Kulang na lang pati pagsabog ng Bulkang Mayon at paghagupit ni Ruby ay sa akin pa nila isisi. Hindi man lang nila naisip ang damadamin ko. Tao din po ako  na nasasaktan dahil sa lahat ng isinusumbat nila sa akin.

            Palpak ang aking ulat (report) sa klase kaya naman hindi ko na maipinta ang mukha ng aming guro. Nagalit siya dahil sa buong klase, ako lang daw ang pumalpak. Nanliit ako nang husto sa sobrang kahihiyan. Hindi naman  iyon ang unang beses na napahiya ako pero iyon ang pinakamasaklap. Kung pwede nga lang sana na maglaho na ako doon sa kinatatayuan ko. Pakiramdam  ko napakabobo ko at napakawalang silbi ko.

            Siguro nga ay mga kasalanan din ako dahil hindi ako kumunsulta sa kanya bago ako mag-ulat pero kung alam lang niya na nagsumikap ako nang husto para lang makapagsaliksik (yun nga lang mali ang nahanap ko kay Google) at maunawaan ang napakahirap na paksang iyon. Ilang gabi akong nagpuyat para lang pag-aralan iyon. Tulog na ang lahat sa bahay (pati ang mga alaga naming aso at pusa) pero ako ay dilat na dilat pa rin ang mga mata para lang paghandaan ang pag-uulat ko sa klase.Kahit mabibiyak na ang ulo ko sa sobrang hirap ng paksang iyon ay pinilit kong unawain ang lahat at sinikap kong magkaroon ng magandang powerpoint presentation. Puyat, pagod at luha ang naging puhunan ko pero balewala lahat.

        Napagalitan ako’t napahiya. Sa kasamaang palad, wala akong karamay sa mga sandaling iyon kundi ang sarili ko at ang bestfriend ko, ang pagkain. Pagkatapos ng klase ay diretso ako sa isang restaurant para doon magfoodtrip mag-isa.Tila ba wala ng bukas nang umorder ako ng fried chicken, isang slice ng pizza, lasagna, fries, macaroni salad at softdrink. Naubos ko lahat yun. Burp! Heaven!

        May take-out pa nga akong spaghetti at fries pagkatapos ng solo foodtrip kong iyon. Wala naman kasi akong karamay nyan pag-uwi ko. Masyadong abala sa kani-kanilang gawain ang mga tao sa bahay para itanong kung kumusta ako sa paaralan. Mapapansin lang nila ako kapag hindi ako nakapaghugas ng pinggan o kaya kapag may nasira o nabasag na naman ako dahil sa aking katangahan este kagarapalan.

        Ilang linggo pa ang lumipasnat bidang-bida na naman ako. Nadatnan ng aming guro ang napakaduming silid-aralan namin. Ako ang lider ng Monday sweepers kaya sa akin na naman ibinunton ang lahat ng sisi. Naglinis naman ako at pinagsabihan ko namang maglinis ang aking mga kagrupo. Hindi na namin nagawang i-floorwax ang buong silid-aralan dahil dalawa lamang kaming naiwan para maglinis. Sige, may pagkukulang marahil ako bilang lider pero hindi ko na kasalanan kung sadyang matigas ang ulo ng aking mga kagrupo.Masakit masisisi at mapagalitan dahil ginawa ko naman ang trabaho ko . Hindi naman ako nagpabaya. Lumalabas pa tuloy na iresponsable ako at tila ba ako pa ngayon ang burara. Hay pambihirang buhay naman ito!

        Kung alam lang ng guro na sinikap naman namin ng kasama ko na maging malinis ang silid- aralan. Nagfloorwax kami pero di na namin natapos malagyan ang buong sahig dahil nagsimula ng lumubog ang araw at maulan nang hapong iyon. Nang dahil nga sa floorwax na iyon ay nagsimula na naman akong atakihin ng allergic rhinitis ko.

        Ang sakit sa kalooban. Napagod ka na, nagkasakit ka na nga, nasumbatan ka pa! Naisisi na naman ang lahat sa iyo. Bakit naman ganoon? Lahat ginagawa ko para maging mabuting estudyante pero tila nababalewala lang lahat  ng pagod at pagsusumikap ko. Walang nakakakita sa pagsisikap at pagpupursige ko. Kapag may nagawa akong kapalpakan ay bidang-bida ako pero walang nakakapansin kapag may nagawa akong mabuti. Puro na lang pagkakamali ko ang napapansin. Ako ang nasisisi. Ako ang laging may kasalanan. Sa akin isinusumbat ang lahat. Hindi naman ako makapangatwiran dahil tiyak na mas malalagot ako. Kung alam lang sana ng mga tao sa bahay at sa paaralan ang pakiramdam ng napapahiya at ng walang karamay pagkatapos mapahiya.

        Hindi lang naman ako ang estudyanteng ganito. Madami kaming mga batang ginagawa naman ang lahat para maging mabuting estudyante kaso napapansin lang kapag may nagawang pagkukulang. Marami sa amin ang walang karamay sa buhay dahil napakaabala ng aming mga magulang. Puro na lang sila trabaho. Sa paaralan kami umaasa na makakatagpo ng karamay pero bigo pa din kami. Bagkus ay lumalabas pa kaming masama at iresponsable kahit nagsisikap naman kaming maging mabuting estudyante. Walang nakakapansin sa aming pagsisikap kaya may ilang bata na bisyo ang takbuhan dahil walang pamilya o gurong nakikinig o umiintindi man lang sa kanila. Mas pinili na lang nila na magrebelde.

        Oras na para pakinggan kami. Kailangan namin ang pakikinig at pag-unawa niyo bago pa mahuli ang lahat.

ESTUDYANTE BLUESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon