IRA
"Akala ko ba okay na tayo?" di ko mapigilang itanong sa kanya.
Nakatingala lamang ako sa kalangitan at tahimik na pinagmamasdan ang mga bituin.
"Akala ko rin" sagot niya.
Napayuko ako at pinipigilan ang mga luhang gusto nang pumatak sa aking mga mata.
Limang taon na rin kaming magkarelasyon ni Joseph. Sa totoo lang, ito ang ikalimang taon namin.
Masaya naman kami. Hindi kami nagkaroon ng kahit na anong problema pagdating sa aming pagmamahalan. Hindi naman sumalungat ang aming pamilya kung kaya naman ay naging madali ito para sa amin.
Lumaki sa mayamang pamilya si Joseph. Ngunit taliwas sa ibang mga mayayaman, mababait ang kanyang pamilya at tumutulong din sa mga nangangailangan. Lubos akong nagpapasalamat sa pamilya niya dahil sila ang magpapaaral sa akin sa Kolehiyo.
Si nanay ay isang katulong sa kanila at ang tatay ko naman ay ang kanilang personal driver. Bata pa lang kami ni Joseph nung napagdesisyunan namin na maging kami sa hinaharap at magpakasal.
Ngunit ngayon, parang imposible na.
"Ira, hindi ko naman ginusto na saktan--" kaagad kong pinutol ang kanyang sinasabi.
"Alam ko. Alam ko. Naiintindihan ko naman 'yon eh. Pero kailangan ba talaga nating tapusin to? Joseph naman? Kaya ko namang maghintay sa pagbabalik mo. Kaya kong magtiis. Kahit LDR naman ayos lang sa akin. Huwag lang ganito." pagmamakaawa ko sa kanya.
Hindi ko alam kung makakaya ko ba na mabuhay at magpatuloy sa buhay na wala siya sa tabi ko. Nasanay na ako eh.
Umiwas lamang siya ng tingin sa akin na siyang dahilan ng pagsikip ng aking dibdib.
"Hindi mo gustong ipagpatuloy to?" tanong ko. Nanatili lamang siyang tahimik na nakatingin sa kawalan.
Silence means yes.
Napatango ako ng marahan at pilit iniintindi ang nangyayari.
"Siguro nga tama ka." pag uumpisa ko. Napatingin siya sa akin. Bakas sa kanyang mga mata ang lungkot at sakit.
Ngunit bakit? Kung nasasaktan rin siya katulad ko, bakit pa kailangang umabot sa ganito?
"Ira" tanging sambit niya.
"Sana maging masaya ka sa Canada." sambit ko. Huminga ako ng malalim dahil ano mang sandali ay papatak na ang mga luha na pilit kong pinipigilan.
"Ira naman"
"Malamig dun. Kaya lagi kang magsusuot ng makakapal na damit. Huwag kang magpapalipas ng gutom ha? Baka mangayat ka niyan." huminto ako saglit sapagkat parang nauubos na ang hangin na meron ako.
Patuloy parin sa pagsikip ang aking dibdib. Tiningnan ko siya at kasabay ng pagtulo ng aking luha ang pagdaloy ng butil ng luha sa kanyang mukha.
Hindi ko na kayang magpanggap. Hindi ko na kaya.
"Mahal na mahal kita Joseph. Salamat sa lahat." tumayo ako at akmang tatalikod na nang maramdaman ko ang mga kamay na pumulupot sa aking bewang.
"Ira, mahal kita. mahal na mahal" ramdam ko ang luhang bumabasa sa aking damit.
Huminga ako ng malalim at ibinalik ang tingin sa kanya.
Itinaas ko ang nakayukong mukha niya at pinunasan ang kanyang mga luha.
"Salamat. Masaya akong mahal mo rin ako. Pero minsan ang pagmamahal ay hindi sapat para mapanatili ka." huling mga salitang binanggit ko kasabay ng paglakad ko papalayo sa kanya.
Papalayo sa taong mahal ko.
Sumakay ako sa taxi na nakasalubong ko at doon ko na ibinuhos lahat ng luha na kanina pa paunti unting lumalabas. Inabutan ako ng panyo ng driver na siyang kinaiyak ko pa lalo.
Mabuti pa tong si manong, inaalala ako.
Patuloy lang ako sa pag iyak nang may marinig akong malakas na pagbusina kasabay ng pagtilapon ng taxi na sinasakyan ko.
"Joseph." huling sambit ko kasabay ng pagdilim ng aking paningin.
BINABASA MO ANG
DESTINED
Teen Fiction"Salamat. Masaya akong mahal mo rin ako. Pero minsan ang pagmamahal ay hindi sapat para mapanatili ka." -Ira