Egleia
"Matagal na kitang hinintay at hinahanap, mahal na Reyna..."Nagulat na lang ako nang makita ko siyang nasa harapan ko na. Tinignan ko siya mula sa paa at dahan-dahan papuntang mukha. Ngayo'y nakangisi at kumikibot ang labi.
"S-Sino ka ba?" utal-utal na tanong ko. Yumuko ito at biglang hinablot ang buhok ko. Napadaing ako sa sakit. Parang matatanggal na ang anit ko dahil sa lakas ng pagkahablot niya. Masama niya akong tinignan. "A-Aray, nasasaktan ako!"
"Kawawa ka naman, mahal na Reyna," pang-aasar niya pa at mas lalo pang diniinan ang pagsasabunot sa buhok ko. "Nasaan ang Hari ng Gorillego at Leogardo?"
Nakangisi akong tumingin sa kaniya at dinuruan siya sa mukha. "Wala kang makukuha sa 'kin!"
Mukhang nainis yata siya sa ginawa ko. Napapikit ito habang pinupunasan ang laway sa mukha niya. Nang matapos ay tumayo siya at kinaladkad ako- dahilan na nagpalala sa hapding nararamdaman ko sa anit. Hindi pa siya nakuntento at itinapon pa ako sa lupa nang napakalakas, na naging sanhi ng pagulong-gulong ko sa lupa.
"Mukhang mahina yata ang isang Reyna na siyang pinagkalooban ng kapangyarihan ng isang agila?" Dahan-dahan itong lumapit sa 'kin at yumuko. "Nasaan ang k'wintas at ang mga Hari?"
K'wintas? Anong k'wintas pinagsasabi niya? Baka 'yong bagay na kung saan nagtatago ang malalakas na hayop?
Umiling lang ako at hinarap ang titig niya. "Hindi ko alam ang pinagsasabi mo."
Napadaing ako sa sakit nang sampalin niya ako. Nalasahan ko ang aking sariling dugo sa labi na lasang kalawang. Pumikit ako at hinayaang umilaw saglit ang iri ng mata ko na may batik-batik ng kulay-langit.
Sa sobrang inis ko, umatras ako at buong lakas kong sinipa ang mukha niya, na naging sanhi sa paglutang-lutang niya sa ere.
Tumayo ako at umikot sa ere na papalayo kay Roger. Nakangisi siyang lumapag sa lupa na nakaluhod ang isang tuhod. Sinulyapan niya ako at pinunasan ang dugo sa labi niya.
"So feisty, I like it."
Inirapan ko lang siya lumingon-lingon sa paligid. "Nasaan na ang Hari ng Gorillego?"
Natawa siya at saka umiling. "Mukhang mahina yata ang isang Reyna na siyang pinagkalooban ng kapangyarihan ng isang agila?" Humakbang siya ng isang beses habang ang kamay niya ay nasa likuran. "Unang tagpo pa lang natin, duda na ako na ikaw ang Reyna na hinahanap namin. May angking bilis at lakas ka na hindi makikita sa isang normal na tao. Dahil gusto kong patunayan na ikaw nga ang hinahanap namin, gumawa ako ng patibong. Ito 'yon, kunwaring nakita ko ang Hari ng Gorillego. Nilakasan at lumapit ako sa 'yo para marinig mo nang husto. At ito na nga ang kinalalabasan, nabitag ka sa patibong."
"Isipin mo, hindi ako interesado sa 'yo pero nagk'wento ka. Dami mong satsat, uuwi na ako." Maglalakad na sana ako nang umungol siya nang napakalakas. Isang nakakatakot na ungol- parang tigreng gutom na gutom. Nagsitayuan ang balahibo ko, nagsiliparan ang aking mga buhok, at medyo napaatras ako ng isang hakbang. Nagulat ako sa ginawa niya. Kung gano'n... "I-Isa ka rin sa n-napili?"
Ngumisi siya na abot tainga. Nakita kong may pangil siya. "Nagulat ba kita, mahal na Reyna?"
Naging mas matingkad ang batik-batik na kahel sa kaniyang buhok. May biglang lumabas na anino sa likod niya. Isang malaking... malaking tigre na anino. Triple pa sa laki ng ordinaryong tigre lamang.
BINABASA MO ANG
Ascendance Of The Ruined Kingdoms
FantastikSa ibang dako ng mundo, masaya at mapayapang namumuhay ang kaharian ng Gorillego, Leogardo, at Agilyana sa pamumuno ng magigiting na mamumuno. Ngunit sadyang tuso ang tadhana, umusbong ang inggit at pagkamuhi ng ibang kaharian na nagdulot ng gulo, d...