PANAGINIP

2 0 0
                                    

Tahimik, madilim, at walang tao ang lugar kung saan ako naroon. Dinig na dinig ko ang bawat yabag ng aking malamig na mga paa sa kalsadang pinalilibutan ng hamog sa gabi. Sa malamig na lugar na ito ay tila ba pinatataas nito ang aking mga balahibo na nag tulak sa akin upang yakapin ko ang aking sarili.
“Wala bang tao rito?” ani ko sa aking sarili.
Wala akong inaasahang sagot sa aking tanong ngunit tila ba kusang bumukas ang aking mga bibig upang ilahad ang aking katanungan.
“May tao ba riyan? Alam mo ba kung nasaan ako?” tanong kong muli sa kawalan.
Sa inaasahan, wala pa rin akong natatanggap na sagot.
Patuloy lamang ako sa paglalakad hanggang sa makarinig ako ng mga halukipkip na sigurado akong galing mismo sa taong malapit sa kinaroroonan ko.
Dali-dali akong tumakbo at sinundan ang ingay.
Nang makarating ako sa mumunting tinig na iyon, isang grupo ng mga kalalakihan ang aking natagpuan sa kakahuyan.
“M-Magandang gabi?” kabadong saad ko.
Sabay sabay silang naglaan ng atensyon sa gawi ko.
“Binibini, anong ginagawa mo sa kalagitnaan ng malalim na gabi dito sa lugar na ito?” tanong ng isang miyembro. Malaki ang ngiti nito na tila lalong sumingkit ang mga mata nito sa abot tengang ngiti niya.
“Hindi ko alam pero naliligaw yata ako..” tugon ko.
Napansin ko ang pagngisi ng bawat isang myembro matapos kong sagutin ang tanong.
Unti-unti ay napansin kong gumagawa na ng hakbang papalapit ang lalaking nasa gitna. Halatang halata ang malaki at malakas niyang katawan sa sikip niyang damit. Medyo magulo rin ang buhok nito at halata ang kanyang tuyong labi siguro’y dahil sa malamig na panahon.
Nang hampasin ako ng reyalidad, hindi ko namalayang nasa tapat ko na siya. Itinaas niya ang dalawang kamay niya at inilapat ito sa magkabila kong braso. Napaigtad ako sa di pamilyar na sensasyong naramdaman ko sa haplos niyang iyon sa balikat ko. Matapos iyon ay ipinaling niya ang kanyang ulo patagilid at inilapit ang labi niya sa tenga ko.
“Sa gitna ng dilim, hindi magandang naliligaw ka sa lugar na ito, Binibini.” Aniya.
Sa pagkakataong iyon, hindi ko alam pero kusang umatras ang aking mga paa at nag umpisang tumakbo palayo sa mga lalaking iyon.
“Nakawala! Takbo, habulin niyo!” rinig kong utos ng lalaking bumulong sa akin kani-kanila lamang.
Gusto kong lumingon sa aking likuran upang tignan kung malapit pa ba sila sa akin, ngunit may kung anong meron sa akin na nagsasabing, ‘wag! Tumakbo ka lang!’
Mukhang malayo na ako sa kanila, tumigil ako sa pagtakbo at lumingon upang tignan kung naligaw ko nga ba sila, nagtagumpay ako.
Mag uumpisa na sana ulit ako sa pagtakbo nang mapansin ko ang init ng hininga sa likurang bahagi ko.
Kahit ayaw kong humarap ay ginawa ko ito.
“Hindi mo kami matatakasan dito, Binibini. Ang lugar na ito ay maliit lamang para sa aming matagal nang nakatira rito. Ang bawat pasikut-sikot dito ay pamilyar na sa amin. Kaya’t kahit tumakbo ka sa kawalan, mahahanap at mahahanap ka namin.” May pagtawang saad ng lalaki.
Nagmistulang estatwa ako sa gulat at takot sa maaaring gawin nila sa akin. Wala akong sapat na lakas upang labanan sila at tila wala rin namang maaaring tumulong sa akin sa mga oras na ito.
Ang tanging magagawa ko lamang ay ang sumigaw ng “Tulong! Tulungan niyo ako!”
Sa ‘di inaasahang pagkakataon,
“Itigil niyo iyan!” wika ng isang pamilyar na lalaki.
Napansin ko ang postura at naaninag ang buo niyang mukha.
“Jacob! Jacob tulungan mo ako!” sigaw ko.
Isang matalik kong kaibigan si Jacob. Simula pagkabata ay kaibigan ko na siya. Paano nakarating si Jacob sa lugar na ito?
Naramdaman ko ang mainit na palad ni Jacob sa nakasilop sa aking kaliwang kamay. Sabay na sabay ang bawat yabag ng aming mga paa habang mabilis na tumatakbo palayo sa mga masasamang lalaki.
Hanggang sa makarinig ako ng isang putok ng baril malapit sa gawi ko.
Narinig ko ang malakas na daing ni Jacob at napagtantong natamaan siya ng bala ng baril galing sa mga lalaking humahabol sa amin.
Ang kanina’y tahimik, madilim at malamig na lugar ay nagmistulang magulo, mainit at malinaw na pangyayari ang aking pinagdaraanan ngayon.
Bumagsak ang katawan ni Jacob sa kalsada kasama ng pagbuhos ng umaagos na dugo niya mula sa sugat na tamo ng bala.
Kasabay ng pag agos ng dugo ni Jacob ay hindi ko na napigilan pa ang kanina pa nagbabadyang pagtulo ng aking mga luha.
Pawisan at tila balisa ako ngayon sa aking kama. Isang masamang panaginip ang dumalaw sa akin.
“Panaginip lang pala.” Saad ko sa aking sarili.
Dali-dali akong bumangon at nagtungo sa hapag kainan upang kumain ng umagahan kasabay ng aking mga magulang.
Napansin ko ang postura ng aking ama na tila pagod at puyat. Samantalang ang aking ina naman ay tulala at para bang kagagaling lamang sa pag iyak.
“Ma? Pa? Anong problema?” tanong ko.
Sa hapag kainan ay nag umapaw ang lakas ng pag iyak ng aking ina na agad namang nirespondehan ng aking ama upang yakapin ito.
“Kasalanan ko ang lahat ng ito!” saad ni mama.
Nagsalubong ang kilay ko sa sobrang pagkalito.
“Shh, h’wag nating sisihin ang sarili natin, pinalaki natin siya ng tama. Sana lamang ay hindi ko siya pinabayaan no’ng gabing iyon.” Umiiyak rin na saad ni papa.
“Ano bang nagyayari?” tanong kong muli.
“Isang Linggo na siyang wala, ang hirap tanggapin, mahal. Napakapabaya kong ina!” sigaw ni mama.
“Hanggang sa huling hantungan, hindi natin binigo si Bella. Anak natin siya, kilala ko siya, malugod na siyang inaalagaan ngayon ng Panginoon.”
“Napakababoy ng mga gumawa sa kanya nito! Pinagsamantalahan nila ang anak natin! Lubos ang kalungkutan ko sa mga nangyari sa ating anak!”
Nawalan ng lakas ang tuhod ko na naging sanhi upang matumba ako dahil sa mga narinig ko. Hindi ko alam pero parang lahat ng mabigat na pakiramdam ay dumagan sa dibdib ko. Parang walang prenong tumutulo ang luha ko sa kawalan.
Hindi ito totoo.
Nagloloko lamang kayo!
Mama? Papa? Gisingin niyo ako sa masamang panaginip na ito!

PANAGINIPTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon