Kabanata 5

854 43 0
                                    


Nang makarating si Shanaya sa veranda ay naabutan niyang nilalaro ni Andrew ang alagang pusa sa kandungan nito. Tumikhim siya para kunin ang atensyon ng lalaki.

"Magpapaalam lang sana ako sa'yo na uuwi muna ako sa amin baka kasi nakauwi na sina ama at ina. Huwag kang mag-alala babalik din ako agad dito." paalam ni Shanaya.

"Ganun ba. Gusto mo ba ihatid kita." inilapag nito sa sahig ang pusa at lumapit sa kaniya.

"Hindi na. Saka sanay na ako sa gubat, ano ka ba." natatawang ani niya. "Sandali nga, nag-aalala ka na ba sa akin ngayon?" hindi na niya maiwasang itanong sa lalaki.

"Hindi ako sa'yo nag-alala kung 'di sa mga hayop na pwede mong makasalubong sa gitna ng gubat." sagot nito sa kaniya.

"Bakit naman?" naguguluhang tanong ni Shanaya. Seryoso, hindi niya talaga naintindihan ang ibig nitong sabihin.

"Kasi kapag nakasalubong ka nila, baka tumakbo lang sila nang mabilis palayo sa'yo dahil nakakita sila ng bruhang mangkukulam." at natawa pa ang lalaki sa sariling sinabi.

"Ako mukhang bruhang mangkukulam? Sa ganda kong ito. Baka ang ibig mong sabihin ay mahihiya lang sila dahil makakakita sila ng mukhang diyosa na katulad ko." pangsasakay niya sa biro ni Andrew. Dahil doon ay lalong lumakas ang kaniyang tawa.

"Tama na muna, kailangan ko nang umuwi at baka hinahanap na ako sa amin." sabi pa niya. Nilapitan niya ang alagang pusa ni Andrew at hinimas ang ulo. "Paalam kuting."

"Sige. Ingat ka."

Habang naglalakad pauwi si Shanaya ay nag-iisip siya kung anong pwede niyang dalhin para kay Andrew pagbalik sa mansyon.

"Ah, alam ko na!" bigla niyang naisip 'yon. Malaki ang ngiti na ipinagpatuloy niya ang paglalakad pauwi.

Nang makarating sa kanilang bahay ay hinanap niya agad ang mga magulang ngunit hindi niya nakita ang mga ito. Naisip niyang magluto ng kanilang tanghalian para kapag nakauwi na ang kaniyang ina at ama ay may makakain na. Matapos makapagluto ay inilagay niya ang mga pagkain sa kanilang lamesa. Kasunod ay tumungo siya sa kaniyang kwarto para maligo at makapagbihis ng damit.

Hindi nagtagal ay dumating ang kaniyang mga magulang. Lumapit si Shanaya sa mga ito saka nagmano. Tinulungan niya rin magdala ng mga pinamili at pinasok sa loob ng bahay.

Natuwa ang kaniyang ina nang makita ang mga pagkaing nakahanda sa lamesa.

"Nakapagluto ka na pala, anak." bati sa kaniya ng ina.

"Opo ina, alam ko po kasing pagod kayo pag-uwi galing sa bayan." magalang niyang sagot.

Sabay-sabay na silang umupo para kumain.

"Napakabait at ang sipag talaga ng anak ko, manang-mana sa akin." pabibong ani ng kaniyang ama.

"Siyempre naman ama."

"Tama na 'yan. Kumain na tayo." Nagkatinginan pa sila ng ama at nagbigayan ng senyas sa isa't-isa na sundin ang ina. Strikta pa naman ang kaniyang ina kapag nasa harap sila ng hapagkainan.

Pagkakain ay nagpasya ang ama ni Shanaya na pupunta sa bukid at may aayusin daw ito. Ang kaniyang ina naman ay magpapahinga sa kanilang kwarto dahil sa pagod sa pagbiyahe.

Pagkaalis ng ama ay hinatid niya ang ina sa kwarto. Nasa may pintuan na sila ng kinausap niya ang kaniyang ina.

"Magpapaalam po sana ako kung pwede akong mamasyal." saad niya. Ayaw niya na mag-alala ulit ang kaniyang ina kaya nagpapaalam siya.

"Saan ka mamasyal, anak?" tanong nito. Bago pa siya umimik ay inunahan na siya ng ina. "Pwede kang mamasyal kahit saan dito sa lugar natin huwag lang sa gubat anak. Alam mong delikado at ayaw kong may mangyari sa'yong masama."

Ang Prinsepeng Mailap sa mga Tao  (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon