Sinimulan kong ituktok ang paa ko mga alas-sais. Hindi ko ito namalayan kung hindi pa sumakit ang aking paa pero hindi ko ‘to mapigilan. Nangangalay na ang likuran ko sa kakaupo sa matigas na silyang ‘to. Ang naaamoy ko mula pa kanina ay mga pandisimpekta at rubbing alcohol. Nilagay ko ang kamay ko sa tuhod ko at tumingin sa puting sahig kung saan ko itinutuktok ang paa ko.
“Isa, dalawa, tatlo. Isa dalawa, tatlo.”
Paulit-ulit kong pagbilang. Halos buong araw na akong nandito, labas pasok sa mga silid sa ospital. Nanlalamog na ang kamay ko sa kakatusok ng mga karayom. Nanlalamig na ako sa kakasuot at hubad ng damit ko. Pero pagkatapos ng mahabang araw, ito ang pinakamasamang bahagi. Ang paghihintay.
Ang unang sampung minuto ay hindi masyadong masama. Nalibang ako sa kakatingin sa mga taong dumadaan sa kinakaupuan ko. Pero sinimulan akong kabahan dahil naisip kong baka maya-maya ang doktor na bibigay ng resulta ng blood test ko ay isa sa mga taong dadaan sa ‘kin. Hindi maaring manatili ako dito.
Ngayon nakaupo ako sa dulo ng tahimik na pasilyo na may malaking bintana sa bandang kanan ko. Patay ang ilaw dito kaya’t ang ilaw ng gabi ang nagbibigay liwanang dito. May isang nars na pabalik-balik sakin upang tignan ako at tanungin kung ano ang kailangan ko. Hindi niya kailangan gawin ‘to ngunit natutuwa ako na ginagawa niya ‘to. Isang paalala na ako’y umiiral.
Halos isang oras na akong nakaupo dito at hindi ko alam kung matatagalan ko pa ‘to. Gustong-gusto ko ng tumayo’t gumawa ng isang bagay at ang paa ko’y nangangati ng tumakas at kalimutan ang nangyayari ngayon. Kung hindi dahil sa pagtuktok ko sa sahig ay hindi ako makakapag-isip ng diretso. Gusto ko ng dumating na ang sandali para hindi na ako umupo dito ng matagal pero parang hindi ko gustong malaman ang resulta. Hindi ako sigurado kung dapat ba akong matakot o kabahan.
“Gusto mo ng kendi?”
Nagsimulang tumalon ang puso ko sa tunog ng boses lalaki, tumingala ako at nakita ko ang lalaking nakatayo’t may hawak na kendi sa kamay niya. Hinihintay niya ang pagsagot ko sa kanya.
“Ah sige, salamat.”
Tinaas ko ang kamay ko at binigyan niya ako ng kendi sa palad ko.
“Okay lang bang umupo ako?”
Tumango ako at umupo siya sa may gilid ng kinauupuan ko. Maitim ang buhok niya pero kapag dahil sa ilaw mula sa labas nagging matingkad na pula ang kulay nito. Nang binalik niya ang natirang kendi sa kanyang bulsa, tumingin uli ako sa sahig, baka kasi mapansin niyang nakatingin ako sa kanya. Tumingin ako sa pasilyo at nagtaka kung kalian ba darating ang doktor. Sinimulan ko ulit ituktok ang paa ko pero napatigil ako ng napansin kong nakatingin siya sa akin. Lumihig siya at bumulong,
“Alam mo kung ilipat-lipat mo ang ginagamit mong paa na pangtuktok hindi mangangalay ang paa mo.”
“Hulaan ko, may karanasan ka sa bagay na ‘to.”
“Limang taon lang naman. Dito ako magaling eh, sa paghihintay.”
“Lagi ka bang may kinakausap na babae tuwing naghihintay ka?”
Nung nagkasalubong ang mga mata namin, pumawi ang mga ngiti ko. Ang kulay ng mata niya ay katulad sa mga karagatan at naramdaman kong umiinit ang pisngi ko.
“Ikaw ang una, maniwala ka man o hindi.”
Tumingin siya sa ibang direksyon. Parang nahihiya.
“Ako nga pala si Matt.”
“Hayley.”
“Anong hinihintay mo? Okay lang kung hindi mo sabihin lalo na’t hindi mo ako kilala.”