Chapter 8

105 14 7
                                    

Chapter 8

Happy Valentine's

Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagigising si mama. Dali-dali ring sumugod sa ospital si Papa nang marinig niya ang balita. Iniwan ko muna siya doon pansamantala habang wala akong buhay na naglalakad dito sa hallway ng ospital. Pinapabili kasi ako ng makakain namin. Hindi ko nga rin namalayan na alas siyete na pala ng gabi.

Dahil wala namang canteen itong Provincial Hospital namin, napilitan talaga akong lumabas at magtungo sa pinakamalapit na karinderia. Ipinabalot ko na lang ang ulam at kanin na binili ko para sa aming dalawa ni Papa. Ipinagkasya ko talaga sa 100 pesos na binigay niya sa akin. Mahirap na. Hindi pa namin alam kung kailan madi-discharge si Mama. Paniguradong marami pang ireresetang gamot sa kaniya ang doktor.

"Chan?"

Napalingon ako sa gawi ng tumawag sa akin. Bahagya pang nanlaki ang mga mata ko dahil hindi ko inaasahang makikita ko siya dito.

"K-kuya, ikaw pala 'yan," bati ko nang tuluyan na niya akong malapitan. Ito ang unang pagkakataon na nakita ko si Salih na hindi naka-uniform. Nakasuot siya ng kaswal na asul na t-shirt at shorts lang. Nakakapanibago.

Nang iabot na sa akin ang sukli ay tinungo ko na ang pintuan at lumabas na. Pero nararamdaman ko pa ring nakasunod si Salih sa akin. Akala ko kakain siya roon. Bakit niya ako sinusundan?

"Anong ginagawa mo rito?" tanong niya nang masabayan na niya ako sa paglalakad.

"Na-admit kasi si Mama. Nahimatay kanina. Overfatigue daw sabi ng doktor. Tsaka tumaas din daw 'yong BP niya," paliwanag ko habang hindi siya tinitignan. Hindi pa naman kasi kami masyadong close. Nahihiya pa rin ako.

"Ah," sabi niya't napahinto sa paglalakad kaya napahinto na rin ako. "Kaya pala hindi mo nabasa 'yong chat ko."

Ha? Chinat niya ako? Bakit?

Gulat akong napatingin sa kaniya. Hindi masyadong madilim sa kinatatayuan namin dahil tumatama sa mukha niya ang ilaw ng streetlight sa aming tapat.

"Ay... hindi ko pa kasi nabubuksan ang cellphone ko. Tungkol saan po ba?"

Tiningnan niya ako sandali bago nagsimula ulit maglakad. Awtomatiko naman akong napasunod sa kaniya.

"Manghihingi sana ako ng pictures kanina," natatawang sabi niya. "In case makalimutan mo na naman."

"Sige, isesend ko na lang mamaya."

"Ipasa mo na lang sa akin thru Bluetooth. Para hindi madistort iyong quality."

Nasa tapat na kami ng hagdan paakyat ng Ospital nang sabay kami napahintong dalawa.

"Hindi ka pa uuwi?"

Napatawa siya't isinuksok ang isang kamay sa kaniyang bulsa. Ilang segundo lang ay may inilahad na naman siyang Potchi na tinanggap ko naman. "I practically live here. So ano, sa tennis court na lang mamaya?" pag-aaya niya't nginuso pa ang direksyon ng tennis court sa aming likuran.

Sandaling sumikdo ang puso ko dahil pakiramdam ko'y bumabalik na ulit sa normal ang akala ko'y magiging pinakamalalang araw sa buong buhay ko.

"Sige," sabi ko sabay ngiti.

Nang makabalik ako sa ward ni Mama, nakaupo na siya't pinapakain na ni Papa. Pinigilan ko ang sariling huwag basta-bastang ibagsak sa sahig ang plastic na hawak dahil gustong-gusto ko na talaga siyang yakapin.

Tahimik kong ibinaba sa maliit naming mesa ang supot na hawak at tahimik na niyakap siya. Nararamdaman ko na naman sana ang mga luhang parang handang-handa nang magbagsakan ngunit pinigilan ko na lamang ang sarili. Ang daming tao. Nakakahiya naman.

Field of Promises (SPSHS Series #1) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon